Para sa Bayan

66 2 4
                                    

Weapon: Cannon

Hindi ko alam kung hanggang saan at hanggang kailan hihinto ang digmaang ito. Ngunit para sa bayan, hindi rin kami hihinto upang ipagtanggol ang mamamayang Pilipino at protektahan ang bansang Pilipinas laban sa mga teroristang bigla na lamang nanggulo sa bayan na 'to—ang Marawi.

Bago kami sumulong sa labanang ito ay nagpaalam muna ako sa aking pamilya. Umiiyak ang aking ina at aking asawa. Si itay, hindi man umiiyak ngunit bakas sa kanyang mga mata ang takot at pangamba para sa akin. Masakit man para sa akin, may takot at pangamba ngunit kailangan kong gawin dahil ito ang sinumpaan kong tungkulin—ang pagsilbihan ang bayan.

Ngunit bago ako lumabas ng pinto, biglang nagsalita ang aking anak at nagtanong, "Pa, kailan ka uuwi?" Lumingon ako at ngayo'y karga-karga na ng aking asawa ang aming anak.

Tiningnan ko muna nang matagal ang aking anak at muling lumapit sa kanila. Hinawakan ko ang dalawang pisngi ng aking anak at sinabing, "Saglit lang ako, anak." Kahit ang totoo ay hindi ko alam. Dahil sa oras na marating na namin ang bayan na 'yon ay natitiyak kong wala nang kasiguraduhan kung makakabalik pa ako o doon ko na huling maihihinga ang huli kong paghinga.

Ngayon, narito na kami sa lugar kung saan magaganap ang digmaan laban sa mga terorista. Ang iba kong kasamahang sundalo ay baril, piston at mga bomba ang hawak. Ako at ang apat kong kasamahan ay ang naatasan para sa kanyon. Lima ang dala naming kanyon at limang tao din ang kailangan para sa isang kanyon.

Hawak-hawak ko ang lanyard ng kanyon at hinihintay na lang ang signal ng aming commander bago ko ito hitakin upang magpawala ng isang pagsabog sa teritoryo ng mga kalaban. Ang apat kong kasamahan ay nasa kanilang pwesto para imanipula ang mga parte nito ngunit nasa akin ang kontrol upang magpasabog. Alam kong sa lakas ng pwersa na ibubuga nito ay mag-iiwan ito ng isang kagimbal-gimbal na pangyayari na magdudulot ng pinsala at pagkawala ng maraming buhay.

Bilang isang sundalo, dapat akong maging matapang na kahit ang pagpatay ng tao ay hindi ko dapat uurungan kung para naman ito sa ikabubuti ng lahat. Ngunit dahil lumaki ako sa pamilyang malalim ang pananampalataya sa Diyos, madalas ay parang nakokonsensya ako dahil ilang buhay na ang aking napatay. Ang pangaral kasi sa simbahan na naaayon sa isa sa mga sampung utos ay 'Wag kang papatay. Ngunit paano kung ito na lang ang paraan para makamit ang kapayapaan? Paano kung ito na lang ang natatanging solusyon para matigil ang kasamaan?

Sa dami ng masasamang loob na aming napatay, tatanggapin pa ba kami sa langit dahil sa paglabag sa utos ng Diyos? Na kahit ang tanging inaasam lang namin ay ang kapayapaan ng ating bansa?

Kung hindi kami papatay, tiyak na tayo ang mamatay at baka mas marami pang sibilyan ang mawalan ng buhay kung hindi namin wawakasan ang buhay ng masasama.

Nagbigay na ng signal ang aming commander kung kaya't hinatak ko na ang lanyard, matapos iyon ay nakita ko na lang ang parteng tinamaan na nasusunog. Natitiyak kong patay ang lahat ng nandoon.

Sa 'di inaasahan, sunod na sunod na putok ng armalite ang narinig namin at nakita ko ang mga kasamahan kong unti-unting lumalabas ang dugo sa kanilang mga labi at nagbagsakan. Naramdaman ko na lang ang pagtama ng bala sa aking dibdib na naging mitya din upang ako'y magluwa ng dugo at unti-unting paghina ng aking tuhod hanggang sa namalayan kong nakahandusay na ako sa lupa at hinahabol ang hininga.

Diretso akong napatingin sa langit. Bumalik ang lahat ng masasayang alaala ko kasama ang pamilya at mga taong naging parte ng buhay ko. Alam kong ito na ang huli, alam kong ito na ang katapusan ko.

Hinding-hindi ako magsisisi na mamamatay ako para sa bayan. Hinding-hindi ako magsisisi na ibuwis ang buhay ko para sa kapakanan ng nakakarami. Alam kong kahit na mawala ang ilan sa aming mga sundalo, hindi dito titigil ang laban. Hangga't hindi nakakamit ng bayang ito ang kapayapaan, alam kong hindi titigil ang gobyerno upang magpadala pa ng mga sundalong handang isakripisyo ang kanilang buhay.

Hindi man namin muli pang makikita ang aming mga pamilya ngunit alam naming habambuhay nilang ipagmamalaki ang katapangan ng mga sundalong nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Unti-unti nang nagdilim ang aking paningin at ramdam ko na ang aking huling hininga. Ngunit bago ako mawalan ng buhay ay nasabi ko na lang sa isip ko ang mga katagang:

"Diyos ko, Diyos ko, 'wag mong pababayaan ang bayan na ito."

VOLUME 4: MEN'S TOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon