Fearless

5 0 0
                                    

*Tick tock! Tick tock!

Alas onse kwarenta'y sinco. Ilang minuto nalang, maghating gabi na. Marahil kanina pa nagsimula ang party ng barkada. Pero ako? Tangina nandito pa rin sa loob ng bahay. Humahanap ng tyempo na makatakas.

Maliit lang ang aming balay, sa sahig lang ng dos por dos nakalatag ang maganak ko pagsapit palang ng alas nueve. Pero ako? Mulat na mulat pa. Gising na gising pa ang dugo at diwa ko dahil nasasabik na makasali sa kasiyahan ng barkada ng ganitong oras.

Tahimik ang kapaligiran at tanging paghilik ni papa at takbo ng orasan sa pader ang naririnig ko. Saglit akong bumangon para tingnan sila ni mama at mukhang mahimbing naman.

Hindi na ko mapakali!

Nag-vibrate ang phone ko sa may pwetan ko at kaagaran kong sinilip. Pinagmamadali na nila akong sumunod. Pambihira talaga! Bakit kasi sa bandang pintuan pa sila nakahiga?

Dahan-dahan kong tinatanggal ang paa ng kapatid kong nakapatong pa sakin. Gumalaw siya saglit kaya agad akong napahinto. Sunod naman ay ang kumot ko na kahati ko pa siya. Lumamig ang ihip ng hangin mula sa electric fan namin. Nakakapangindig balahibo.

Madilim sa buong kabahayan, tanging ilaw sa labas lang ang umaaninag sa mga pasilyo ng bintana at kung saan man butas sa paligid ng bahay. Dilat na dilat ang aking mata, tumatanaw ng pagkakataon para ako'y makagalaw.

Maiksi lang ang pagitan ko sa pinto, pero dahil nakaharang ang mga asungot, tila isang malawak at mahabang obstacle course ito na talo pa ang Takeshi's Castle.

Tuluyang akong tumayo, mabuti't hindi nila napansin ang gayak ko kanina bago matulog. Medyo nakahanda na ako kung sakali man makapuslit sa sandaling pagkakataon.

Dahan-dahang bumangon na animo'y may mga leon sa aking tabi na hindi maaaring masagi. Sa unang hakbang ko palang, umuugong na ang langitngit ng kahoy na sahig. Pambihira! Galawang Ninja!

Bawat pagtapak ko patungong pintuan ay marahan, kinakapa-kapa ko pa ang aapakan ko dahil baka paa na pala nila yun.

Ngunit isang beses kong nakapa ang binti ni mama, muntik ko ng madiinan ang pagtapak ngunit agad kong naiangat ang paa ko. Gumalaw siya at kaagad pumintig ang puso ko. Dilat na dilat akong napatingin sa kanya sa pagkakagalaw niya pero mabuti na lamang ay pumayakap lang siya kay papa. Nakahinga ako ng maluwag pero napalakas ang pagbuga ko ng hininga kaya kaagaran kong tinakpan ang bibig ko. Abnormal talaga.

Heto na! Wala ng atrasan toh!

Nandito na ko malapit sa pinto, isang pagsubok nalang at malaya na ko!

Dahan-dahang muli akong lumakad papalapit sa pinto. Minasdan ko si papa na mahimbing ang tulog at ang lakas humilik. Kalbaryo ito kapag hindi pa ko makatulog sa gabi, kasi mas hindi ako makatulog sa ingay.

Halos kumapit na ako sa pader sa pagsusumiksik sa paglalakad para hindi ko siya masagi. Biglang lumalabas ang hidden talent kong mala-pusa sa paglalakad sa bawat hakbang. Kung maaari ay hindi ako huminga upang mas magaan sa pakiramdam pero napagtanto kong hindi rin pala yun nakakatulong.

Dahan-dahan man ang paglakad ko, ang langingit ng sahig naman ay parang nananadya. Bawat hakbang ay tila para akong napapasabog ng granada na dapat kong iwasan kung ayaw kong malintikan.

Naabot ko na ang lock ng pinto na unti-unti kong kinapa para mabuksan. Inangat ko ang hawakan at doo'y muling gumalaw si mama at umungol pa. Panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso ko.

Nang mahimasmasan ako, kinapa ko ulit ang lock at dahan-dahan ko itong binubuksan na para bang tarangkahan.

*Tock!

At sa wakas nagbukas na!

*Eeeeng...

Unti-unting umuwang ang pintuan hudyat na ito'y bukas na at nangiingganyo na ako'y lumabas na.

Dahan-dahan kong tinutulak ang pintuan pabukas upang ako'y magkasya ng biglang pumaling si papa sa gawi ko at nahawakan ang paa ko.

P*tangina!

Para akong kinalabit ni Kingkong sa takot ko!

Parang bumaba lahat ng dugo ko sa katawan at nanlamig ako ng tuluyan. Pakiramdam ko tumalon ang puso ko sa kaba at nawalan na ko ng pulso. Kumabog ang dibdib ko at tila pati ang bituka ko. Kung mahuli man ako, katapusan ko na toh!

Yung kabog sa dibdib ko hindi maialis, yung pawis ko abot hanggang singit. Malamig pero pawis ay tumatagiktik.

Kalahati na ng katawan ko ang nakalabas, naudlot pa! Pero hindi ako susuko! Kaunting push nalang ito.

Inangat ko ang paa ko at natanggal naman ang pagkakahawak ni papa dito. Para akong nakawala sa kadena ng kamatayan.

Naipipilit ko na ang sarili ko sa uwang ng pinto na halos kalahati ng kahalati ko lang ang kasya. Walang hinga-hinga.

"Saan ka pupunta?!"

"Ay P*tangina!"

Bigla nalang akong napahiyaw sa narinig! Hindi ko malaman kung saan ako papaling.

Sinilip ko unti-unti kung saan iyon galing at hindi ako nagkamali.

"Gabi na ah? Animal ka talaga!"

Hiyaw pa ni papa na hindi naman bumabangon. Yung kaba-kaba kong baka makaapak ng bomba kanina ay bigla na lamang sumabog ng hindi ko namamalayan. Patay na talaga ako neto.

*Brr brr!

Takte! Nag-vibrate na naman ang phone ko, marahil hinahanap na nila ako.

"Sara mo yang pinto at malamig. Matulog ka na!"

Bulyaw pa ni papa at muli, wala na akong nagawa!

Sayang ang effort ko sa pagtakas, mahuhuli rin pala. Dapat pala tinakpan ko muna silang lahat ng kumot bago kumilos.

Mabigat man sa aking damdamin, sinara ko ang pinto na pinaghirapan kong abutin. Para akong nagsaing ng walang tubig.
Nagmartsa ako pabalik sa pwesto ng hinihigaan ko at inapakan ko na ang mga kapatid kong nakaharang. Pambihira talagang buhay toh oh!

Koolkaticles Koollections (One-Shot Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon