Letter (10)

2.1K 112 4
                                    

Dear Papa Jesus,


                                Nagsimba po kami nina mama at lola kaninang umaga, ang daming tao sa simbahan at bakas sa kanilang mga mukha na sobra Ka nilang mahal. Sa sobrang daming tao sa simbahan alam ko po ang iba sa kanila o lahat ng iyon makasalanan, pero kahit po makasalanan sila nagagawa pa rin po nilang magdasal, manalig at maniwala Sa'yo. Papa Jesus, kakaiba Ka talaga.

                               Iba-iba ang tao sa buong mundo, iba-iba ang paniniwala at pananampalataya pero po isa lang po ang napatunayan ko, bawat tao may kinikilalang Diyos.

                               Papa Jesus, narinig Mo po ba ang mga dasal namin kanina sa simbahan? Sobrang dami po namin kaya nakapagtataka kung narinig Mo ang bawat dasal namin o baka nama'y nalito Ka na. Papa Jesus, alam ko pong makapangyarihan Ka at marunong magpatawad kaya pasensya na po kung minsan nagagalit po ako Sa'yo at sinisisi po Kita kung bakit ko po ito nararanasan ngayon, alam ko pong wala po dapat akong sisihin dahil hiram lang itong buhay ko.

                               Ang mundong ginagalawan ko parang isang playground lang, maraming nakilala, naging kaibigan, nagkaroon ng pamilya, natutong madapa, masaktan, magkasakit at anumang oras alam ko pong kukunin Mo na ako sa playground at ibabalik sa totoo kong tahanan, ang langit. Salamat po Papa Jesus dahil pinaranas Mo po sa akin ito, hindi na po ako magtatanong ng kung ano-ano at kung bakit ko ito nararanasan dahil alam ko na po ang rason, naiintindihan ko na po ang lahat ng bagay. Sabi po kanina ni lola sa akin ang bawat pagsubok ay isang regalo mula Sa'yo, isang regalo na magbibigay aral at malaking kabuluhan sa buhay ng bawat tao. Kaya Papa Jesus, salamat po sa pagsubok na ito, maraming salamat po sa regalo na ibinigay Mo.

                               May sasabihin po pala ako Sa'yo Papa Jesus, sa tingin ko po handa na akong kunin Mo tapos na akong magsulat ng mga liham para sa taong mahahalaga sa buhay ko, kung mawala 'man po ako ngayon, mamaya o baka bukas handa na po ang lahat.

                               Good news po pala Papa Jesus, bumalik na po si ate at halos tatlong buwan po siyang wala rito sa bahay narinig ko po kaninang nag-iiyakan sila ni mama at tinatanong ni mama kung bakit niya pinalaglag si baby. Papa Jesus, naguguluhan po ako ano po iyong pinalaglag? At bakit po hindi pa rin malaki ang tiyan ni ate? Excited na akong makita si baby, Papa Jesus huwag Mo po pala muna ako kukunin.

I love you Papa Jesus,

Kline

Dear Papa JesusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon