ILANG BESES na napakurap si Carla para alalahanin kung nasaan siya nang magising sa isang hindi pamilyar na kuwarto. Napabalikwas siya ng bangon at napatingin sa suot. Sigurado siyang hindi niya iyon damit. Ilang sandali din ang lumipas bago niya naalala ang mga nangyari noong nakaraang gabi.
Tumayo siya at tinungo ang banyo. Napangiwi siya ng makita ang nangingitim na pisngi at ang bahagyang namamagang labi. Ayaw niyang isipin kung ano ang maaaring mangyari sa kanilang magkapatid kung hindi dumating si Keith. Malamang na mas magiging malala ang sitwasyon nila.
Matapos maghilamos ay lumabas na siya ng kuwarto. Napapikit siya ng maamoy ang aroma ng kape. Napahinto siya sa bukana ng kusina nang makita ang nakatalikod na bulto ni Keith. Nahigit niya ang hininga nang lumingon ito. His lips curved into a sexy smile. Gusto niyang bumalik sa kuwarto nang maalala na hindi nga pala siya nakapagsuklay man lang.
"Mabuti naman at gising ka na. Maupo ka na para makapag-almusal na tayo."
Umupo siya sa tapat nito. "S-salamat," aniya ng dulutan siya nito ng isang tasa ng mainit na kape. Nakita nito ang pagngiwi niya ng uminom ng kape.
"Masakit pa din ba ang sugat mo?"
Hindi makapaniwalang napatingin siya dito. Parang ibang tao ang kaharap niya at hindi ang mapang-akit at bastos na si Keith.
"Medyo kumikirot lang ng kaunti."
Napatiim bagang ito ng makita ang pasa sa pisngi niya. "I swear they will never hurt you again."
Isang ngiti ang isinagot niya dito. "Salamat ulit sa pagliligtas mo sa amin." Nagtubig ang mata niya. "Kung hindi dahil sa iyo, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa amin ng kapatid ko."
Dumukwang ito at pinahid ang luha niya. "Sinabi ko sa iyo kagabi na huwag mo akong pasalamatan dahil maniningil ako."
"Kahit anong gusto mo gagawin ko. Sabihin mo lang." Kahit siguro patalunin siya nito mula sa kinaroroonan nila ay gagawin niya.
Hindi din niya maintindihan ang sarili kung bakit parang bulang naglaho ang inis na naramdaman niya mula noong unang araw na nagkita silang dalawa. Siguro dahil ito ang nagligtas sa kanila kaya naniniwala siyang mabuting tao si Keith.
"I want you to stay with me here in my house as long as I want you to. Ikaw ang aasikaso sa lahat ng pangangailangan ko."
Nahigit niya ang hininga sa sinabi nito. "P-pero paano ang trabaho ko?"
"Hindi ka muna papasok sa trabaho mo. Kakausapin ko si Larence tungkol sa maiiwan mong trabaho. Sinisiguro ko sa iyo na may babalikan kang trabaho kapag natapos ang usapan natin." Magpoprotesta pa sana siya ng unahan siya nito. "Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa pamilya mo. Ang dapat mo lang gawin ay manatili dito sa bahay ko at asikasuhin ang lahat ng pangangailangan ko, maliwanag?"
Napayuko siya. "Parang kabit," mapait na sabi niya sa sarili. Hindi niya namalayang nasabi niya iyon ng malakas. Hindi dapat siya makaramdam ng ganoon. Sabi nga nila, 'Beggars can't be choosers.'
Keith tilted her chin so she can look in his eyes. "Don't use that word. I'm not yet married kaya hindi kita kabit, maliwanag? I just want to take care of you. Iyon na lang ang isipin mo."
Tumango siya bilang sagot. Hindi na siya nakipag-argumento pa dito.
Nanaig ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa habang kumakain.
Napapitlag pa siya ng biglang tumunog ang cellphone nito. Ilang minuto din itong nakipag-usap.
"Aalis muna ako sandali, babalik din ako kaagad. Iyong mga damit mo pina-dry clean ko. Any moment darating na iyon. Tatlong beses sa isang linggo may dumarating na tagalinis ng bahay. Huwag ka ding mag-alala dahil puno ang cupboard at ref. Make your self at home." Inabot nito sa kanya ang isang bagong modelo ng cellphone. Ayaw sana niya iyong tanggapin pero kinuha nito ang kamay niya at inilagay doon ang cellphone. "Naka-save diyan ang number ng kapatid mo at ang number ko. Kapag may kailangan ka, tawagan mo lang ako."
BINABASA MO ANG
Keith, The Heart Thief (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceUnofficial Teaser. :) Sa mundong ginagalawan ni Keith dela Vega, lahat ay may katumbas na presyo. Kaya naman hindi niya maintindihan kung bakit tinaggihan ni Carla ang alok niyang pera kapalit ng isang gabi kasama ito. Unang kita pa lang niya sa da...