Chapter 1

150 4 0
                                    


Maingay, magulo at patay-sinding ilaw ang bumungad kay Danica nang makapasok sa bar. Napahinto siya at tinimbang ang sarili kung tutuloy. Bago pa man makapag-desisyon ay tulak-tulak na siya sa likuran ng mga taong nag-aya sa kanya roon.

"Danica, huwag ka ngang babagal-bagal!" reklamo ni Tala na inilapit ang bibig sa tainga niya. Umiindayog pa ito kasabay ng musika. "Mauubusan tayo ng upuan."

Napaismid siya at siniko ito. "Huwag mo akong sigawan!" sigaw niya rin. Nabingi yata siya sa ginawa nito.

Pero dahil sa malakas na tugtog sa buong lugar ay nilamon lang ang mga salita niya. Ni hindi yata narinig ng huli ang sinabi niya.

Nakipagsiksikan siya sa mga tao hanggang sa makahanap sila ng pwesto. Daig pa niya ang nakipag-rally na hinihingal nang tuluyang maramdaman ng puwet niya ang malambot na sofa.

"Fave ko talaga dito!" tuwang-tuwang tili ni Gin. "Dapat araw-arawin natin ang pagpunta rito."

"Tama. Para matanggal ang stress," sang-ayon ni Tala at nakipag-highfive pa.

Hindi umimik si Danica. Hindi naman kasi niya ramdam ang lugar. Maliban sa unang beses niyang mapadpad sa isang bar, sapilitan pa ang pagkaladkad sa kanya roon.

Inilibot niya ang paningin at muli ring ibinalik sa mga kasama. Wala kasi siyang nakikitang magandang tanawin. Sa madaling salita, hindi siya belong doon.

May waiter na lumapit para kunin ang order nila.

"Nica, ano'ng sa iyo?" tanong ni Chito sa kanya, isa sa matalik niyang kaibigan na lalaki.

"Cold choco. Kung may snickers flavor, iyon ang akin," nakangiting sagot niya.

"Cold choco? Ineng, nasa bar ka."

"At namili ka pa ng flavor."

Hindi niya pinansin ang mga kontrabida. "Chito, cold choco. Kung wala, bibili na lang ako sa labas."

"Meron sila pero walang snickers." May dinukot ito sa bulsa. Nanlaki ang mga mata niya at napangisi nang makita ang favorite niya. "Inihanda ko na rin 'to."

Parang batang tinanggap niya iyon. "Thanks. Mahal mo talaga ako."

"Matagal na!" sabay-sabay na sigaw ng mga kasama nila na sinegundahan ng tukso.

Napailing si Chito habang siya naman ay lihim na napakagat-labi para itago ang ngiti.

Ang totoo niyan, kinikilig si Danica kapag may mga banat na ganoon ang mga kaibigan nila sa kanila. Crush niya kasi si Chito. No'ng una, nagwa-gwapuhan lang siya rito. Pero 'nung nakasama na ito sa circle of friends niya ay mas lumabong ang simpleng physical attraction. Nakilala niya kasi ito nang husto at walang maitatapong ugali sa pagkatao nito.

"'Oy, tama na. Baka mapikon si Nica," saway ni Chito sa mga ito at binalingan siya. Magkatabi kasi sila sa pang-dalawahang upuan. "Hayaan mo sila. Mga walang magawa."

"Sus. Sanay na ako," pa-cool niyang sabi pero pigil pa rin ang mapangiti.

"Para sa sunod na kompetisyon." Itinaas ni Jerome ang baso ng alak. Lahat ng inumin ng mga ito ay nakalalasing maliban sa kanya. "Sungkitin ulit natin ang medalyang ginto."

"Sungkitin!"

Nandoon sila para ipagdiwang ang pagka-kampeon sa cheerdance competition. Dahil magba-barkada ay sila-sila lamang ang nag-usap ng plano pagkatapos ng kompetisyon kanina. Hindi na sana siya sasama dahil magagabihan siya. Kaso, nandoon si Chito na isang pumilit sa kanya at nangakong ihahatid siya.

Back to BracksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon