Chapter 4

8.1K 190 2
                                    


EXCITED SI Carla habang bumibiyahe pabalik ng bahay nila. Miss na miss na niya si Nicola at ang Tatay niya. Gaya ng pangako ni Keith sa kanya noong nakaraang gabi, ipinahatid siya nito kay Cole, na siyang nagsisilbing kanang kamay nito, dahil ayaw nitong umalis siya ng walang kasama. Maaga din itong umalis dahil may business meeting itong pupuntahan.

Napatuwid siya ng upo nang lampasan ni Cole ang daan papunta sa bahay nila. "Teka lang, Cole. Nalampasan mo na ang daan papunta sa amin," imporma niya dito.

Nanatili itong deretsong nakatingin sa kalsada. "Huwag po kayong mag-alala, tama po ang daan natin."

Ilang sandali pa ay huminto sila sa isang bungalow style na bahay. Lumigid sa gawi niya si Cole at pinagbuksan siya ng pinto.

Kunot-noong tiningnan niya ang bahay sa harap. Malayo ang hitsura niyon sa bahay nila. Nagkamali ba sila ng bahay na napuntahan?

Nasagot ang tanong niya nang bumukas ang pinto at lumabas si Nicola.

"Ate!" sigaw nito at sinugod siya ng yakap. "Sobrang na-miss kita, Ate."

"Nicola, anong ginagawa mo dito? At kaninong bahay 'yan?" sunod-sunod na tanong niya.

Lumampas ang tingin nito sa kanya. "Ang mabuti pa, pumasok na muna kayo sa loob para makapagmeryenda kayo."

Inikot niya ng tingin ang kabuuan ng bahay. Katamtaman ang laki niyon at kumpleto sa mga gamit. Mula sa flat screen TV hanggang sa iba pang entertainment appliances.

Dinulutan siya ni Nicola ng isang baso ng juice at slice ng cake. Si Cole naman ay nagpaiwan sa may terrace.

"Hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko, Nicola," Carla said impatiently. May pakiramdam kasi siya na may inililihim ito sa kanya.

"Dito kami nakatira ni Tatay, Ate."

Napaawang ang labi niya sa sinabi nito. "P-paano? Saan kayo kumuha ng pera? At nasaan si Tatay?" May ilang sandali din itong tumahimik na tila tinitimbang kung sasagutin ang tanong niya. "Nicola..." aniya sa nagbabantang tinig.

"Naman, Ate, bakit ba kasi ang dami mong tanong?"

Pinandilatan niya ito. "Sagutin mo ako."

Napabuntong-hininga ito. "Malalagot ako nito kay Kuya Keith," narinig niyang bulong nito.

Sumikdo ang dibdib niya ng marinig ang pangalang sinabi nito. "At ano ang kinalaman ni Keith dito?"

"Simula noong gabing dinala ka niya ay dinala kami ng mga kasama niya. Ayaw sana namin ni Tatay pero hindi nila kami tinigilan. Halos sira na din kasi ang mga gamit natin. Siya ang nagbabayad ng renta nitong bahay, lagi ding may nagdadala ng mga grocery dito. Pinahiram din niya ng pamasadang taxi si Tatay. At hindi lang iyon, Ate. Sinabi din niyang pag-aaralin niya ako," pagkukuwento ni Nicola sa garalgal na tinig. "Akala ko katapusan na natin noong nabaon tayo sa utang. Pero ipinagpapasalamat ko na dumating siya para iligtas tayo."

Hindi namalayan ni Carla na tumutulo na din ang mga luha niya. Ni sa hinagap ay hindi niya akalaing gagawin iyon ni Keith. Si Keith na kinaiinisan niya at halos isumpa niya dati dahil sa mga ginawa nito sa kanya. Tama nga si Nicola, marami silang dapat ipagpasalamat kay Keith.

Gabi na nang dumating ang Tatay niya. Mahigpit niya itong niyakap. Pinipigilan niya ang sarili na maiyak nang makita ang malaking pagbabago nito. Masigla itong nagkuwento sa kanila tungkol sa naging araw nito. Parang bumalik ito sa dati nitong sarili, noong mga panahong buhay pa ang Nanay nila.

"Carla anak." Nalingunan niya ang ama. Pumuwesto siya sa may sala set dahil ayaw siyang patulungin ni Nicola sa pagliligpit ng mga kinainan nila. Tumabi ang Tatay niya sa kanya. "Alam kong matagal ng huli, pero gusto kong humingi ng tawad sa mga panahong nagkulang ako bilang ama sa inyo ni Nicola." Nanatili siyang tahimik habang nakikinig dito. "Sobra akong nahirapan noong iniwan tayo ng Nanay mo. Nakalimutan ko na hindi lang pala ako ang nasasaktan sa pagkawala niya. Sana mapatawad n'yo ako." Tuluyan na itong naiyak.

Keith, The Heart Thief (Published under Precious Hearts Romances) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon