Part 10

3K 69 15
                                    


SINABI ni Chandler sa kanya na mag-text siya dito kapag nasa bahay na sila. Ginawa naman niya at makailang beses na rin siyang nagpadala ng message dito kaso, wala pa rin siyang natatanggap na tawag mula dito. Naisip na nga niya na siya na lang ang tatawag dito pero baka busy nga ito at makaisturbo siya. Baka rin sabihin nito na siya ang atat-atat na makausap ito kaya maghihintay na lang siya.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang tumunog ang cellphone niya. Pero nawala rin agad ang tuwa at excitement niya nang makitang si Rocky pala ang tumatawag sa kanya.

"Hello," sagot niya sa tawag nito.

"Anong klaseng sagot 'yan? Parang hindi ka naman masayang tumawag ako."

"Sorry, may hinihintay kasi akong tawag."

"Wow talaga. Nagkaroon ka lang ng boyfriend isturbo na ang kaibigan?"

"Wala akong boyfriend Rocky."

"Anong wala? Nasaan na ba ang Chandler mo? Akala ko ba sabi niya tototohanin niyo na?"

Napabuntong-hininga siya. "Pinasabay lang niya ako kay Mama at sa boyfriend niya. Nasa probinsiya pa rin siya."

"Pero susunod naman ba daw siya?"

"Ang sabi niya. Sinabihan rin niya 'kong mag-text sa kanya kapag nakauwi na kami. Kanina pa 'ko nag-text pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako tinatawagan."

"Asus, kaya pala matamlay ka nang sagutin mo ang tawag ko, si Chandler pala ang inaasahan mong tumawag. Baka naman gusto mong sabihin sa akin na ibaba na ang phone at baka tumawag na ang boyfriend mo."

"Hindi naman, ano kasi pagod na rin ako. Alam mo na, malayo ang biyahe."

"Hindi mo na kailangang magdahilan Sapphire, baka magtampo lang ako. Alam ko ang feeling ng taong inlove, mas matimbang talaga ang boyfriend," nakatawa nitong sabi. "O sige na, bye na at baka tumatawag na sa 'yo si Chandler. Hindi ka lang ma-contact kasi nakakonekta ako, ako pa ang sisihin mo na hindi kayo nagkausap. Balitaan mo na lang ako," sabi nito bago tuluyang nagpaalam.

Pero kahit nang natapos na ang usapan nila ni Rocky, wala pa rin siyang natanggap na tawag kay Chandler.

NATULOG siyang naka-maximum ang volume ng cellphone niya para kung tumatawag man si Chandler, marinig niya. Kaso, inumaga na lang wala pa rin tawag galing dito. Kaya naman kahit nahihiya siya, siya na lang mismo ang tumawag sa number nito. Ang problema, hindi ito ma-contact. Hindi naman siguro dahil walang signal sa probinsiya dahil nagawa naman niyang tawagan si Rocky noong nandoon siya. Baka naging busy lang talaga ito at naubusan lang ng batteryang cellphone at hindi na nakapag-charge.

NANG lumabas siya ng kwarto, ang Mama agad niya ang sumalubong sa kanya. Hinayaan lang pala siya nito kagabi na magpahinga dahil malayo rin ang naging biyahe nila. At ngayon, mukhang isasalang na siya nito sa hot seat.

"Mag-usap nga tayo. Ano nga ba talaga ang totoo niyong relasyon ni Chandler? Boyfriend mo na ba siya bago siya lumipat dito?"

Naupo siya sa sofa. "Wala po kaming relasyon Ma."

"Anong wala? Muntik na kayong langgamin doon at maiyak-iyak ka na nga nang umuwi tayo tapos wala lang?"

"Mahabang kwento Ma."

"Handa akong makinig anak kahit gaano pa katagal matapos. Gusto ko kasing malaman kung paanong napunta ka doon at magkasama pa talaga kayo sa loob ng isang linggo? Kung umarte ka dito galit na galit ka kay Chandler pero sumama ka sa kanya. Ano ba ang dahilan at napapayag ka niyang pumunta doon kung hindi naman pala kayo?" sunud-sunod nitong tanong sa kanya.

SARANGHAETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon