ILANG ARAW ng masama ang pakiramdam ni Carla tulad ng araw na iyon. Pagkagising niya ay dumeretso kaagad siya sa banyo. Wala naman siyang inilabas. Nanghihina siyang napaupo sa tiled floor. Mukhang inaatake siya ng hyperacidity. Halos tatlong araw na ding hindi umuuwi si Keith. Lagi itong tumatawag sa kanya kapag may oras ito.
Mukhang kailangan na nga niyang magpunta ng ospital. Naabutan niyang nakatayo sa may gilid ng bintana si Benedict at nagmamasid sa labas ng bahay. "Ben-" hindi na niya naituloy ang sasabihin ng bigla na namang umikot ang paningin niya. Nasapo niya ang noo at bumigay na ang tuhod niya.
A pair of strong arms caught her in time. "Miss Carla." Naramdaman niya ang pag-angat niya at ang ilang mga boses na hindi niya maintindihan.
Pinilit niyang buksan ang mga mata kahit hirap na hirap siya. "Benedict, please huwag mong sabihin kay Keith ang nangyari," aniya sa hirap na tinig. "Ayaw kong mag-alala siya."
Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mata nito. Mahigpit niyang hinawakan ang harapan ng damit nito. "Please mangako ka."
"Pangako."
Iyon lang ang hinihintay niya muli niyang ipinikit ang mata para mabawasan ang pagkahilo.]
PUTING KISAME ang sumalubong kay Carla ng magising siya. Nakangiting mukha ng isang babae na sa tingin niya ay doktor ang nalingunan niyang nakatayo sa gilid ng kinahihigaan niya at tila may sinusulat sa hawak nitong clipboard.
"Mabuti naman at gising ka na."
Pinilit niyang bumangon. Mabuti na lang at hindi na siya masyadong nahihilo kaya nakaya na niyang maupo. "Gaano na po ako katagal na natutulog?"
"Almost thirty minutes. Hindi mo dapat pinapabayaan ang sarili mo, hija. Makakasama 'yan sa iyo at sa bata. You should also eat healty foods."
Hindi na niya maintindihan pa ang iba pa nitong sinabi maliban sa "bata".
"T-teka, ano po ang ibig ninyong sabihin?"
"You are nine weeks pregnant, hija."
Ibinuka niya ang bibig para sabihin ditong imposibleng mabuntis siya pero naalala niya ang nangyari sa kanila ni Keith mahigit dalawang buwan na ang nakararaan. Bakit ba hindi niya kaagad naisip na ang mga pagkahilo at pagsusuka niya ay mga sintomas na nagdadalang-tao siya?
Wala sa sariling nahimas niya ang sinapupunan. Isang ngiti ang sumilay sa labi niya. Hindi siya makapaniwala na magkakaroon na sila ng anak ni Keith. Namasa ang mata niya. Kaagad niya iyong pinahid gamit ang palad.
"Pasensiya na po," aniya ng maalala na naroon pa ang doktora.
Nakakaunawang ngumiti ito sa kanya. "Huwag kang mag-alala, hija. I understand. Parte ng pagbubuntis ang pagiging emotional." Pinaalalahanan pa siya nito ng mga bagay na dapat at hindi niya dapat gawin para maalagaan ng husto ang anak niya.
Para siyang naka-drugs ng lumabas mula sa clinic ng doktora. Kaagad siyang sinalubong ni Benedict. "Kumusta na po ang pakiramdam ninyo, Miss Carla?" walang anumang ekspresyong makikita sa mukha nito pero alam niyang nag-aalala ito sa kanya.
Isang ngiti ang isinagot niya dito. "Okay na ako, Ben. Huwag kang mag-alala. Naparami ang kain ko kaya naman hindi ako natunawan," pagsisinungaling niya. Gusto niyang si Keith ang unang makakaalam na buntis siya. Iinalalayan siya nito papunta sa kinapaparadahan ng sasakyan. "Sinabi mo ba kay Keith ang nangyari kanina?" nag-aalalang tanong niya dito habang nasa biyahe sila pauwi. Alam niyang nangako ito sa kanya pero alam din niyang hawak ni Keith ang loyalty nito.
BINABASA MO ANG
Keith, The Heart Thief (Published under Precious Hearts Romances)
RomanceUnofficial Teaser. :) Sa mundong ginagalawan ni Keith dela Vega, lahat ay may katumbas na presyo. Kaya naman hindi niya maintindihan kung bakit tinaggihan ni Carla ang alok niyang pera kapalit ng isang gabi kasama ito. Unang kita pa lang niya sa da...