This reading material contains mild coarse language and some scenes suitable for mature readers. Read at your own discretion.
Ebook cover is created by Designs by Rachelle LLC. Please do not copy.
*********
I never intended to write this book since I already have some stories lined up. A scene just popped out of my head and the longer I thought about it, the more I'm liking the idea.
The male protagonist here briefly appeared in Silakbo. You might want to read that book to appreciate how Lucas' past has a drastic effect on him.
**************
T E A S E R
Balisa si Esperanza. Gumugulo sa kaniya ang usapan nila ni Aling Esther kanina. Napuna ni Lucas iyon.
"May problema ka ba?" tanong ng binata.
"Ba't mo naitanong?"
"Para kasing may nabago sa kilos mo. Hindi ka naman dating ganiyan – pino kumilos. Parang... parang nagkaroon ka ng hiya." Nakakunot ang noo nito.
Sumimangot siya. "May nakaabot sa 'king balita."
"Malamang tsismis 'yon at paniguradong galing kay Aling Esther 'yon."
"Oo, at ang sabi n'ya, ang tingin sa 'tin ng mga tao, mag-asawa tayo."
Bumunghalit ng tawa si Lucas. "Kalokohan. Hindi mo dapat pinapatulan ang mga ganiyang bagay." Tumalikod ito at balak nitong umalis ng bahay.
"May patakaran kayo na bawal magsama ang hindi mag-asawa, 'di ba?" Nilakasan niya ang kaniyang boses. "Malaki siguro ang paggalang ng tao sa 'yo kaya pinagtatakpan nila ang mali mo. Imbes na hamunin ka, pinaniwala nila ang sarili nilang mag-asawa tayo!"
Pumihit uli paharap sa kaniya si Lucas. Seryoso na ito. Ngayon lang ba nito naisip ang maaaring bunga ng naging pasya nito?
Sinamantala niya ang pagkakataon habang nasa kaniya pa ang atensiyon nito. Binilisan niyang magsalita.
"Sabi ni Aling Esther, pagdating sa kasal, iba raw ang batas na umiiral dito. Walang kasal sa simbahan. Basbas n'yo lang ni Ka Elmo, pwede na. No'ng hiningi mo 'yong permiso ni Ka Elmo, para sa kanila, hiningi mo na rin ang kamay ko. Tingin nila, pumayag din ako dahil sinundan kita. Wala silang narinig na tinanggihan kita."
Umasim ang mukha ng binata. "Baluktot ang paniniwala nila. Iisa-isahin ko sa 'yo kung bakit. Una, hindi tayo nagsasama. Pinatira lang kita rito. Magkaiba 'yon. Pangalawa, 'yang basbas na binibigay namin, seremonya lang 'yan para ipaalam sa lahat ang relasyon ng dalawang tao. Na mag-asawa sila. Na dapat kilalanin at igalang 'yon ng mga tao sa paligid nila. Na bawal sirain ng sino man ang samahang 'yon." Humakbang palapit sa kaniya ang binata. "Pero may mas mahalagang bagay kaysa sa seremonya. Alam mo ba kung ano 'yon?"
"H-hindi," sabi niya, mahina iyon halos bulong na nga.
Ginagap ni Lucas ang kamay ni Esperanza at inilagay iyon sa dibdib nito. "Ito 'yon. Iyong nararamdaman mo rito." Kinabog nito ang dibdib, hawak pa rin ang kamay ng dalaga. "Iyong unang kita mo pa lang sa kaniya, alam mo na s'ya 'yong taong inilaan ng tadhana para sa 'yo. S'ya 'yong makakasama mo habambuhay. S'ya 'yong kahati mo sa lahat ng bagay. Kasalo sa hirap, sa saya, sa lahat ng pagsubok. Sabay ninyong bubuuin 'yong mga pangarap n'yo at hindi ka bibitiwan kahit matupad man 'yon o hindi."
Naging bato na yata ang mga paa ni Esperanza. Hindi niya ito maikilos. Hindi niya kayang umatras at bawiin ang kamay niya. Wala siyang lakas kaya hinayaan niyang nakadantay ang palad sa dibdib ni Lucas. Naramdaman niya hindi lang ang init ng katawan nito kung 'di pati tibok ng puso.
"Para mapagbuklod kayo, kailangang tugunan n'ya ang damdamin mo," patuloy ni Lucas. Bumaba ang tono ng boses nito, humahaplos iyon, dumadagdag sa intensidad ng sinasabi nito. "Kailangang pareho ang isinisigaw ng puso n'yo. Ang pag-iisang laman n'yo ay patunay lang ng pagmamahalan n'yo, ng magandang hangarin n'yo sa isa't isa. Para sa akin, 'yon ang pag-iisang dibdib."
Hindi niya alam kung anong mahika mayroon ang binata. Nasa ilalim siya ng kapangyarihan nito. Kahit kumurap ay hindi niya magawa. Tutok na tutok ang paningin niya sa mukha nito kaya't nakita niya ang emosyon nito habang mainit na pinanapahayag ang saloobin nito. Nasaksihan niya ang tuwa sa mukha nito nang makilala ang babaeng iniibig. Ang babaeng nagpasigla at nagbigay ng pag-asa sa buhay nito. At sa babae ring ito, naranasan ni Lucas ang sakit ng mabigo. Hindi man diretsong sabihin, alam niyang ito'y nakaraan ng binata.
Nagkaroon ng ilang saglit na patlang sa pagitan nila. Tanging buga at paglanghap ng hangin ang maririnig.
"Lucas—"
Binitiwan ni Lucas ang kamay ng dalaga. Para itong natauhan. "Hindi tayo mag-asawa, dahil kahit isa ro'n, wala tayo."
Date started: 4 June 2018
Date Completed:
BINABASA MO ANG
Bandido
Historical FictionHistorical Romance Babae ang mitsa sa buhay ni Lucas. Inhinyero na sana siya ngayon kung hindi siya natutong umibig. Pinabayaan niya ang kaniyang pag-aaral at nagpakalayo-layo. Sa malas, nakilala niya si Esperanza, ang babaeng ipinaglihi yata sa tig...