Weapon: Crossbow
"CELESTE! Gumising ka, mahal ko. Celeste!" Basag at garalgal ang tinig ni Rodrigo habang nasa kaniyang kandungan ang kabiyak. Nagkalat ang mapulang likido nito sa sahig habang puro pasa at galos naman ang katawan nito. Butas ang kaliwang parte ng balikat habang wakwak naman ang kanang bahagi ng pisngi. Hindi na ito kumikilos o humihinga man lang. Wala na itong buhay. Wala na.
Mula sa katapat na silid kung saan naroroon ang mag-asawang Rodrigo ay agad na bumukas ang pintuan. Agad na iniluwa nito ang isang kakaibang nilalang na may pitong talampakan ang taas. Maitim. Mabalahibo. Matutulis na pangil at nanlilisik na mga mata na 'di nalalayo sa isang mabagsik na leon. Hawak nito ang nag-iisang anak na lalaki ni Rodrigo na si Rohan. Wala rin itong malay tao at puno ng galos ang murang katawan.
Marahan na tumayo ang tumatangis na si Rodrigo at inayos ng higa ang kabiyak. Agad niyang dinampot ang kaniyang armas— ang crossbow— at pinuntirya ang nilalang. "H'wag mong idamay ang anak ko! Ako ang harapin mo, Halimaw!"
Nang masapul sa kaliwang balikat ang nilalang ay agad nitong nabitawan ang batang lalaki na dali-dali namang sinalo ni Rodrigo.
"Rohan, anak. Gising!" Sunod-sunod na tapik sa pisngi ang ginawa niya ngunit tila huli na ang lahat para sa batang paslit. Mahinang-mahina na ito at nag-aagaw-buhay. Marahil ay tulad din ni Celeste ay hindi rin nito kinaya ang labis na paghihirap sa kamay ng nilalang. Masiyado pang mura ang katawan nito upang makayanan ang ganoong klase ng paghihirap.
Mabilis na tumilapon sa dingding ng silid si Rodrigo nang mahagip siya ng kamao ng nilalang. Nangasira ang ilang kagamitan gaya ng silya at lamesita dahil doon. Nagtamo siya ng ilang mahahabang kalmot sa kaniyang kaliwang balikat at ilang galos sa mukha.
Marahan siyang bumangon. Hindi niya ininda ang natamong sugat at pagtama ng likod sa dingding. Buong konsentrasiyon niyang sinipat ang nilalang sa kaniyang harap saka dali-daling pinakawalan ang palaso. Sa pagkakataong iyon, hindi inaasahang nasapo ng naturang nilalang ang palaso na kaniyang pinakawalan gamit ang kanang kamay lang. Bahagya pa itong napapakli dahil unti-unting nag-apoy ang palaso sa palad nito.
"Sagradong palaso?" Nakangising turan nito habang unti-unting umaabante papunta sa kinaroroonan ni Rodrigo. Nang-uuyam ito. Sa bawat paghakbang na ginagawa ng nilalang ay unti-unting nagbabago ang wangis nito na kalauna'y nagiging kamukha na niya.
"Kumusta ka na, Rodrigo? Naaalala mo pa ba ako?" Ngumisi ito na labis na nagbigay kay Rodrigo ng kakaibang pakiramdam.
Galit. Poot. Paghihiganti. Ilan lamang iyan sa mga nararamdaman niya mula sa kaharap. Paano ba niya makakalimutan ang mukha nito? Bukod sa halos pareho ang kanilang mga wangis ay ito rin ang mukha ng nilalang na bumago sa takbo ng kaniyang payapa at tahimik na buhay noon. Lumipas man ang napakahabang panahon, nakaukit na sa kaniyang puso't isipan ang mga naganap dalawampu't limang taon na ang nakakaraan. Magbago man ito ng wangis o anyo ay nararamdaman niya ang kakaibang aura na bumabalot dito. Kaytagal niyang hinintay na muling makaharap ito. Kaytagal niya itong hinanap. Dahil ipinangako niya sa kaniyang sarili na sa muling pagku-krus ng kanilang landas, isa lamang sa kanila ang dapat matira. Nananatili siyang buhay upang maipaghiganti ang kaniyang mga magulang at ngayon... pati ang kaniyang asawa't anak.
"MALIGAYANG kaarawan, anak! Tanggapin mo itong simpleng regalo ko sa iyo." Agad na isinuot ng Ginang sa anak ang isang kuwintas na may kakaibang simbolo at sagisag na nakaukit dito. "Nagustuhan mo ba?"
"Salamat, Inang!" Buong kagalakan na niyakap ng sampung taong gulang na si Rodrigo ang ina. "Ang ganda po nito! Nagustuhan ko po. Sobra!"
"Paano pa kaya kapag nakita mo na itong ihinanda ko na regalo para lang sa iyo?" Mula sa ilalim ng papag ay marahang kinuha ng Ginoo ang natatanging regalo para sa anak. "Heto... buksan mo."