Kabanata 9

547 32 9
                                    

Tarantado! Mura ni Lucas sa sarili. Nahimasmasan siya nang mawala ang ngiti sa labi ni Esperanza. Umasim ang mukha at napalitan ng matalim na tingin ang kani-kanina lang ay nagniningning na mga mata nito.

Paano niyang napagkamalang si Miranda ito, ang layo ng dalawa sa isa't isa? Napakaamo ng mukha ng dalagang unang nagpatibok ng kaniyang puso kung ihahambing sa babaeng nasa harapan niya ngayon.

Ipinilig ni Lucas ang ulo. Nasa likod nga pala ni Esperanza ang papalubog na araw. Hindi maaninag nang malinaw ang mukha nito. Ang unang tumawag ng pansin niya ay ang magandang hubog ng katawan nito sa suot na hapit na pantalon at kamiseta. Idagdag pa rito ang pagkakatirintas ng buhok nito na siyang karaniwang ayos ni Miranda. Pero bukod doon, wala na siyang makitang pagkakahalintulad.

Tinalikuran niya si Esperanza at nagkunyaring balewala ang presensiya nito. Numipis ang labi at nagtangis ang mga ngipin niya. Ayaw niya nang balikan pa ang nakaraan, pero mula ng dumating si Esperanza, parang multong bigla na lang sumusulpot sa alaala niya ang mga babaeng dumaan sa buhay niya—ang nag-iisang babaeng sumugat sa damdamin niya at ang mga babaeng nagbigay ng makamundong kaligayahan sa kaniya.

Lalaki siya. May mga pangangailangan siyang babae lang ang makatutugon. Nasubukan niyang kumuha ng bayarang babae kapalit ng panandaliang aliw. Nakonsensiya siya noong una kaya para mabawasan ang sumbat ng budhi, tiniyak niyang masisiyahan din ang kasiping niya, na hindi lang siya ang makakaraos. Minsan, sa sobrang kaligayahan, iyong babae na mismo ang nag-aalok ng isa pang mainit na bakbakan sa kama. Libre. Walang bayad.

Nagsawa siya nang tumagal. Hungkag ang pakiramdam niya tuwing nakikipagtalik sa mga babaeng wala ni katiting na pitak sa puso niya. Nagbago ang lahat nang makilala niya si Dalisay.

Parang may pumiga sa dibdib ni Lucas. Matagal niya ring nakasama si Dalisay. Nakapalagayang loob, naging kaibigan, naging kasalo sa pagpawi ng init ng katawan. Oo nga't hindi niya ito minahal katulad ng pagtangi niya kay Miranda pero mahalaga ito sa kaniya.

Kung sana, pinilit niya si Dalisay na sumama sa kaniya, buhay pa sana ito. Pero ayaw nitong umalis sa bayan kahit na maging parausan pa ito ng mayamang amo at ng mga kaibigan ng amo nitong puro ganid sa laman. Ang tanging nais nito, makatapos ng pag-aaral ang anak. Handa itong magsakripisyo alang-alang doon.

Malaki ang naging papel ni Dalisay sa grupo ni Lucas. Minamanmanan nito ang mga aktibidad ng amo at kung may nakuha itong impormasyon, ibinebenta nito iyon kina Lucas. Inipon nito ang lahat ng kinita. Balang araw, mangingibang bayan ito, malayo sa saklaw na kapangyarihan ng amo nito. Magiging malaya ito kapiling ang nag-iisang anak.

Hindi nangyari ang balak ni Dalisay. Nahuli ito na nakikinig sa usapan ng amo. Nagduda ang amo nito na kasabwat ito sa nangyayaring nakawan. Pinilit ng amo na pangalanan nito ang mga kasabwat. Nagmatigas si Dalisay. Kahit na sinaktan ito, pinarusahan—binilad sa ilalim ng init ng araw hanggang sa abutan ng ulan—nanatiling tikom ang bibig nito.

Huli na ang lahat nang makarating kay Lucas ang balita. Labi na lang ni Dalisay ang naabutan niya.

Inilibot ni Lucas ang paningin sa paligid. Huminto lang iyon nang makita niya ang hinahanap. Kasusuklaman ba siya kapag nalaman ng batang ito ang naging papel niya sa pagkamatay ng ina nito?

"Lucas!" tawag ni Goyo na ikinalingon ng binata. Kinawayan siya nito, may gitara sa kandungan nito. "Anong gusto mong kanta at tutugtugin ko?"

Umiling si Lucas. Naglakad ito palapit sa kaibigan. "Wala akong ganang kumanta."

"Tinatanong lang kita. 'Di ko sinabing ikaw ang kakanta."

Nagtawanan ang mga taong nasa paligid.

BandidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon