Chapter Six

2.9K 148 4
                                    

TULALA si Cola habang nakaupo sa lounging area ng pribadong ospital kung saan sinugod si Seventeen matapos nitong mawalan ng malay kanina. Ayon sa nakausap niyang doktor, maayos na ang kalagayan ng binata sa ngayon. Na-stress daw ito kaya nawalan ng malay. Pero kailangan na nitong sumailalim sa operasyon bago pa tuluyang lumala ang kalagayan nito.

Na-shock siya nang malamang may sakit pala sa puso si Seventeen. Hypertrophic cardiomyopathy daw, sabi ng doktor. Sa totoo lang, hindi na niya naintindihan ang ipinaliwanag ng doktor tungkol sa pagkapal umano ng "myocardium" sa puso ni Seventeen. Ang naintindihan lang niya, malala ang lagay ng binata. At maaari itong mamatay sa heart failure.

Doon lang din niya na-realize na lahat ng sinabi sa kanya ni Seventeen noon na "sanhi" umano ng "kamatayan" nito ay maaari talagang mangyari sa totoong buhay dahil sa kondisyon ng puso nito. Mukhang alam iyon ng binata kaya inuunahan na nito ang tadhana.

"Hey."

Hindi nilingon ni Cola si Tobie na umupo sa tabi niya. "Hey."

"Hinahanap ka ng mga kaibigan mo."

Hindi kumibo si Cola. Nang mawalan ng malay si Seventeen kanina, pinagtulungan nina Tobie at Evaldas na isakay sa kotse ni Tobie si Seventeen. Si Tobie ang nagmaneho ng kotse, habang nasa backseat si Cola at umiiyak habang ginigising si Seventeen. Napaka-putla kasi ng binata kanina at para bang nahihirapang huminga.

Sumunod sa kanila sina Evaldas, Constellation at Craze pero hindi niya pinansin ang mga ito dala ng sobrang pag-aalala niya sa kalagayan ni Seventeen habang nasa ER ito kanina. Pagkatapos, sumama siya kay Tobie na kinausap ang doktor ni Seventeen. Nang malaman niya ang sakit ni Seventeen, hindi niya kinaya ang sakit na naramdaman niya kaya pinili niyang mapag-isa muna.

"Matagal mo na bang alam na may sakit sa puso si Seventeen?" tanong ni Cola kay Tobie.

"Oo. Magkaklase kami ni Seventeen no'ng high school. Hindi niya sinabi noon na may sakit siya sa puso. No'ng PE class namin, pinatakbo kami ng teacher namin sa field. Inatake siya sa puso at sinugod sa ospital. Simula no'n, parati na siyang sit-out sa lahat ng activities sa school. Sa academics na lang siya bumabawi dahil matalino 'yang si Seventeen," kuwento ni Tobie.

May naalala si Cola na ikinuwento ni Seventeen noon sa kanya. "Ikaw siguro 'yong sinasabi ni Seventeen noon na naging mabait sa kanya no'ng nasa high school siya."

Natawa ng mahina si Tobie. "Well, hindi ko kasi maiwan si Seventeen noon dahil bukod sa alam kong sakitin siya, gustung-gusto ko rin 'yong mga dino-drawing niyang comics. Hindi ko inasahan na gano'n pala ang tingin niya sa'kin dahil no'ng mag-college kami, mas naging malamig ang trato niya sa'kin."

Kumunot ang noo ni Cola. "Talaga? Eh bakit nasa tenement mo siya ngayon?"

Nagkibit-balikat si Tobie. "Four years ago, he just showed up in my door. Ang sabi niya, magrerenta siya ng kuwarto sa tenement namin. Pero kahit dito na siya nakatira no'ng mga panahong 'yon, madalas pa rin siyang naka-confine lang sa ospital at tumatanggap ng kung anu-anong treatment para umayos ang kondisyon ng puso niya."

Niyakap ni Cola ang sarili nang gumapang ang takot sa sistema niya. "G-gaano ba kalala ang kondisyon ng puso ni Seventeen?"

"His doctor said that Seventeen has a severe case. Sinubukan na nila ang lahat ng paraan para mapagaling siya. Hanggang no'ng isang taon, may in-advise kay Seventeen ang doktor niya."

"Ano 'yon?"

"Heart transplant."

Natahimik si Cola. Hindi siya maalam sa medisina, pero aware naman siya kung gaano kahirap ang proseso ng heart transplantation. Bukod sa magastos iyon, mahirap ding maghanap ng heart donor. "M-magpapa-heart transplant si Seventeen?"

GTT 1: The Ghost Next DoorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon