prologo.

3.1K 47 0
                                    

"Ano kaya ibig sabihin ng panaginip ko?" Nakapangalumbabang tanong ko habang tinitignan ang mga pumapasok na tao sa library.

Binaba ni Danielle, o Ayel para sa mga malalapit na tao sa kanya, ang hawak niyang ballpen. "Girl, tatlong taon mo ng tanong iyan. Simula pa first year college." pagod niyang sabi.

Umirap ako. "Parehong-pareho, e. Naisip ko lang naman."

Nagsulat muli siya ng assignment sa yellow paper. "Search mo kasi."

Suminghap ako. "Sa ilang beses ko natanong 'yan, ilang beses ko na rin nasabing wala sa internet!"

Biglang tumunog iyong maliit na bell ng library. Halos lahat napatingin sa ingay noon.

Sa amin nakatingin iyong masungit na librarian. Hindi ko kailanman nakitang ngumiti siya sa mga estudyante. Napayuko ako at nagtago. Napalakas yata iyong boses ko.

"Ingay kasi ni Azalea Rayne!" Hagikgik ni Ayel sa akin. "Nakita mo na ba 'yong mukha ng mga tao sa panaginip mo?"

Umiling ako. "Hindi pa rin. Pero wala ka pa rin doon." nguso ko.

Tumango siya. "Kaya nga. Puro mga tao sa nakaraan mo, 'di ba?"

Salubong ang kilay ko habang iniisip ang nangyari. Umiling ako at hinayaan na lang iyon. Siguro resulta lang ng kapapanood ko ng mga kung anu-anong series.

Kahit ganoon, lumipad pa rin ang isip ko nang araw na iyon. Tulala ako sa ilang klase na hindi ako interesado. Hindi bago iyon pero mas tulala yata ako kumpara sa isang normal na araw.

"O, bakit nandito ka?" Isang boses ang nagpakurap sa akin. "Pinalabas ka sa klase, Rayne?"

Nilingon ko ang lalaking umupo sa tabi ko. Si Rolann. Ibinaba niya iyong bag niya sa konkretong mesa ng school garden.

"Hindi 'no!"

Humalakhak siya. "'Wag masiyadong guilty,"

Umirap ako. "Hindi nga, e."

"E, bakit nga?" pangungulit niya sa akin.

"Wala," Nagkibit balikat ako. "Wala akong klase, e."

"Nakasalubong ko si Ayel sa hallway habang papunta ako rito. Namomroblema ka raw?"

Tumaas ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Ayel? Problema? "Ah! Wala. Iyon pa rin. Iyong panaginip ko."

Natigilan siya.

Tinignan ko siya at ngumiti sa kanya. "Hayaan mo na iyon. Darating din iyon."

Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan naming dalawa. Tropa kami ni Rolann pero hindi kami ganoon ka-close.

"Ikaw pala," baling ko sa kanya. "Wala ka ring klase?"

Unti-unti siyang tumawa. "Nagditch ako. May allergy ako."

Nagkasalubong ang kilay ko. "Allergy?" May allergy pala siya?

"Katamaran, Rayne." Humagalpak siya.

UnistusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon