TEN Years Ago...
"Hindi pwede. Grounded ka pa rin!"
Halos mabingi si Raven nang pabalibag na isinara ng kanyang ama ang pinto ng kwarto. Nagpaalam kasi siyang dadalo sa birthday ng kaibigang si Maggie. Pero imbes na pumayag ay isang matigas na tanggi ang sagot ng ama sa kanya.
Naiintindihan niya kung saan nanggagaling ang inis nito. Paano ba naman, gabi na siyang umuwi kahapon dahil pumayag siyang manood ng sine kasama ang manliligaw niyang si Baste. Ang mali niya ay hindi siya nakapagpaalam sa kanyang ama. Sambakol ang mukha ng kanyang ama nang makauwi siya. Agad siyang sinintensyahan nito na magiging grounded siya sa loob ng dalawang linggo. Kaya naman hindi na siya nagulat na ganoon ang pagtanggi ng ama sa pakiusap niya. May isang salita talaga ito. Pero kahit ganoon ay sinubukan pa rin niya. Nagbabakasakaling makadalo siya sa munting salu-salo ng pamilya nina Maggie. Pero iyon nga't di ito pumayag.
Kung alam lang niya na madadamay ang pagdalo niya sa birthday ni Maggie ay sana hindi na siya sumama kay Baste.
Lukot ang mukha niya nang humiga sa kama at nag-iisip ng paraan kung paano makakausap si Maggie. Bukod kasi sa kaarawan nito ay aalis na din ito papuntang Maynila upang doon na mag-aral ng kolehiyo. Iniisip pa lang niya na aalis na ang kaibigan nang di man lang siya nakapagpaalam ay mas lalo siyang nalungkot. Matagal na rin kasing umalis si Nikkola para mag-madre. Ngayon naman ay si Maggie ang aalis. Wala na talagang maiiwan sa kanyang mga matalik na kaibigan.
Pinahid niya ang luha na unti-unting bumabasa sa kanyang pisngi. "Hindi pwede! Dapat makita ko talaga si Maggie bago siya umalis." Bahala na sigurong madagdagan ang parusa niya. Ang mahalaga ay makausap niya si Maggie.
Agad siyang hinanda ang sarili. Nagsuot siya ng pantalon at itim na t-shirt. Mabuti ang kulay na iyon upang hindi siya mapansin na tumatakas ngayong gabi.
Pagkatapos magsuot ng rubber shoes ay binuksan na niya ang bintana ng kanyang kwarto. Maingat siyang tumalon mula roon. Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy. Dapat kasi ay buong ingat niyang gawin ang pagtakas.
Gagapangin na sana niya ang hardin nang biglang may nagsalita sa likod niya.
"Akala ko ba grounded ka?"
Halos mapasigaw siya nang makitang may nakatayong lalaki roon.
"Papatayin mo ba ako sa nerbyos? Ano bang ginagawa mo rito Pierre?" Sa lahat-lahat ng taong inaasahan niyang makita ay si Pierre pa mismo na parati niyang nakakabangga ang nandoon. Kapatid ito ng napangasawa ng kanyang Kuya Francis na si Ate Charie.
Pareho nang ulila ang magkapatid kaya naman nakiusap si Ate Charie na kung maaari ay doon na rin titira sa kanila si Pierre. Ayaw kasi ni Ate Charie na mag-isa lang si Pierre sa bahay ng mga ito sa Maynila. Tulad kasi niya ay nasa highschool din ang lalaki. Tama nga rin lang na may gagabay rito.
Wala namang kaso sa kanya na tumira sa kanila si Pierre. Kahit na may pagkarebelde ito, may ear pierce at naglalagay ng itim eyeliner sa mata ay kaya naman niya itong pakisamahan. Minsan lang talaga ay nakakainis na ang matabil nitong pananalita.
Wait! Paano na lang kung isumbong siya nito sa Papa niya?
"Kailangan mo ba talagang tumakas? Mas malalagot ka sa Papa mo kapag nahuli ka."
"Kaya tumahimik ka na lang diyan at hayaan ako. Huwag mo rin akong isumbong kung hindi malalagot sa akin."
"Ako malalagot? Sige nga subukan natin. Tito Ron—hmmp!"

BINABASA MO ANG
SWEET INTOXICATION: Falling in Love with the Drunken Master
Romance"So many women to fall in love with...but they're not you." Nang magpakasal ang kuya ni Raven sa girlfriend nito, hindi niya inakalang kasama pala sa package ng kasal na tumira rin sa bahay nila ang kapatid na lalaki ng bride na si Pierre. And s...