Letter (6)

2.6K 129 4
                                    

Dear Papa Jesus,




                                Nasa bahay na po ulit ako Papa Jesus, tatlong araw po akong nasa ospital at pakiwari ko langit na po iyon dahil sa puro puti kong nakikita. Nang matapos ang pagchemotherapy sa akin pakiramdam ko po lumakas ako, sana po Papa Jesus tuloy-tuloy na po ito. Lumabas ako kaninang hapon, pero hindi raw ako pwedeng makipaglaro. Papa Jesus, nakakamiss pong makipaglaro sa mga kaibigan ko, nakakamiss tumawa kasama sila at mamuhay na halos walang problema. Nakakamiss po pala Papa Jesus iyong dati kong ginagawa, sana po Papa Jesus dumating ang araw na pwede na ulit akong makipaglaro at mag-aral.


                               Papa Jesus, kailan po darating iyong balang araw na gagaling ako? Kapag po ba nagchemotherapy ako, uminom ng mga gamot at nagpalakas mawawala na po ang cancer ko? Kailan po darating iyong balang araw na mag-aaral ulit ako? Babalik sa school at makipaglaro? Kailan po Papa Jesus?



                               Bago ako umalis sa ospital sabi sa akin ni Zero stage 4 na raw po ang Leukemia niya, last stage na raw po iyon sabi ni Zero. Habang kinukwento niya po iyon masaya po siya, kasi last stage na raw po ito ng cancer niya at hindi na raw po siya mahihirapan pagkatapos. Medyo naguguluhan po ako kasi talaga po bang laro lang itong cancer namin? Sabi pa raw niya malapit Ka na raw po niyang makita, malapit na raw po niya marating ang langit, makakita ng mga anghel at mahawakan ang mga ulap. Ang saya-saya po ni Zero habang sinasabi sa akin ang mga bagay na iyon. Gusto ko pong ipadala sa kanya ang mga sulat ko Sa'yo, o di kaya kapag nakapunta na si Zero sa langit malalaman na niya ang address at sasabihin ko sa kanya kapag nalaman niya ang address sa langit sabihin na lang niya sa akin. Masaya po ako Papa Jesus, dahil nakahanap ako ng bagong kaibigan na si Zero, mabait po siya at sa tingin ko hindi po dapat niya nararanasan ang mga ganitong bagay.


                               Pero po Papa Jesus sa totoo lang ayoko pang mapunta si Zero sa langit, ayoko pa pong kunin Mo siya, ayoko pa pong mamatay siya... Papa Jesus, please po huwag Mo muna siya kukunin, please po.



                               Salamat po Papa Jesus sa panibagong buhay na ibinigay Mo, salamat po at hindi Mo pa rin kami pinabayaan, maraming salamat po Papa Jesus.


I love you Papa Jesus,

Kline

Dear Papa JesusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon