Bato Granada

131 3 5
                                    

    Weapon: Grenade

Isang tahimik na gabi ang biglang nagimbal nang biglang nagsimula ang sunod-sunod na putok ng mga baril. Wala ni isa ang naglakas-loob na lumabas sa kanilang mga bahay sa takot na masali pa sila sa nangyayaring gulo. Hindi rin alam ng mga mamamayan ng Baranggay Dos Martines ang dahilan ng mga nangyayaring gulo sa kanilang lugar. Sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay nabalot ng takot ang buong baranggay at ang noo'y baranggay na puno ng mga tao sa daan ay naging isang tahimik na lugar... ang tanging nagpapaingay lamang rito ay ang mga putok na hindi alam ng mga tao kung saan at kanino nanggaling. Isa lamang ang kanilang nasaisip, may mamamatay na naman dahil sa dahilang alam ng lahat.

"Leonardo!" Agad na narinig ng mga tao na nakatira malapit sa simbahan ng baranggay ang isang sigaw. Hindi man nila alam kung kanino nanggaling ang tinig, lahat sila'y nakaramdam ng galit at pait.

"Gumising ka! Huwag na huwag kang pumikit! Gumising ka! Gumising ka!" sunod-sunod na sigaw ng boses ng lalaki. Puno ito ng galit at sakit. Para bang isang inahing nawalan ng inakay dahil sa kinuha ito ng isang gali. Masakit. Puno ng pait at galit.

"Ngayon, ano nang gagawin mo?! Magtatago ka na lang ba? Baka gusto mong lumabas Delfin?!"

"Wala kayong puso! Hindi kasali rito ang kapatid ko! Mga walang puso!"

"Baka nakakalimutan mong kung ano ang ginagawa mo, 'yon rin ang ginagawa ng kapatid mo. Kaya tama lang 'yan sa kanya! At ikaw na ang isusunod ko sa hukay, Delfin! Maghanda ka nang dalawin ni Kamatayan!" Biglang narinig ng lahat ang animo'y mala-demonyong tawa ng isang lalaki na sinundan ng ilan pang tinig.

"Kayo ang mauna!" At nagsimula na naman ang putukan. Animo'y mga tunog ito ng paputok tuwing Pasko na walang tigil... parang walang planong itigil.

Bigla namang napangiti ang lahat nang biglang humupa ang sunod-sunod na putok, wala pa ring ni isa na nakatira malapit sa simbahan ang lumabas sa kanilang bahay. Sila'y kanina pang puno ng takot at pati yata ang tunog ng mga taong naglalakad sa paa ay nagpapabilis ng pagtibok ng kanilang puso.

"Mama, lalabas muna ako," biglang pagpapaalam ng isang batang bagong gising lamang. Agad nitong binuksan ang pinto at bumungad ang isang katawang puno ng dugo na nasa labas ng katapat lamang nilang bahay.

Agad na tumakbo ang ina papunta sa bata na nakaharap sa duguang katawan. Niyakap niya at pinatalikod ang bata. "Ano ba Adan! Isara mo ang pinto! " utos nito sa asawang nagmamadali namang sinarado ang pinto.

"Mama, bakit po nakahiga lamang si kuya Leo doon?" biglang tanong ng bata.

"Anak, bawat kayamana'y may kapalit." Pagkatapos itong sabihin ng ginang ay may narinig silang sigaw mula sa labas ng kanilang bahay.

"Huwag niyo munang buksan ang mga bahay niyo! Isa pa lang ang napapatay naming kaya matulog na lamang kayo kung ayaw niyong masali sa gulo!" Pagkatapos nito'y nakarinig na lamang ang pamilya ng mga yabag ng paa na papalayo sa kanilang bahay.

Napahawak na lamang sa ulo ang ginang at tiningnan nang matalim ang asawa. "Sabi ko sayo na bantayan si David, hindi ba? Sa susunod kasi huwag kang masyadong osyosero! Paano kung barilin tayo nila, ha?"

"Hindi ko naman," biglang natahimik ang ginoo nang umusbong na naman ang sunod-sunod na putok.

"Mga wala kayong utak! Mga bobo! Sa tingin niyo ba, mapapatay niyo 'ko! Mga bobo!" sunod-sunod na sigaw ng isang lalaki.

"Huwag kang magpakasigurado, Delfin! Baka nakakalimutan mong wala na ang kapatid mo!" pasigaw namang sagot ng isa pang boses.

"Wala na nga siya pero buhay pa rin ako at hindi ako aalis sa lugar na 'to hangga't  hindi kita napapatay! Walang kwenta ka!"

VOLUME 4: MEN'S TOYSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon