Kabanata 6

550 38 22
                                    

Walang tigil na ingay ang bumulahaw sa mahimbing na tulog ni Lucas. Nanggagaling iyon sa paanan ng kama. Akala niya, nginangatngat ng daga ang mga gamit niya. Napatahiya siya at balak niya nang bumangon, pero bigla ring tumigil iyong ingay. Naalala niya, sa sahig niya nga pala pinatulog si Esperanza at ang narinig niya ay tunog ng nangangatal na ngipin. Marahil giniginaw ito. Kumot at unan lang ang iniabot niya rito kanina. Walang banig na haharang sa hanging lumulusot sa siwang ng sahig.

Nakiramdam siya. Matagal din siyang naghintay pero hindi na naulit ang tunog na iyon. Binagabag pa rin siya ng konsensiya. Gusto niyang gisingin ito at ialok ang higaan. Nagtalo ang loob niya lalo't naalala niya kung sino at ano ang ginawa sa kaniya ng babae.

Ipinikit niya ang mga mata at pinilit ang sariling makatulog uli. Tila nanunudyo naman ang kaniyang isipan, ayaw paawat sa pagdaloy ng kaniyang nakaraan. Lumitaw ang isang imahe ng magandang babae sa kaniyang isipan, si Miranda, ang dahilan kung bakit siya napadpad sa Puting Tubig.

Halos mabaliw siya noon nang mabalitaan niyang ikakasal na ang babaeng itinatangi. Sigurado siyang hindi ito mahal ni Diego at pumayag lang itong ikasal dahil sa kumakalat na mapanirang balita. Tumibay ang hinalang iyon nang dumalaw si Don Miguel, ang ama ni Diego, at sinabi nitong palabas lang ang kasal. Na kaya inalok ni Diego ng kasal si Miranda para hindi lumabas na mapagsamantala ang anak nito. Sinabi rin ni Don Miguel na bibigyan siya nito ng malaking halaga kung itatanan niya si Miranda bago dumating ang araw ng pag-iisang dibdib ng dalawa. Tutol kasi ito kay Miranda dahil hindi nababagay ang dalaga sa antas ng kanilang pamumuhay. Kahit nga raw mag-asawa na ang dalawa, bibigyan pa rin siya nito ng pera kung magagawa niyang sumama sa kaniya si Miranda. Pumayag siya, pero tinanggihan niya ang alok nitong salapi.

Nagkaroon siya ng lakas ng loob na pasukin ang silid ni Miranda. Nahuli niya pang umiiyak ito. Muli niyang ipinahayag ang damdamin dito at isang salita lang nito, handa siyang itakas ito. Tuwang-tuwa siyang umuwi baon ang pangako ng dalaga na kakausapin siya nito kinabukasan. Sa kilos kasi nito, nakikinita niyang sasama ito sa kaniya.

Nabuhay uli ang pangarap niya. Magiging inhinyero siya. Magtatayo siya ng malaking bahay para kay Miranda. Magkakaroon sila ng apat, lima o anim na anak.

Subalit hindi nangyari ang lahat ng iyon. Hindi sila nagkausap ni Miranda. Wala ring pagkakataong makalapit uli siya rito hanggang sa makita niya itong papunta sa dati nitong tirahan, sa gubat. Sinundan niya ito. Inaasahan niyang sasama sa kaniya si Miranda, pero bigo siya. Para pa ngang dinurog ang puso niya nang sinabi nitong kalimutan niya na ito. Hindi nito iiwan ang asawa dahil mahal niya ito. Hindi niya pinaniwalaan iyon.

Nagmakaawa siya. Luluhod na siya sa harapan nito ngunit sinabihan siya nitong huwag pababain ang sarili. Na may babaeng higit rito na karapat-dapat sa pagmamahal niya.

Hindi pa rin siya handang sumuko. Ipaglalaban niya ang nararamdaman pero dumating si Diego. Kinausap siya nito at isang bagay ang nalaman niya, mahal din ni Diego si Miranda. Kahit hindi nito aminin, nabasa niya iyon sa mga mata ng lalaki. Ang pag-aalala kay Miranda. Ang matinding galit dahil umaaligid pa rin siya sa asawa nito.

Nagparaya siya. At, itinatak niya sa kaniyang isipan na hindi na siya magmamahal nang katulad ng naramdaman niya kay Miranda. Hindi na siya magpapakumbaba. Kahit kanino, hindi siya luluhod.

Nanumbalik ang kaniyang isipan sa kasalukuyan nang marinig niya ang mahinang ungol. Umigting ang bagang niya, dahil galing ang ungol na iyon sa babaeng nagpaluhod sa kaniya.

NAPABALIKWAS NG BANGON si Esperanza. Bumungad sa paningin niya ang dukhang tirahan ni Lucas. At, kaya siya nagising ay dahil sa lakas ng sigaw nito. Nananakit ang kaniyang katawan, mas matigas ang kawayang sahig kumpara sa lupang natatabunan ng mga damo. Gustuhin niya mang mag-inat, hindi niya magawa dahil lalong lumakas ang boses ng lalaki. Tumayo siya at nagmamadaling isinuot ang sapatos. Saka siya pumunta sa palikuran.

BandidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon