Weapon: Whip
Kailan kaya magsasara ang talukap ng kaniyang mga mata?
Anong masasabi mo? Ano sa tingin mo?
Parekoy, nakikinig ka ba? Tiisin mo muna ang hapdi, pagdaplis sa balat mo'y 'wag mong pansinin.
Umuwi man kaming kulang ang parte ng katawan o kulang ang aming kasamahan. Patuloy pa rin naming sasalubungin ang bawat hagupit, at lalaban. Sapagkat kami'y matatapang, malalakas, hangarin ang proteksyon sa mga kababayan at tumatalima sa batas.
Kami. Ang mga kagaya ko. Ipinaglalaban namin ang para sa bansa at mga totoong Pilipino. Nakikipagbakbakan kami kahit pa kapalit ang aming buhay. Hangga't para sa Inang bayan, matigas naming pananatilihin ang kapayapaan at kaligtasan ng lahat. Mapagbalatkayo, sa kulay ng pinaghalong kape't luntian nagtatago.
Wala ba talagang ibang paraan? Wala?
Sa kabilang banda, tama ba ang kaniyang naging desisyon? Ang aksyon na kaniyang hinahangad?
Itinuturing niya, ng buong sambayanan, ang pagiging makasarili na ipinapakita ng iba't ibang grupo na may hindi magandang prinsipyo. Ang pagiging isang rebelde. Ngunit, mali. Ang totoo'y ang mga lider lamang nila. Sapagkat alam kong sila ang tunay na nagnanasa ng kapangyarihan, kahit pa na may masaktan sa kanilang kuta.
Ginusto ko ang bagay na ito, desidido ako sa kung ano man ang makita't malaman kong resulta nito ngayon.
Subalit, hindi rin siguro tama ang nahihinuha kong ito. Dahil wala akong kawala sa propesyong kabilang ako. Sa propesyong napili ko.
Walang palahaw na hindi madirinig; maswerte ang makapagkukubli sa dilim.
Hawak ang kasing dungis nitong latigo, lalatay sa balat at kalooban ng bawat indibidwal ang kaniyang kalupitan. Ang walang patid nitong pagkilala sa karahasan.
"Gising na ang panibagong Marcos."
Paano na tayo niyan?
Putangina.
Subalit, tila nakapako na ang ating mga paa – ang aking sarili sa lupa.
Hindi iyan ang sagot sa lumalalang krimen sa ating bansa! Dahil ang pagkitil ng buhay ng tao gamit ang dahas ay isa ring kasalanan na dapat nang tuldukan. Dapat nang wakasan.
Sa isang kisapmata, binuhay itong muli ng isang taong hindi nararapat na maging huwaran, modelo, at ama ng bansa. Kahit kailan, kasama ng mga kaparian, ng mga may malasakit sa bayan, hindi namin naisip na siya ang nararapat na mahalal.
At ngayon, sa ika-60 taon kong nabubuhay sa mundo, muling nagising ang naturang batas sa mahimbing nitong pagtulog ilang dekada na ang nakalilipas.
Ganid.
Gahaman.
Makasarili.
Naging alipin tayo, ang mga kapwa natin Pilipino, ng isang "lider" na mapanakit at 'di iniisip ang kapakanan ng kaniyang nasasakupan.
Kahit ikaw, maging ako.
Dahil simula noon, hawak na niya ang mga inuulat o inilalathala sa dyaryo, radyo, at maging sa telebisyon. Walang makapagsasambit ng hindi maganda at pawang pambabatikos lamang laban sa kaniya.
"Opisyal nang idineklara ng ating pangulo na si Ferdinand Marcos ang Batas Militar o Martial Law ngayong araw na ito. Makatutu---." Iyon ang huling balitang narinig at napanood ko patungkol sa kaniya.
Ika-21 ng Setyembre, 1972.
Walang mayaman, walang mahirap. Lahat ay pantay-pantay, sa kaniyang mga mata'y siya lamang ang tama.
Nang panahon na iyon, dumanak ang malapot, malansa, at sariwang dugo ng tao. Bumaha ng luha sa bawat kapatagan na hindi mapigil nino man. Dinasalan ang mga inosenteng nadamay at nangamatay.
"Dilat na dilat si Marcos."
Nakita ko parekoy, nakita ko.
Gaya ng isang latigo na mayroon siya, paniguradong nasa hawakan ka na. Hindi ba dapat, dito ka mag-umpisa? Huwag mo nang hawakan ang dulo dahil baka ikaw ay manlumo. Pasensya na, kung naguluhan ka.
Basahin mong muli. Mula dito, paitaas.
Sapagkat p're, ako'y nalilito. Naliliyo, nagtatanong.