Prologue

9.5K 195 1
                                    

WALANG pakialam si Pierre sa malakas na patak ng ulan. Ang gusto lang niya ay ang makalayo muna.

Makahinga.

Makapag-isip.

Paano ba naman. Nagkasagutan na naman sila ng kanyang Ate Charie. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nito binibigay sa kanya ang kanyang hiling—ang bumalik sa dating bahay nila at doon tumira. Pero imbes na payagan ay mas pinili nitong isama siya sa probinsya at makitira rin sa bahay ng mapapangasawa nito.

Isang taon na lang ay matatapos na niya ang high school. Bakit pa niya kailangan lumipat ng eskwelahan? Bakit pa sila makikitira? Kahit naman ulila na silang magkapatid ay may bahay naman sila. Kaya na niyang mag-isa roon. Hindi na niya kailangang makisama sa in-laws ng kanyang ate.

Tama. Iyon na nga ang dapat niyang gawin. Ang mag-empake at umuwi ng Maynila mag-isa. Kaya naman niya ang sarili. Iiwan na lang niya ang kapatid sa napangasawa nito. Iyon lang ang nakikita niyang solusyon sa problema niya.

"Kung maglalaro ka sa internet café, lalamigin ka. Aircon kasi sa loob."

Napalingon si Pierre sa kanyang kanan at nakita ang isang babaeng nakasuot ng orange na raincoat. May bibit din itong payong.

Kahit maiksi ang buhok, tomboyish at magaspang ang galaw ay di maikakailang maganda ang dalagita. Pero ganoon pa man ay hindi niya gusto ito. Ito lang naman kasi ang nag-iisang kapatid ng napangasawa ng kanyang ate.

"Hindi ako maglalaro. Ikaw, ano bang ginagawa mo rito?" Tanong niya sa babae.

"Sinusundo ka."

Napailing siya. Sinasabi na nga ba niya at pasusundan siya ng kapatid.

"Ayoko. At pakisabi sa ate ko na kaya ko ang sarili ko."

"Hindi ako inutusan ng ate mo. Ako mismo ang humabol sa'yo."

Napatitig siya sa mukha ng babae. Walang bakas ng alintana roon. Mukhang nagsasabi nga ito ng totoo.

"Pasensya ka na. Pero wala akong panahon sa kalokohan mo." Pranka niya rito.

"Hindi ako nagbibiro. Sinundan talaga kita. Nagugutom kasi ako. Parang masarap iyong tinolang manok na niluto mo noong nakaraan."

Seryoso ba ito? Sinundan siya nito para paglutuin lang siya ng tinola?

"I'm sorry but no. Maghanap ka ng ibang pwedeng magluto para sa'yo." Tanggi niya sa babae.

"Paano kung sabihin kong pepektusan kita kapag di ka sumama? Kanina pa ako nilalamig dito. Gusto ko na talagang humigop ng mainit na sabaw ng tinolang manok." Matalim ang tingin nito sa kanya na parang ilang sandali na lang ay tototohanin na nito ang banta.

Kaya naman ang kaninang naiinis na mood niya ay napalitan ng ngiti. Ito ang unang pagkakataon na napagbantaan siya ng isang babae. At ang babaeng iyon ay mas maliit pa sa kanya. He honestly finds it cute.

"O ano? Ngingiti-ngiti ka lang diyan? O eto at sumunod ka na." Pagkasabi ay inabot nito sa kanya ang payong.

Napatingin na lang siya kamay niya na hawak na ang payong. "Uy, teka, nagpunta ka talaga dito para lang sa tinola?"

"Paborito ko ang tinola kaya sarapan mo ang luto."

"Demanding ka din ha? Paano kung hindi masarap?"

"Sasarapan mo ang pagluto kung ayaw mong mapektusan."

Napangiti muli siya. Simula noong tumira siya sa bahay ng mga ito ay halos nakalimutan na niyang ngumiti. Pero ngayong kasama niya ang babae ay wala pang isang minuto ay dalawang beses na siya nitong napapangiti.

Dapat sigurong magpasalamat ang kanyang Ate Charie sa appetite ng babaeng maton na 'to. Dahil sa ngayon ay hindi muna siya aalis.

SWEET INTOXICATION: Falling in Love with the Drunken MasterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon