Bakit, Bakit aking Mahal?

15 0 0
                                    

Inamin ko sa iyo na hindi kita gusto,
Bagkus ako'y nagmamahal na sa iyo.
Ano ang iyong naging sagot?
Isang tawang tila 'di nalalagot.

Kakalimutan ko na ang gabing iyon,
Sa isip, puso ko na'y sumang-ayon,
Isiping walang nangyari, isa lang iyong guni-guni,
Walang tapatang naganap para sa itinatangi kong binibini.

Ngunit bakit, bakit aking mahal?
Puso ko'y hinayaang lalong maging hangal,
Nang dahil sa halik na ginawad mo sa'king kaarawan,
Na nag-iwan sa akin nang isang katanungan...

Bakit, bakit aking mahal?

--
Salamat.

Kahit na noong umamin ako sa iyo nung gabing hilong hilo ako dahil sa tama ng lecheng alak na iyon ay tinawanan mo lang ako.

"Seryoso ako."

Nainis ako sa iyo, mukha ba akong nagbibiro? Pero ngumiti ka lang, salamat a?

"Mag-uusap tayo kapag matino ka na."

Ginulo mo lang ang buhok ko, pagkasabi mo. Salamat a?

At salamat rin kase nang matapos na ang kalanguan ko, hindi naman tayo nag-usap.

Hindi ko alam kung bakit. Sigurado naman ako na nagyari iyon. Sigurado ako na hindi iyon panaginip o anupaman.

Pero wala rin naman akong lakas ng loob para buksan pa iyong tungkol sa usapin na iyon. Nagpanggap na lang ako na hindi ko naaalala, na walang ganung ganap.

Lumipas ang araw. Hindi na kita iniiwasan. Sinabi ko naman na hindi na diba? Kahit na parang hangin lang iyong pag-amin ko sa alaala nating dalawa.

Lumipas pa ang ilang linggo, wala namang nagbago sa turingan natin. Siguro nga walang nangyari? Haaays.  Ikaw pa rin iyong binibining ubod nang kulit at sweet sa akin. Ikaw pa rin iyong binibining sinisinta ko na pagmamay-ari na ng iba. Saklap.

Dumating iyong kaarawan ko.
May kaunting salu-salo kasama ang pamilya ko at IKAW. Oo, ikaw lang ang inimbita ko. At sinigurado ko na, hindi ka magsasama ng kahit na sino base sa pag-iimbita ko sa iyo.

Dumating ka na may ngiting sobrang minahal ko. May hawak ka sa iyong kamay na inaasahan kong para sa akin.

Nakamamatay ang maling akala.

Nagtampo ako kasi wala ka man lang regalo sa akin, may dala ka pero hindi para sa akin kundi sa nanay at tatay ko. Salamat a? Sila na pala ang kaibigan mo.

Paano naman ako?

Hmm. Nakatatampo.

Pinapauwi na kita. Gusto kong mag-eat and run ka na lang. Actually, tinaboy kita. Paano ba naman kase.
Alam mo iyon? Asang asa na nga ako sa iyo, pati ba naman sa regalo.

Sinuway ako ni Nanay. Salamat a? Ikaw na ata ang anak niya. 

Tinawanan mo lang ako.
Nanatili ka at wala na akong magagawa.

Ang siste, sa amin ka pa nagpalipas ng gabi. Kung ordinaryong araw lang ito, todo na ang aking ngiti pero hindi e.

Tsss.

Malamig ang pakikitingo ko sa iyo nang dahil doon. Mababaw ba? Eh umasa nga ako, diba?

Lumalim na ang gabi, oras na para magpahinga. Magkatabi tayong dalawa sa kama ko.

Gusto kitang yakapin pero gusto din kitang itulak.

Ramdam ko ang puso kong di mapakali pero inis na inis pa rin ako sa iyo.

Tumalikod na lang ako sa iyo, walang kibo.

"Huwag ka nang magtampo, may regalo ako sa iyo."

Nang sabihin mo iyon, biglang napawi lahat ng inis ko. OA mang pakinggan pero agad akong humarap sa iyo para lang magulat.

Leche!

You kissed me with your eyes closed. Pero iyong akin mulat na mulat sa pagkagulat.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Tatlong segundo lang tapos inilayo mo na ang labi mo. Agad kang tumalikod, iniwan akong may isipang nagtatanong.

Bakit?

Bakit mo ako hinalikan sa aking kaarawan?

STASITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon