Kabanata 4

577 40 91
                                    

"Ano na kayang nangyari sa dalawang 'yon?" nag-aalalang tanong ni Lucas habang pinapadaanan niya ng tingin ang paligid ng plaza.

"Sa tingin mo buhay pa sila?" balik-tanong ng kasama niya, si Gregorio o mas kilala sa tawag na Goyo. "Nalibot na natin ang lahat ng bayan dito. Pati sa karatig na munisipyo, napuntahan na natin, pero wala tayong nasagap ni katiting na balita."

Huminga siya nang malalim. "Maganda na rin sigurong wala tayong nakuhang impormasyon. Ibig sabihin, hindi sila nahuli ng awtoridad. Kaya maaaring nasa bundok lang sila."

"At naligaw. Baka patay na nga ang mga 'yon. Wala silang makain o sila ang kinain ng mga hayop."

Sinamaan ng tingin ni Lucas si Goyo. "H'wag naman sana. Nangako ako sa mga magulang nila na ako ang titingin sa kanila. Na hindi ko hahayaang mapahamak sila."

"Kasalanan nila kung namatay sila. Kung pumirmi sila sa kuta natin, buhay pa ang mga 'yon." Dumura sa lupa si Goyo. "Mantakin mo, umaalis sila tuwing may lakad tayo. Matagal na pala nilang gawain 'yon."

"Teka, ba't ba puro patay na ang bukang-bibig mo? Wala ka bang malasakit sa mga bata?"

"Mayro'n, pero sa klase ng buhay natin, dapat handa tayo sa mga ganitong pangyayari. Saka, matagal na silang nawawala. Hinanap na natin sila sa bundok, hindi natin nakita. Kahit dito sa bayan, wala rin. Ano'ng ibig sabihin n'yon? Ang mabuti pa, bumalik na tayo sa kuta natin."

Mabigat ang loob na tumango si Lucas. "Mabuti pa nga."

"Tara na. Hindi ko gusto ang hangin dito. Nangangamoy parak."

Sila ni Goyo ang mata at tainga ng grupo. Iba't ibang bayan ang pinupuntahan nila para humanap ng bibiktimahin. Kadalasan mga abusadong mayayaman ang pinipili nila. Palipat-lipat sila ng lugar para mahirap silang matiktikan ng awtoridad.

Sumakay sila sa kanilang kabayo. Mabagal lamang ang kanilang pagpapatakbo habang nasa bayan pa sila. Nakabalatkayong matanda kasi si Lucas kaya kailangang alalayan ni Goyo ang kabayo niya. Nag-umpisa ang kaniyang pagkukunyari nang may nakakita sa totoo niyang hitsura. Papunta na sana siya sa lugar na pagtatambangan nang may nadaanan siyang nasiraan sa daan. Humingi ng tulong sa kaniya ang kutsero na pinagbigyan naman niya. Puro babae kasi ang sakay ng kalesa.

Nakapuwesto na ang iba pang kasama ni Lucas sa lugar na napagkasunduan nila. Mas naunang dumating ang mga iyon doon. Matagumpay nilang naisakatuparan ang balak na pagnakawan ang isang mayamang biyahero. Tumatalilis na nga ang grupo niya, pero sa malas, sa pareho ding lugar papunta ang tinulungang kutsero sampu ng pasahero nito. Nasalubong nila ang mga iyon at kahit may takip sila sa mukha, nakilala si Lucas dahil sa kaniyang suot.

Iba-iba ang paglalarawan sa kaniya ng mga babae. May nagsasabing guwapo siya. May iba namang nagsasabing pangit siya. May nagsasabing sarat ang ilong at malaki ang bibig niya. Pero may nagsasabi ring matangos at maganda ang hugis ng kaniyang bibig. Sa huli, walang matinong paglalarawan ang nakuha ng mga pulis. Isa lang ang pareho - may bigote siya.

Marahil, kumampi sa kaniya ang ibang babaeng lulan ng kalesa. Mapanghamak kasi ang mayamang ninakawan nila. At siguro na rin, ayaw ng mga iyon na makulong siya dahil guwapo siya.

Magmula noon, inahit niya ang kaniyang bigote. Doon din nag-umpisa ang kaniyang pagpapanggap na matanda.

LAKING GULAT NI ESPERANZA nang matanaw niya ang isang komunidad sa gitna ng gubat. Hindi iyon ang inaasahan niya. Nagtatakang inilipat niya ang paningin kay Isko. Umiwas naman itong tingnan siya.

"Dito kayo nakatira?" tanong ng dalaga.

"Dito nga," tuwang sagot ni Buboy.

"Payak lang ang pamumuhay namin dito, pero malaya kaming gawin ang gusto namin," sabi ni Isko.

BandidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon