Dear Papa Jesus,
Ano po ba talaga ang totoong hitsura Mo? Tama ba ang mga nakikita ko sa simbahan? Ganoon po ba talaga ang mukha Mo? Hindi bale, kahit anong hitsura pa po ang mayroon Ka, mali 'man ang nakikita ko sa mga simbahan hindi pa rin mag-iiba at magbabago ang pananaw at paniniwala naming Ikaw ang Diyos.
Ano pong hitsura ng langit? Puro puti po ba? Wala po bang ibang kulay? Wala po bang mga disenyo? Kulay pink ang pader o di kaya'y kulay light green. Talaga po bang purong puti lang? Paborito Mo po ba ang kulay puti? Ilan po ang mga anghel diyan? May mga pakpak po ba sila? Kulay puti rin po ba ang mga suot nilang damit? May bilog po ba sila sa ulo? May kapangyarihan po ba sila? May mga tsinelas po ba sila? Saan niyo po nakukuha ang mga iyon? Paano po kayo nakakaligo? Paano po kayo nagsesepilyo? May sabon at shampoo po ba kayo? Nagsusuklay po ba kayo riyan sa langit? Uso po ba ang diet diyan tulad nang ginagawa ng ate ko? Ilan ang babae at lalaking anghel? May tomboy at baklang anghel po ba? May tv po ba kayo sa langit? Nanonood po ba kayo ng balita? Marunong Ka po ba makaintindi ng iba't-ibang lenggwahe?
Papa Jesus, totoo po bang hindi Ka natutulog? Sabi kasi sa kanta hindi raw natutulog ang Diyos. May sasabihin po sana ako Sa'yo huwag Ka po sanang magagalit. Magkaiba po ba ang Diyos at Panginoon? O iisa lang po Kayo? Segu-segundo Mo po bang nakikita ang mga ginagawa naming mga tao? Naririnig Mo po ba ang mga sinasabi ng isipan namin? Nakikita Mo po bang isinusulat ko ito ngayon? Nakikita Mo po ba akong nakaupo sa kama ko? Nakikita Mo po ba ang damit ko? Alam Mo po bang gabi na ngayon?
Naririnig Mo po ba ang bawat dasal at hinaing naming mga tao? Diba po bilyong-bilyon ang tao sa mundo, paano Mo po naririnig ang bawat dasal namin? Paano Mo po kami nababantayan? Paano Mo po nakikita ang bawat ginagawang mabuti at kasalanan namin? Totoo po bang may impyerno? May demonyo? Totoo po bang mainit sa impyerno? Malamig po ba riyan sa langit? May aircon po ba riyan? Nagbabayad po ba kayo ng kuryente riyan?
Sabi po ng teacher ko noong nag-aaral pa ako, ang tao raw ay nagsimula sa unggoy. Teka po, baka po matawa Ka pero hindi po ako nagbibiro. Totoo po iyon na sinabi ng teacher ko, iba't-ibang teorya kung saan nagsimula kaming mga tao. Pero iba't-iba 'man ang paniniwala kung saan kami nagmula hindi magbabago ang paniniwala kong Ikaw ang gumawa sa amin, galing kami Sa'yo at Ikaw ang dahilan kung bakit ako narito sa mundo.
Kapag po ba may naaaksidente, namamatay o di kaya'y nag-aagaw buhay sila po ba ang mga taong hindi Mo nabantayan? Huwag Ka po sanang magagalit kung tatanungin kong ginagabayan Mo po ba ako? Alam Mo po bang may cancer ako? Ikaw po ba ang nagbigay ng sakit sa akin? Ikaw po ba nagplano na lagyan ng tumor ang utak ko? Bakit Mo po iyon ginawa? Nakikita Mo po bang umiiyak ang mama ko? Ang ate at ang lola ko? Alam Mo po bang mahirap lang kami at hindi po kami mayaman kung kaya't wala kaming pambili ng gamot? Bakit Mo po sa akin binigay ang sakit na ito? Sinadya Mo po ba iyon? Diba po Papa Jesus Ka? Kaya Mo po bang alisin ang cancer ko? Bukas po ba paggising ko ng maaga mawawala na ito? Babalik na po ba sa normal ang lahat? Panaginip lang po ba ito?
Naririnig Mo po ba ang dasal ko? Dasal ng mama, ate at ng lola ko? Naririnig Mo po ba kami? Nakikita Mo po ba kung gaano ako nahihirapan pero ayaw ko lang ipakita dahil ayokong nasasaktan ang mama ko.
Papa Jesus, kilala Mo po ba ako? Alam Mo po bang lalaki ako? Isang sampung taong gulang, huminto sa pag-aaral, may sakit na brain tumor at alam Mo po bang Kline ang pangalan ko? Alam Mo po ba iyon?
May address po ba ang langit? Para po ipapadala ko itong sulat ko Sayo.
I love you Papa Jesus,
Kline