Present. . .
ANG tunog ng ringtone niya ang gumising sa kanya. Nang imulat niya ang kanyang mata ay agad siyang sinalubong ng nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa kanyang bintana. Dinampot niya ang cellphone at nakita niya ang pangalan ng Ate Narda niya sa screen niyon. Mahigit isang buwan na din mula ng nakausap niya ang kapatid dahil iniiwasan niya ito. Sinagot niya ang tawag ng ate niya sa unang pagkakataon.
"Thanks God, akalako hindi mo na sasagutin ang tawag," parang nakahinga ng maluwag ang ate niya sa kabilang linya ng sagutin niya ang tawag nito.
"S-sorry ate," wika niya ng marinig ang nag-aalalang boses nito.
"Birthday ngayon ni Mama, Ika at mayroon kaming inihandang konting salo-salo you should go home," anang Ate niya.
Bigla ay parang nanikip ang dibdib niya nang marinig ang huling sinabi nito. Home. Napakailap na salita niyon para sa kanya at ilang taon na hindi niya alam ang salitang iyon. Sa loob ng dalawang taon ay wala siyang alam na tahanan. Naging lagalag siya. She became homeless simula ng mawasak ang sarili niyang tahanan.
"P-Pero Ate—"
"Huwag mong sabihin hindi ka makakarating at tiyak na magtatampo na niya si Mama, Musika," anang ate niya na lumabas na ang boses ng pagiging ate sa kanya lalo na at tinawag na siya nito sa buo niyang pangalan. "Hanggang ngayon ba ay tinatakbuhan mo pa rin si Lee? Hanggang kailan mo gagawin 'yan? At sa tingin mo ba kapag patuloy na magtatago ka diyan ay makakalimutan mo ang lahat? You can't get away with everything Ika unless you won't face them," dugtong pa nito.
Alam niyang totoo ang sinabi ng kapatid niya pero kaya na ba niyang harapin ang lahat? Ilang taon din siyang nagtago at pilit na nilayuan ang lahat ng iyon.
Sunod-sunod na napalunok si Ika. "S-sige, uuwi ako," sa huli ay wika niya.
Overdue na siguro ang pagtatago niya at kailangan na niyang harapin ang magulang at ang kapatid niya. Alam niyang kahit pinayagan siya ng mga ito na lumayo ay nag-aalala ang mga ito at noon nga ay panay ang tawag sa kanya at pinapauwi siya. Pero sinabi niya sa mga ito na kailangan niya ng konting pagkakataon para mapag-isa. Doon lang tumigil ang mga ito sa pangungulit sa kanya.
"Aasahan ko 'yan and Ika we miss you a lot. Nami-miss ko na si bunso," may bahagyang garalgal sa tinig ng kapatid niya.
Tatlo nalang sila sa pamilya, ang ate niya at ang Mama niya. Ang mga ito nalang ang meron siya ngayon kaya hindi niya hahayaan na pati ang mga ito ay mawala pa. "I miss you too Ate, sabihin mo kay Mama uuwi na ako," aniya dito at matapos ng ilang minuto pang pag-uusap ay agad na silang nagpaalam sa isa't isa.
Matapos man ang tawag ay nanatili si Ika na nakatitig sa kanyang cellphone. Tama ba ang desisyon niyang umuwi? Paano kung nandoon si Lee? Paano niya ito haharapin? Tulad din ba ng ginawa niya noong nakaraan na agad nalang niya itong pinagsarhan ng pinto?
Part of her was still tearing apart dahil sa naging kinahinatnan nila. Noong mawala si Rhythm si kanila ay sinisi niya si Lee dahil hindi man lang ito nakita ng kaniyang anak sa mga huling sandali nito. Ilang buwan din silang hindi nagkibuan kahit nasa iisang bahay lang sila. Parang nagkaroon ng pader sa pagitan nilang dalawa. Noong nailibing si Rhythm ay akala niya nailibing na din ang posibilidad na magkakaayos pa silang dalawa ni Lee. Pero nakita niya ang paghihirap ni Lee.
"Simula ng mangyari ang lahat ng ito parang hindi lang si Rhythm ang nawala sa akin parang k-kasama ka niyang nawala," saad ni Lee at parang may pumiga sa puso niya ng marinig iyon.
Hindi siya nakasagot at sa halip na salubungin ang mga tingin nito ay tumingin lang siya sa sahig. Ano ba dapat ang sabihin niya? Naging masamang asawa ba siya dito sa loob ng nakaraang buwam? Pinarusahan ba niya ito ng sobra dahil akala niya ay marami itong pagkukulang sa kanya at sa anak niya?
BINABASA MO ANG
Piece by Piece (To Be Published Under PHR)
RomanceAng tanging alam ni Musika para iligtas si Lee sa miserableng buhay nila ay tuluyan na itong pakawalan. Pero salungat iyon sa paniniwala ni Lee na kailangan nilang ipaglaban ang kung ano man ang meron kahit pareho na silang nasasaktan. Pero determin...