Sabi Mo Lang 'Yun

7 0 0
                                    

Sabi mo, sumama ako sa'yo kasi may lakad ka. Sabi mo, gusto mo akong kasama. Sabi mo, samahan kita saan ka man magpunta.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, mag-date tayo. Sabi mo, gusto mong kumain kasama ako. Sabi mo, gusto mo akong kasalo sa hapag.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, matulog na tayo. Sabi mo, ako lagi ang gusto mong katabi. Sabi mo, kapag nagising ka na, ako ang gusto mong makita.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, sabay tayong babagsak. Sabi mo, sabay din tayong tatayo. Sabi mo, sasamahan mo din ako gaya ng pagsama ko sayo.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, lilibot tayo. Sabi mo, lilibutin natin ang buong mundo. Sabi mo, gusto mo akong dalhin doon para saan mang dako ng mundo ay maaalala mo ako.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, ipapakilala mo ako sa pamilya mo. Sabi mo, ipinagmamalaki mo ako. Sabi mo, nais mong malaman ng buong mundo  na ako'y iyo.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, gagawin mo ang lahat para sa akin. Sabi mo, kahit magmukha kang baliw gagawin mo. Sabi mo, gaano man kahirap gagawin mo pa rin.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, iipitan mo ako. Sabi mo, kahit itirintas mo ang buhok ko sa harap ng maraming tao, ayos lang sa'yo. Sabi mo, kahit pambata ang ipit ko, gusto mo pa rin ako.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, susuyuin mo ako araw-araw. Sabi mo, sa tuwing tayo'y hindi magkaintindihan, ikaw ang unang magpapakumbaba. Sabi mo, sorry.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, maghihintay ka. Sabi mo, kahit gaano pa katagal iyan. Sabi mo, mapasagot mo lang ako, sulit ang inip na dinulot ko.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, ako na. Sabi mo noong araw na sinagot kita, ako ang ihaharap mo sa altar. Sabi mo, papakasalan mo ako.

Sabi mo lang 'yun.

Sabi mo, ako lang ang nakagawa nito sayo. Sabi mo, ako lang ang tinitibok ng puso mo. Sabi mo, mahal mo ako.

Sabi mo lang 'yun.

Sa lahat ng sinabi mo, wala kang tinupad.

Sabi ko, Bakit? Bakit hindi mo tinupad?

Akala ko, ako na? Akala ko, ako ang gusto mong kasama. Akala ko, gusto mo akong kasama sa hapag. Akala ko, ako ang gusto mong makita pagdilat ng iyong mata. Akala  ko, sasamahan mo ako tulad ng ginagawa ko. Akala ko, gusto mong sa lahat ng dako ng mundo ay maalala mo ako. Akala ko, ako ay iyo. Akala ko, gagawin mo lahat para sa akin. Akala ko, handa kang magpakabaliw. Akala ko, susuyuin mo ako araw-araw. Akala ko, maghihintay ka. Akala ko, pakakasalan mo ako. Akala ko, mahal mo ako.

Akala ko lang 'yun.

Akala ko, sabi mo lang 'yun.

Akala ko, hindi mo tinupad.

Sa lahat ng akalang nasabi ko, ito ang pinagsisihan ko...

Akala ko, mahal din kita.

Ako pala ang hindi nagmahal sa ating dalawa.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 07, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Sabi Mo Lang 'YunWhere stories live. Discover now