Dear Papa Jesus,
Marami po bang masasarap na pagkain sa langit? Mga cake, icecream at chocolate? Kapag po nandiyan na ako sa langit pwede po bang kainin ko ang mga iyan? Kasi po Papa Jesus halos dalawa o tatlong beses lang ako makakain ng cake, icecream at chocolate sa loob ng isang taon. Kung minsan bigay lang ng kapit-bahay naming si Ate Kriza na may asawa sa ibang bansa. Kapag po nakakakain ako ng mga iyan pakiramdam ko po ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo, ang sarap-sarap po ng lasa.
Papa Jesus, kaninang hapon nagpunta ang teacher kong si Ma'am Esguezar dito sa bahay, kinumusta niya ako tapos nagkwento siya tungkol sa mga classmates ko, sa totoo lang po Papa Jesus nalulungkot ako kasi gustong-gusto ko mag-aral kaso hindi na raw pwede dahil sa kalagayan ko, namimiss ko na pong sumagot sa tanong ni teacher, magsulat ng mga inaral namin, makipag-usap sa mga classmate ko pati po iyong guard sa school namimiss ko na rin po. Papa Jesus, namimiss din kaya nila ako?
Sabi ni Ma'am Esguezar kanina sa akin matalino raw ako kaya kailangan ko raw magpalakas para makabalik sa school pero mukhang malabo na po iyon Papa Jesus kasi lagi-laging sumasakit ang ulo ko, iyong sakit na para na akong mamamatay, iyong sakit na pakiwari ko po kukunin Mo na ako. Alam ko po Papa Jesus, konting panahon na lang ang natitira sa akin dito sa mundo, konting panahon ko na lang makikita sina mama, ate at lola. Sana po Papa Jesus kapag kinuha Mo na ako hinihiling ko po na huwag na huwag Mo pong pababayaan sina mama, ate at ang lola ko. Sana po Papa Jesus maging masaya pa rin sila kapag dumating na ang araw na kinuha Mo na ako.
Totoo po bang may Guardian Angel? Nasa tabi ko po ba siya? Nakikita niya po ba itong sinusulat ko? Kung totoo pong may Guardian Angel sana po mawala na itong sumasakit sa ulo ko.
Papa Jesus, pwede po ba akong mag wish? Pwede po bang mawala na ang sakit ko? Pwede po bang bumalik na lang sa dati ang lahat? Kasi po hirap na hirap na si mama, kapag po tinitignan ko siya ng palihim lagi ko pong nakikitang umiiyak, kapag po kinakausap niya ako lagi naman po siyang nakangiti pero nakikita ko po sa mga mata niyang hirap na hirap na siya. Alam Mo po Papa Jesus wala ng kasing sasakit pa kapag nakikita ko po si mama na umiiyak at nahihirapan.
Papa Jesus, may sasabihin po akong sikreto Sa'yo buntis si ate narinig ko po kanina. Umiiyak siya habang sinasabi iyon kay mama tapos narinig ko pang hiniwalayan siya ng boyfriend niya. Papa Jesus, bakit po nararanasan namin ang mga ganito? Bakit po kami pa ang napili Mong bigyan ng ganitong problema? Bakit po kami pang hindi mayaman at hirap sa buhay? Bakit po Papa Jesus?
I love you Papa Jesus,
Kline