Chapter 1

19.3K 304 38
                                    

Hi, guys!!!!! Kagaya ng sabi ko last time, ipopost ko po rito ang published novel ko. At ang una sa listahan ay si... dyaran! Si Keith. :) Connected po ito sa story ni Nicollete sa Loving The Mobster Princess. Sana magustuhan ninyo. :)
Feel free to comment. ;)

----------
“DALAWANG ORDER ng spicy buffalo wings, Crave,” imporma ni Carla sa head chef ng Angels Wings kung saan siya nagta-trabaho bilang waitress. Isang exclusive club ang Angels Wings kung saan ang tanging may mga membership lang ang makakapasok.

“Aye, aye, Ma’am,” anito at nakangising sumaludo sa kanya bago nagsimulang ihanda ang mga sinabi niya.

Hindi niya napigilang matawa sa ginawi nito. Sa halos apat ng taon niya sa naturang club ay sanay na siya sa kakulitan ng mga kasamahan niya sa trabaho. Isa din sa dahilan kaya siya nagtagal doon ay dahil halos pamilya na ang turingan ng bawat isa. Nginitian niya ang kapwa waitress na si Sarah na pumasok din sa kitchen para kumuha ng order.

Sumandal siya sa may hamba ng pinto ng kusina at pinagmasdan ang kabuuan ng lugar. Puno ng parokyano ang club kaya naman hindi sila magkandaugaga sa pagsisilbi sa mga ito. Palibhasa araw ng suweldo kaya naman inaasahan na nila ang pagdagsa ng mga tao.

Kinuha niya ang tray na kinalalagyan ng order niya at dumeretso sa table na um-order. Malisyoso siyang nginitian ng customer habang isinisilbi niya ang pagkain sa table ng mga ito.

May pagka-sexy ang dating ng uniform nila. Pulang strapless mini dress ang uniform nila na umabot hanggang kalahati ng hita. It clung to their bodies like a second skin. Tinernuhan din iyon ng itim na stockings at three inched high heeled shoes. 

Sanay na siya sa mga ganoong mga klase ng tingin. Matamis niya itong nginitian kahit na gusto niya itong irapan. Ilang beses na siyang inalok ng mga customers na i-table pero lagi niyang tinatanggihan ang mga indecent proposal na iyon. Noong nabubuhay pa ang kanyang ina ay lagi nitong sinasabi sa kanila ang kahalagahan ng puri at dangal. Pinapangako pa sila nito ni Nicola na hindi nila gamitin ang katawan nila para kumita ng pera kahit gaano pa kahirap ang buhay. Kaya kahit halos magkanda-kuba na siya sa pagtatrabaho para makabayad sa pagkakautang nila ay hindi niya magawang sirain ang pangako sa namayapang ina. 

Ilang beses na din siyang inalok na maging dancer sa Angels Wings para naman daw hindi masayang ang ganda niya sa pagiging waitress na lagi din niyang tinatanggihan. Pareho kasing kaliwa ang paa niya. Marami ang nagsasabi na maganda siya. Her eyes were doe like. Matangos din ang ilong niya at manipis ang mga labi. Kamukha niya ang kanyang ina noong kabataan nito. Hindi niya mapigilang malungkot nang maalala ang ina.

Napadako ang tingin niya sa entrada ng club ng pumasok ang isang grupo ng mga lalaki. Sa bilang niya ay nasa pito ang mga ito at pawang nakasuot ng itim na business suit. Nagmamadaling sinalubong ang mga ito ng Manager nila na si Boss Robert.

Pamilyar ang mga ito lalo na ang lalaki sa may gitna. Ilang beses na din niyang nakikita na bumibisita ang mga ito sa Angels Wings pero hindi pa niya nakikita ito sa malapitan dahil sa tuwina ay laging sa VIP Rooms dumederetso ang mga ito.

Ayon sa mga naririnig niya mula sa mga kaibigang dancers, ang lalaki ay walang iba kundi si Keith Athony dela Vega. Ang mga dela Vega ang may-ari ng isa sa pinakamalaking airline at shipping company sa bansa. Kaya naman hindi na kataka-taka na marami ang babaeng halos itapon ang sarili para lang pansinin nito.

Naramdaman marahil ni Keith na may nakatingin dito kaya bumaling ito sa gawi niya. Pakiramdam niya ay biglang bumilis ang tibok ng puso niya nang magtama ang mata nila. Kahit may kadiliman sa kinaroroonan niya ay malinaw niyang nakita ang mga mata nito dahil sa malamlam na ilaw sa may entrance ng club. Mabilis niyang iniwas ang tingin dito. Mahirap na at baka akalain pa nitong isa siya sa mga babaeng nagkakagusto dito.

Keith, The Heart Thief (Published under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon