Naaninag ng dalaga ang emosyong nakabakas sa mukha ni Lucas sa tulong ng liwanag ng hawak nitong sulo. Napaatras si Esperanza. Magkahalong takot at pagnanasa ang naglakbay sa sistema niya. Takot dahil nagdulot ng pangamba ang mabagsik at mapang-uyam na titig ng binata. Pagnanasa dahil hindi niya alam kung mula sa liyab ng sulo o mula kay Lucas ang init na dumapo sa kaniya. Humaplos ang init na iyon sa mukha hanggang kumalat iyon sa buong katawan niya. Kinapos ng hangin ang baga niya. Suminghap siya. Isang malaking pagkakamali dahil nalanghap niya ang lalaking amoy ng binata. Ilang dangkal na lang kasi ang pagitan nila nang huminto ito sa harapan niya.
"Iyon ang gusto mong mangyari, 'di ba? Ang ibalik ka sa inyo? Ngayon pa lang, alisin mo na 'yan sa isip mo dahil malayong gawin ko 'yon."
"Kahit na iyon lang ang paraan para mailayo ako sa disgrasya? Paano kung sabihin ko sa 'yong nagsinungaling ako kanina at talagang may nanakit sa 'kin?"
"Hindi ako tanga. Kahit 'di mo sabihin, alam ko 'yon. Ang ipinagtataka ko, ba't kailangan mo pa silang pagtakpan?"
"Dahil 'pag tinuro ko sila, tiyak na gagantihan nila ako."
"Kapag nanahimik ka, nakasisiguro ka bang 'di ka nila babalikan? Kung 'yan ang akala mo"—umiling si Lucas—"nagkakamali ka. Kaya kung ako sa 'yo, magtapat ka na."
"Bakit? Para managot sila? Akala ko ba, galit ka sa mga taong nagbibigay ng parusa, gano'n ka rin naman pala!"
"Ibahin mo ako sa 'yo. Dahil ako, marunong akong makinig. At kahit kailan, hindi ko ipag-uutos pumatay ng tao nang dahil lang sa maliit na bagay!"
Tinakasan ng kulay sa mukha si Esperanza. "Inaamin ko, nagkamali ako no'ng hindi kita binigyan ng pagkakataong magsalita. Pero sa maniwala ka't sa hindi, ang gusto ko lang mangyari, dalhin ka sa presinto. Hindi 'yong bugbugin ka at iwang halos wala nang buhay."
"Napakadali sa 'yong ipasa sa mga tauhan mo ang lahat ng mali mo dahil wala sila rito para mangatwiran. Naghuhugas kamay ka, pero hindi mo akong kayang lokohin. Kalat sa lugar ninyo ang ugali mo. Malupit ka, pareho ng lolo mo."
Gustong sumabog ng dibdib ng dalaga. Masakit makarinig ng pintas sa klase ng pagkatao niya.
"Siguro nga, malupit ako. Iyon kasi ang nakagisnan ko, ang turo sa akin. Ikaw, ano'ng dahilan mo? Malupit ka rin naman, 'di ba?"
Humakbang si Esperanza upang lumayo sa binata. Natabig niya ito sa balikat. Itinuloy niya pa rin ang paglalakad. Mabilis iyon, parang mga kamay ng orasan, naghahabulan.
Sumunod agad si Lucas. "Wala pa ako sa kalingkingan n'yo kung kalupitan ang pag-uusapan."
"Salamat dahil wala pa rin palang tatalo sa 'min."
"Akala mo, biruan lang 'to!"
"Tumatawa ba ako?"
"Nang-iinis ka ba?"
"Ano sa tingin mo?"
"Malapit nang maubos pasensiya ko." Nanggigigil si Lucas. "Sa lahat naman ng pwedeng saklolohan, ba't ikaw pa ang tinulungan nila Buboy."
Pakiramdam ni Esperanza, napakawalang kuwenta niyang tao para bigyan ng tulong. Mas gugustuhin pa siguro ni Lucas na hayaan siya sa mga taong dumukot sa kaniya kaysa mapadpad siya sa lugar nito.
Sumingkit ang mata niya. May sumakit sa tagong parte ng puso niya, pero pinigilan niyang bumuhos ang talagang damdamin niya. Bakit ba tinatablan siya sa mga salita nito?
"Sa lahat din ng lalaking nakilala ko, ikaw ang—"
Natisod siya. Hindi niya napansin ang nakausling ugat sa daraanan niya. Tumigas ang katawan niya at inihanda ang sarili sa sakit ng pagbagsak.
BINABASA MO ANG
Bandido
Historical FictionHistorical Romance Babae ang mitsa sa buhay ni Lucas. Inhinyero na sana siya ngayon kung hindi siya natutong umibig. Pinabayaan niya ang kaniyang pag-aaral at nagpakalayo-layo. Sa malas, nakilala niya si Esperanza, ang babaeng ipinaglihi yata sa tig...