MAAGANG nagising si Sapphire kinabukasan. At nang lumabas siya ng kwarto, nagulat pa siya nang masalubong niya ang Mama niya. Mukhang hindi ito bagong gising. Nakabihis na nga ito pero mukhang hindi naman paalis. Ibig sabihin kakauwi lang nito?
"Hindi ka umuwi kagabi?" tanong niya dito.
"Pasensiya na anak, nakiusap kasi sa akin si Miguelito na doon ako sa apartment niya matulog kagabi."
"Ikaw doon niya pinatulog pero ang kaibigan niya dito niya itinapon sa atin? Magaling."
"Anak sinabi ko na naman sa iyo 'di ba? Ako naman talaga itong nakiusap na dito tumira sa atin si Chandler. Hindi rin kasi pwede ang maingay doon sa tinitirhan ni Miguelito kaya hindi siya pwede doon."
Biglang umarko ang isang kilay niya. "Sa simula pala alam niyo na ang trip niya? Ma naman, hindi niyo man lang ba ako naisip? Panggabi ang trabaho ko, kailangan ko ng tahimik na araw para makapagpahinga tapos nagdala kayo ng mag-iingay sa bahay natin?"
"Hindi ko naman kasi akalain na ganyan pala siya makapagpatugtog. Ang sabi lang kasi sa akin ni Miguelito, ayaw ni Chandler ng tahimik. Palagi daw nagpapatugtog. Ang nasa isip ko naman, mahilig ka rin naman magpatugtog ng hindi mo pa nga naiintindihan kaya pumayag ako."
"E kung ayaw pala niya ng tahimik, bakit hindi na lang siya maglagay ng earphone sa taenga niya ng buong araw. Hindi iyong nangdadamay siya."
"Pagtiisan mo na lang muna anak."
"Pagtiisan? Ng isang taon? Well, baka nga hindi na rin umabot kasi sa susunod na buwan baka nabingi na 'ko."
"Sabi mo naman maghahanap ka ng perang maibabayad natin sa kanya. Kapag nabuo mo na ang pera, e di sabihan natin siya na humanap na lang ng ibang matitirahan."
Napasimangot siya. "Para namang ang dali makahanap ng ganoon kalaking pera. Magnanakaw ba ng bangko ang lalaking iyon at nagkaroon ng ganoong pera?"
"Ang sabi sa akin ni Miguelito, mayaman daw ang pamilya nila Chandler."
"Mayaman? E bakit nakikisiksik pa dito sa atin? Mayaman naman pala, umalis na lang siya."
"Aba'y malay ko, bakit hindi mo tanungin ng malaman mo.Sandali, may nangyari ba kagabi?."
"Nangyari?" naalala niya ang nagawang pagbuhos ng malamig na tubig dito kagabi. "S-Sa kanya? Parang binangungot ata siya?" sagot niya na kunwari hindi siya sigurado.
"Binangungot? Naku, baka nakalimot magpatugtog. Sabi kasi ni Miguelito, binabangungot daw iyon kapag nakakatulog ng tahimik. Nakahiyaan ko na nga lang itanong kung bakit e, natatakot rin akong malaman kaya hindi ko na inalam."
Panandalian siyang natahimik. May dahilan pala ang pagpapatugtog nito. Pero ano naman kaya ang nangyari dito at nakakabangungot para dito ang katahimikan?
"Bakit niyo nga po pala naitanong kung anong nangyari kagabi?"
"Nadatnan ko kasi siyang natutulog sa sahig. Baka lang kasi naglasing o kung ano pero wala naman akong nakitang bote ng beer, pitsel lang ang nandoon."
"Baka nalasing sa tubig."
HINDI siya nakapaglaba kahapon dahil sa pag-iwas niyasa maingay nilang bahay kaya gabundok pa rin ang labahin niya. Masyado na rin yatang busy ang Mama niya sa trabaho nito maging sa boyfriend nito kaya hindi na rin nagawang maglaba kaya naman, isinama na rin niya ang labahin nito. Naka washing machine naman kasi siya. Habang naghihintay, nagbasa na lang muna siya ng pocketbook pampalipas ng oras. Kilig na kilig na siya sa binabasa nang may sumira na naman sa mood niya. Nagsimula na naman kasi ang makasira eardrum na tugtog.