"Uh-oh..." nababahalang sabi ni Adrian habang magyakap sila.
Kumunot ang noo niya. "Bakit?"
"May kasalanan yata ako Abigail. Galit na galit si Matthew na umalis nang makitang nagyayakapan tayo."
Sa narinig ay bumitaw siya bigla dito. Lumingon siya sa pinagmamasdan ng binata. Ito ang nakaharap sa may pintuan habang nagyayakapan sila kaya ito ang unang nakakita kay Matthew. Tanging ang likod na lang ng binata ang nakita niya nang lumingon siya.
"Mateo!" sigaw niya na nagpalingon sa iba pang workers sa testing area nila. Hindi na siya nagpaalam pa kay Adrian at mabilis na sinundan ang binata.
Sinundan niya ito hanggang sa expansion area ng planta. Hindi nito alintana ang init ng sikat ng araw at alikabok na dinadala ng hangin. Alam niyang alam nito na sinusundan niya ito dahil panay pa rin ang pagtawag niya sa pangalan ng kaibigan sa pagbabakasakaling hihinto ito. Lakad-takbo ang ginawa niya. Huminto ito nang sa tingin niya ay mapagod ito sa paglalakad.
"Mateo, may problema ka ba?" tanong niya sa binata nang nasa likuran na siya nito. Pareho nilang habol ang kanilang paghinga dahil sa haba ng nilakad nila.
Sa tantiya niya ay sampung segundo muna ang nakalipas bago salubong ang kilay na humarap ito sa kanya. "May problema ka nga." conclude niya.
"Ano't nakikipagyakapan ka pa sa lalaking iyon?!" may bahid na pagsigaw na tanong nito sa kanya. Itinuro pa nito ang pinanggalingan nila.
"Bakit, masama na ba ngayong makipagyakapan sa kanya?" nakataas ang kilay na balik-tanong niya dito. Anong problema nito?
"Iiwan ka nung lalaking iyon para sa ibang babae. Tapos makikita ko pa kayong masayang nagyayakapan na para bang wala lang nangyari? Tanga ka ba? Kalat na kalat na sa buong department natin ang tungkol sa panggagago niya sayo!"
Bahagya siyang nasaktan sa sinabi nito. Inulit niya sa isipan ang mga sinabi nito. Tanga nga ba siya? Oo, matagal na. Pero hindi kay Adrian kundi sa lalaking ito. Matagal na siyang nagpapakagaga para dito. At ngayon ay sinisigawan siya nito na para bang kailanman ay hindi siya nito nasaktan?
Eh bakit, pinakita mo man lang ba sa kanya minsan na nasaktan ka? Hindi diba? Kaya papano niya malalaman?
"Maayos na nagpapaalam yung tao, anong gusto mong gawin ko, gumawa ng eksena sa harap ng mga tao ko?"
"At bakit hindi? Kulang pa yun kung tutuusin sa ginawa niya!"
"Wala siyang ginagawang masama—"
"Anong wala?!" putol nito sa iba pa niyang sasabihin. "Alam mo ba kung anong galit ang naramdaman ko nang marinig ko ang balita? Ang buong akala ko ay iingatan at mamahalin ka niya gaya ng pag-iingat at pagmamahal na ginagawa ko sayo. Isinakripisyo ko ang sarili kong kaligayahan para lang makita kang masaya. Pinuntahan kita sa testing area dahil naisip kong baka kailangan mo ko para may mahingan ka ng sama ng loob. Tapos yun pa ang madaratnan ko? Masaya kayong nagyayakapan na para bang walang kasalanan yung tao?"
Sa totoo lang ay hindi niya masyadong naintindihan ang mga nilintanya nito. Hindi niya makuha ang sakripisyong sinasabi nito. At anong klaseng pagmamahal ba ang sinasabi nito? Pagmamahal ng isang kaibigan? Ha! Friendly love na nga lang ang pwede nitong maibigay sakin ipapasa pa sa ibang tao!
Doon na sumabog ang lahat ng kinikimkim niyang sama ng loob. Salubong na rin ang kilay niya nang bumuka ang bibig niya.
"Natural na masaya kaming magyayakapan dahil walang kasalanan sakin yung tao! Hindi katulad mo! Kung magsalita ka akala mo ni minsan hindi mo ko nasaktan! Kung iisipin nga, mas minahal pa ko ni Adrian kaysa sayo eh. Alam mo kung bakit? Dahil si Adrian, walang ibang inisip kundi ang kaligayahan ko. Eh ikaw? Wala ka namang ibang inisip kundi ang paghahabol mo kay Heleina! Hindi mo na nararamdaman ang mga tao sa paligid mo. Kaya nang maghiwalay kami ni Adrian ay hindi mo man lang namalayan dahil masyadong ukopado ni Heleina yang pag-iisip mo!"
BINABASA MO ANG
Destined to be Mine (UNEDITED & COMPLETED)
RomancePUBLISHED: May 2009 This is my second approved PHR novel. Halos magkasabay lang itong napublish ng first novel ko. ^_^ So again, NO JUDGEMENT PLEASE. Hehe... Nangangapa pa ko sa mundo ng pagsusulat, pati na rin sa pag-ibig. Charot. =============...