Dear Papa Jesus,
Buong araw po akong nasa kwarto at kasama si lola, tulad pa rin po ng dati kahit nararamdaman kong nanghihina ako hindi ko pa rin po pinahahalata para hindi po sila mag-alala. Wala si mama buong araw dahil nagtrabaho raw po siya pati rin po si ate wala rin po siya. Kahit po may sakit ako at nanghihina kapag kinakausap ko po sila nagiging masigla po ako, pakiwari ko po ang mga ngiti sa labi nila iyon ang gamot ko.
Papa Jesus, kahapon pa po hindi umuuwi si ate, sabi sa akin ni lola nasa trabaho lang daw po siya nag-aalala ako kay ate kasi may baby sa tiyan niya baka po kung anong mangyari sa kanya, Papa Jesus kahit huwag Mo na po ako gabayan, kahit huwag Mo na po ako tignan o bantayan kahit si ate, lola at si mama na lang po ang bantayan Mo okay lang po sa akin. Sila lang po ang pinakaimportanteng tao sa buhay ko, sila na lang po ang pamilya ko ayoko po may mangyaring masama sa kanila. Please po Papa Jesus, sana po wala pong nangyaring masama kay ate.
Hindi ko po alam kung kailan Mo ako kukunin o babawiin ang buhay na pinahiram Mo po sa akin, kung ito na po ang kahuli-hulihan na buhay ko Papa Jesus salamat po sa binigay at pinaranas mo sa aking buhay. Naiintindihan ko na po ang totoong kahulugan ng buhay, kung maging masaya, malungkot at problemado 'man ang isang tao hindi pwedeng magreklamo dahil ito ang buhay, ganito ang totoong kahulugan ng buhay. Salamat po Papa Jesus sa lahat-lahat, hindi po ako magsasawang magpasalamat Sa'yo.
I love you Papa Jesus,
Kline