2017Yuri's point of view
"Kamusta na?"
Napatulala ako sa mukha niya, hindi ko inaasang makikita ko siya ngayon, ngayon mismo, sa lugar na ito.
"A-ah kamusta?" Balik tanong ko sa kanya. Sana ay hindi niya nahahalata ang panginginig ng kamay ko at hindi niya naririnig ang tibok ng puso ko nang kuhain niya ang kamay ko, at hawakan ito ng mahigpit.
"A-ayos lang." Parang hindi siguradong sagot niya. "Ito ba ang boyfriend mo?" Tanong niya na nagpabalik sa katinuan ko.
Tama! Boyfriend ko.
Ngayon lang bumalik ang pakiramdam ko na tila namanhid na kanina, na tila wala ng naramdaman kundi ang pananabik sa mukha niya. Onte-onte kong naramdaman ang brasong nakayakap sa bewang ko at ang mainit na katawang nakadikit sa katawan ko.
"O-o si, Andrei." Simpleng sagot ko.
Marahan nitong tinanggal ang kamay na nakahawak sa kamay ko at inilahad sa harapan ng boyfriend ko.
"Rodell, pre." Nakangiti nitong pakilala.
At heto nanaman ang puso kong parang nangarera dahil sa sobrang bilis ng tibok.
"Andrei." Simpleng sagot ng kasama ko.
Ilang sandali pa kaming nagpakiramdaman, hindi ko nakaya ang bigat ng paligid kaya naman yumuko nalang ako.
"Oh sige mukhang may lakad pa kayo, mauuna na muna ako." Paalam nito sa amin kaya nag angat agad ako ng tingin. Aasta na itong tatalikod ngunit bigla itong tumitig sa akin, napalunok ako. "Masaya akong makita ka ulit, Yuri." Simpleng tango at ngiti ang iniwan niya sa isip ko bago tuluyang tumalikod.
"Let's go?" Tanong ni Andrei sa akin kaya tumango lang ako at hinayaang alalayan niya ako hanggang makasakay kami ng sasakyan.
Gustong gusto kong lumingon, gusto ko ulit makita ang imahe niya, masulyapan siyang saglit pero natatakot ako, natatakot akong tumakbo muli papalapit sa kanya.
Flashback:
Year 2011
"Hoy, sabihin mo nga sa akin, kayo na ba nung Rodell na yon?"
Nagulat ako sa tanong sa akin ni Anne, isa sa mga kaibigan ko at classmate na rin. Agad kong tinago ang bulaklak na hawak sa likuran ko at ngumiti sa kanya.
"Hindi ah." Tanging naisagot ko.
"Hindi?" Nagdududang tanong nito na tinanguan ko lang. Sumilip pa ito sa likuran ko kaya naman napaiwas ako. "Nakita ko na, wag mo nang itago pa."
Nahihiya man ay inilabas ko na rin ang ilang tangkay ng pulang rosas mula sa likuran ko.
"Dati, nagkakasama na kayo sa panonood ng basketball, sumasama ka kapag may laro at practice siya, minsan ko narin kayong nakitang magkasama sa mall, ang iniisip ko ay normal naman yon bilang magkaibigan naman kayo, tayo. Pero yong bigyan kapa niya ng bulaklak. Hmmmm.. "
"Wag mo ngang bigyan ng malisya yong tao." Nakasimangot na sagot ko.
"Hindi ko binibigyan ng malisya yong tao, kundi yong ginagawa ng tao mismo."
Hindi ako nakaimik sa sinabi nito sa akin.
"Tumingin ka sakin at sabihin mong wala kang gusto sa kanya." Pag uutos pa nito.
Nanatili akong nakatungo at hindi makatingin ng deretso sa kanya.
Oo totoong gusto ko si Rodell, pero ayokong aminin yon dahil alam kong hindi pwede.