NAPANGIITI siya habang naalala ang nakaraan nila ni Pierre. Kahit noon pa man ay lagi na silang nakasuporta sa isa't isa. Napakahalaga ni Pierre sa buhay niya bilang isang matalik na kaibigan at isang taong pinagkakatiwalaan niya.
"Ang lapad ng ngiti ah. Sino kaya ang iniisip nito?"
Nag-angat siya ng mukha at nakitang si Martin pala iyon. Kumakain ito ng burger. Kasalukuyang break nila sa ensayo kaya naman malaya silang gawin ang nais.
"Wala. May naalala lang ako."
"Lalaki na naman?"
Tinapunan niya ito ng matalim na tingin. Mukhang di pa ito tapos sa pangungulit sa kanya.
"Heh! Hindi ko na priority 'yan."
Tumawa si Martin. "Biro lang! Anyway, may naghahanap nga pala sa'yo. Isang taong napakahalaga sa atin ngayon. Si Mr. Dominguez."
Kunot noo niyang sinundan si Martin palabas ng locker room. Mukhang wala naman silang usapan ni Jake na makikipagkita ito sa kanya ngayon. Bukas pa ang pirmahan ng kontrata. Ano kaya ang sadya nito?
Nakita niyang nakatayo si Jake sa may pinto ng gym. Agad niya itong nilapitan.
"Jake, may problema ba tungkol sa kontrata natin?" Bungad niya sa lalaki.
"No. Tuloy na tuloy ang contract signing bukas. Nandito lang ako para magbigay ng konting snacks para sa national team. Alam ko mahirap ang pag-eensayo kaya kailangan ninyo ng lakas."
Kay Jake pala galing ang nginunguyang burger ni Martin. Ang thoughtful naman ng mamang ito. At least totoo ang pinapakitang suporta nito sa team nila.
"Salamat, Jake." Mula sa pusong sabi niya sa mapagbigay na negosyante. "Dahil sa mga tulad mo ay lumalakas ang loob naming mga atleta."
Nakangiti siyang pinagmamasdan ang mga kasamang enjoy na enjoy sa pagkain nang bigla na lang may tinawag si Martin.
"Pierre, Pare!"
Nahigit niya ang hininga dahil sa bulalas ni Martin. Nakatingin ito sa may likurang bahagi nila ni Jake.
Pierre? Meron pa bang ibang kilalang Pierre si Martin maliban sa Pierre niya?
Dahan-dahan siyang tumalikod at saka nalamang tama ang hinala niya. Naroon si Pierre!
"Kumusta Martin," bati nito kay Martin at saka kinamayan ito. Pagkatapos ay kunot noo nitong tiningnan si Jake.
"P-Pierre, anong ginagawa mo rito?"
Siya ang nagtatanong kay Pierre pero wala sa kanya ang tingin nito kung hindi ay nasa kay Jake pa rin. Ayaw niyang paniwalaan ang isip pero mukha talagang hindi masaya si Pierre na nandoon si Jake.
"Naisip ko lang dumaan. Kinukumusta ko ang national team." Sa wakas ay inalis na nito ang tingin kay Pierre at nilipat na sa kanya. "Mukhang nagkakasayahan kayo ah?"
Hindi na iba sa taekwondo team niya ang presensya ni Pierre. Kahit noon pa man ay madalas na itong bumibisita sa kanila.
"Hindi naman. Break time lang. At saka nagdala ng pagkain si Jake para sa mga miyembro kaya medyo enjoy lahat." Sagot niya.
"Ah talaga?" Sinipat ni Pierre ang kinakain ng mga atleta. "Ang bait mo pala talaga Mr. Dominguez. Salamat sa malasakit mo sa national team."
"Of course, Pierre. I will do anything to support the athletes. Lalong lalo na si Raven."
BINABASA MO ANG
SWEET INTOXICATION: Falling in Love with the Drunken Master
Romance"So many women to fall in love with...but they're not you." Nang magpakasal ang kuya ni Raven sa girlfriend nito, hindi niya inakalang kasama pala sa package ng kasal na tumira rin sa bahay nila ang kapatid na lalaki ng bride na si Pierre. And s...