Chapter Three

3.2K 171 8
                                    

PINAPAKIRAMDAMAN ni Cola sina Constellation at Craze habang naghuhugas siya ng pinggan. Nakikipag-usap pa ang dalawa kina Paulius, Arnoldas at Evaldas via Skype. Hindi na siya pinilit ng mga kaibigan na makisali dahil alam ng dalawa na iniiwasan niya si Evaldas.

Para naman sa kanya, kaya na niyang harapin si Evaldas. Hindi naman gano'n kalalim ang feelings niya para sa kababata. Nasaktan lang talaga siya dahil bumaba ang self-confidence niya sa pagtanggi nito sa kanya. Nahihiya lang siyang aminin iyon sa sarili niya no'ng una kaya pinagtaguan niya si Evaldas.

Pero ngayon naman, hindi pa rin niya maharap ng maayos si Evaldas dahil nasa ibang bagay na ang atensiyon niya – na kay Seventeen na, at sa secret friendship nila.

Sa totoo lang, gustung-gustong ipagkalat ni Cola na may kaibigan siyang multo, pero ayaw niyang baliin ang rules ni Seventeen dahil sigurado siyang tototohanin nito na hindi na ito magpapakita sa kanya.

"Cola, kung tapos ka nang maghugas, sleep na tayo," naghihikab na sabi ni Craze, katatapos lang makipag-usap sa Tatlong Haring Hambog.

"Mauna na kayo. Maglalaba pa ko," sagot ni Cola pagkatapos niyang maghugas ng mga pinggan.

"Maglalaba ka na naman?" gulat na tanong ni Constellation. "Magpapa-laundry naman tayo sa weekend, ha?"

Mabilis na tumalikod si Cola sa mga kaibigan. Hindi kasi siya magaling magsinungaling. Kinuha niya ang palanggana sa banyo. "N-nagtitipid ako. Baka kulangin 'yong allowance ko kaya konti lang ang ipapa-laundry ko."

Pasimple siyang kumuha ng Coke Mismo, cup noodles, hanger na may mga sipit, at flashlight sa palanggana, bago niya 'yon tinakpan ng maduduming medyas. Nang dumating siya sa sala, nagpapasalamat siya na naghahanda na sa pagtulog sina Constellation at Craze.

"Bilisan mong maglaba. Gabi na," bilin ni Craze.

"Okay po," sagot ni Cola, saka mabilis na lumabas ng kuwarto.

Nang dumating si Cola sa laundry area, wala pa si Seventeen do'n. Iniwan niya ang cup noodles at Coke Mismo sa tapat ng pinto ng Room 17, saka siya bumalik sa laundry area.

Umupo siya sa kahoy na upuan, at sinulan ang paglalaba. Hindi niya binuksan ang ilaw ng laundry area dahil ayaw niyang takutin si Seventeen. Itinutok na lang niya ang flashlight sa nilalabhan niya para may makita siya sa dilim. Nag-e-enjoy na siya sa ginagawa niya nang naramdaman niyang may kasama na siya.

"Hobby mo ba talaga maglaba ng ganitong oras?"

Hindi na nagulat si Cola nang nalingunan niya si Seventeen, nakaupo sa pasamano ng balkonahe. Gaya ng madalas, umaangat na naman ang kaputian at kaputlaan nito sa dilim. "Akala ko hindi ka na makakarating."

Tumaas ang kilay nito. "Kaya naglaba ka na lang?"

Ngumiti lang si Cola at tinapos muna ang paglalaba niya. Sinampay niya ang mga panyo niya sa hanger na may sipit, saka iyon sinabit sa sipit na alambre. "Therapy ko ang paglalaba." Sinukat niya ang layo niya kay Seventeen, at nang masigurong sapat ang distansya nila, saka lang siya umupo sa pasamano. "Ang sabi sa'kin ng Ate Coco dati, mahilig daw ang ghosts sa mga lugar na malamig, madilim at may tubig. Kaya ba dito ka madalas nagpapakita?"

Umangat ang sulok ng mga labi ni Seventeen na para bang naaliw ito sa kanya. "Is that your first question for tonight?"

Napasinghap si Cola nang maalalang may kasunduan nga pala sila. "Hindi pa–"

"I don't want to answer that question," masungit na sabi ni Seventeen.

Napapalataktak si Cola. "Grabe ang mood swings mo."

GTT 1: The Ghost Next DoorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon