Weapon: Pistol
Kabilugan ng buwan. Ang kapaligiran sa labas ay kawangis ng madilim na silid na binigyan ng bahagyang liwanag ng isang maliit na bombilya. May katahimikan ang lugar dahil malayo kami sa kumpulan ng mga kabahayan. Ang tanging maririnig ay huni ng mga kuliglig; pagaspas ng mga dahon at kalansing ng wind chime na nilalaro ng hangin; at ang ingay na nililikha ni Lilia na nagliligpit sa kusina.
Hawak ko naman sa aking kamay ang pistol na lagi kong inihahanda sa mga posibleng maganap anumang oras. Noong bata pa ako, hindi lang basta kaligayahan ang makahawak ng laruang baril at makipaglaro sa aking mga kababata. Iyon ay isang pangarap. Ang sabi noon ni Nanay, pinatay ng masasamang tao ang Tatay ko. Kaya lumaki akong nangungulila sa pagmamahal ng isang ama. Iyon ang nagtulak sa akin para magserbisyo sa kapwa bilang isang alagad ng batas. Para protektahan ang bawat pamilya laban sa mga taong halang ang kaluluwa. Subalit ngayon, ang iligtas ang aming anak na si Maria laban sa mga kumuha sa kanya ang aking misyon.
Sariwa pa sa aking alaala nang ipanganak ni Lilia si Maria, anim na taon na ang nakalilipas. Nang masilayan at mahawakan ko siya, tila nagbago ang aking mundo. Dati, panay gimik ako. Ang lahat sa paligid ko ay itinuturing kong mga laruan na nagdudulot sa akin ng makamundong kaligayahan. Nakalimutan ko ang tuwid na landas na tinatahak para maabot ang aking mga pangarap.
Nagalit ako sa aking sarili nang mabuntis ko si Lilia, kaya kinailangan kong pakasalan siya at lumagay sa tahimik sa edad na dalawampu't lima. Natakot ako dahil alam ko sa aking sarili na hindi pa ako handa sa responsibilidad. Hindi ko rin alam kung paano maging isang ama dahil hindi ko naranasan iyon. Pero nang dumating si Maria, kakaibang motibasyon ang naramdaman ko para magsikap at tuparin ang mga pangarap ko para sa kanilang mag-ina.
Ganoon pala kapag nasa yugto ka na ng pagiging isang ama. Handa mong gawin ang lahat makita lang siyang masaya. At ang tawaging papa ay musika sa aking pandinig na hinding-hindi ko kailanman pagsasawaan.
Nabaling ang aking tingin sa isang antigong banga na nasa sulok. Ang bangang ibinigay sa akin ng isang matandang lalaki bilang ganti sa pagtulong ko sa kanya. Sabi niya, maghahatid iyon sa akin ng swerte. Subalit mula noon, puro kamalasan na ang inabot ko.
Marami akong naririnig at nakikita na hindi ko alam kung ano. Nabaril ko ang aking kasamahan sa gitna ng aking halusinasyon. Kaya naman pinatingnan ako ni Lilia sa doktor. Doo'y sinabing may mental disorder ako. Subalit kahit ano pa'ng ibigay nilang paliwanag, hindi ako naniniwala. Ang mga sanhi na sinasabi nila ay hindi tumutugma sa akin. Alam ko kung ano ang totoo. Gayunman, hindi sila naniwala. Tinanggal ako sa serbisyo.
Natigilan ako nang dumampi sa aking mukha ang malamig na hangin. Tila ba inihahatid niyon sa akin ang tinig ni Maria na humihingi ng tulong. Hanggang sa agawin ni Lilia ang aking pansin.
"Mahal, matulog na tayo. Maaga akong aalis bukas," alok niya.
"Saan ka pupunta?"
"Pupuntahan ko 'yong may hawak ng kaso ni Maria. Baka may lead na sila kung nasa'n siya," sagot niya.
"Bakit kasi hindi ka naniniwala? Sigurado akong nasa loob lang ng bangang 'yan si Maria," mariin kong tinuran.
Kumunot ang kanyang noo at tiningnan ako ng masama. "Ayan ka na naman, James, e! May mga kalalakihang kumuha kay Maria para gantihan ka. Hindi totoo ang mga nakikita mo. Imahinasyon mo lang 'yan."
"Ako ang nandito nang kunin nila si Maria, pero wala akong nagawa. Kaya h'wag kang magsasalita na para bang alam mo ang lahat!" tugon ko. Bahagya ko siyang napagtaasan ng boses.
"Hindi sila magkakasya sa bangang 'yan! Ano ka ba naman, James. Nasisiraan ka na talaga ng ulo!" Nabaling ang tingin niya sa hawak kong pistol. "Tulad niyan, may hawak ka na namang baril. Kaya ka nga tinanggal sa serbisyo kasi marami kang nadidisgrasya tapos bumili ka pa niyan. Baka sa susunod, hindi na madaan sa areglo at tuluyan kang makasuhan. Tapos ipakulong ka nila sa mental. O baka naman, ako na ang mapatay mo!" tumalikod siya habang nakapamaywang. Tila nagpipigil sa mga maaari niya pang maisumbat.