Prologue

17.8K 270 6
                                    


SINUNDAN NG tingin ni Ark ang isang babaeng nagtutulak ng cart na puno ng grocery bags. She looked young – at the peak of her youth. Pero hindi niya masabi kung ito ay nasa mid-twenties pa lamang o nasa late twenties na. Pansinin ang suot nitong white and red printed haltered blouse at red capri pants. Sumusunod sa galaw ng hangin ang mahabang buhok nito na kinulayan ng ash blond. At nasisiguro niya na produkto ng sikat na salon ang kulay ng buhok at pagiging kulot nito.
Naka-makeup ang babae na parang may photo shoot. Kasimpula ng pantalon nito ang ipinahid na lipstick sa mga labi. Kung gaano kakulay ang ayos nito ay ganoon din ang kabuuang aura. Mukha itong nakangiti kahit hindi naman. 
Hindi naman niya masasabi na napakaganda ng babae. Pero maganda ito. Malakas ang sex appeal. May lamyos ang kilos. Nakakadagdag siguro ng ganda nito ang maaliwalas na mukha. Gusto kong makilala ang babaeng ito.
Nilagok ni Ark ang iniinom na Coke Zero. Pagtingin niya uli sa babae, nakahinto na ito sa tapat ng hanay ng mga trash bin. Kausap nito ang isang payat at maliit na matandang babae na kasalukuyang naghahalungkat doon. Maayos ang suot ng matanda pero halata pa rin na hirap sa buhay. Humpak ang mga pisngi nito at dadalawa lang ang natirang ngipin sa harapan.
Hindi naman mukhang magkakilala ang mga ito. May pagdududa sa  tingin ng matandang babae. Nahiling niya tuloy sa sarili na sana may kakayahan siya na marinig ang pinag-uusapan ng mga ito kahit naroon siya sa malayo.
Sa karaniwan, bihirang ma-curious si Ark sa isang babaeng noon pa lang nakita. Humahanga siya kapag nakakakita ng magaganda. Nanliligaw siya kapag gusto niya ang isang babae. Pero hanggang ng mga oras na iyon, hindi pa niya nararamdaman na nagmahal na siya sa puntong aabot sa panghabangbuhay.
Saglit pa at iniwan na ng magandang babae ang matanda. Pero wala pa yatang limang minuto ang dumaan nang lumapit na naman dito ang magandang babae. Wala na ang dalang cart ng grocery bags. Pagkatapos ng maigsing usapan, nakita ni Ark na magkasunod na ang dalawa. Bitbit ng matandang babae ang malaking supot na pinaglalagyan nito ng mga kalakal na plastic. Patungo ang dalawa sa kinaroroonan niyang fast food restaurant.
Lalong na-curious si Ark. Hindi niya hiniwalayan ng tingin hanggang sa makapasok ang mga ito sa loob ng kainan. Suwerteng naupo ang dalawa sa pandalawahang mesa sa unahan na katabi lang ng kinaroroonan niya. Sa sobrang lapit nila ay umaabot sa ilong niya ang mabangong samyo ng mas batang babae. Nagustuhan niya agad ang amoy ng pabango nito.
“Ano po ang gusto ninyo d’yan, ‘Nay Enang?” tanong ng magandang babae sa matanda habang itinuturo ang mga nakapaskil na menu sa itaas ng mahabang counter.
“Kahit ano na lang, Ineng. Kung ano lang ang gusto mong ibigay sa akin.” Kahit nakaupo na ay yakap pa rin ng matanda ang malaking supot ng mga kalakal na naipon.
“Mas maganda po siguro, ‘Nay, kung ‘yon talagang gusto ninyong pagkain ang oorderin ko para sa inyo. Sige na po. Huwag na kayong mahiya,” sabi ng mas batang babae na ngumiti pa.
Na-glue ang mga mata ni Ark sa magandang babae. Mas lalo palang gumaganda ito kapag ngumingiti. May napakaliit na dimple ito sa kaliwang sulok ng bibig at parang laging tumatawa ang mga mata nitong deep set at bilugan.
“’Yon na lang may noodle,” sagot ng matanda.
“Ah, palabok po ba? Sige po. Pakihintay na lang po ako saglit.”
Napansin ni Ark na kahit hindi nagmamadali ang kilos ng magandang babae ay malalaki ang mga hakbang nito. Firm ang bawat paglapat ng mga paa nito sa sahig. Parang tahimik na sinasabi: This is a no-nonsense person. Proceed with caution. At habang tumatagal, mas lumalakas ang urge na makipagkilala siya rito.
Pero walang pagkakataon si Ark. Kahit na nang dumating na ang order ng mga ito – palabok, pineapple juice at pie – nakatutok lang ang tingin ng magandang babae sa matanda na para bang wala itong napapansin at wala ring pakialam sa paligid.
“May asawa po ba kayo, ‘Nay Enang?” dinig ni Ark na tanong ng magandang babae sa matanda.
“Oo,” sagot ng matanda. “Nangangalakal din siya noon. Doon sa malapit na eskuwelahan sa tinitirhan namin. Pero hindi na ngayon. Wala na siya.”
“Ho? Eh, nasaan na po siya?”
“Patay na siya. Nagkasakit ng nyumonya. Salamat nga pala sa pagpapakain mo sa akin, Ineng. Ngayon lang may taong lumapit sa akin para ako pakainin. Akala ko nga kanina, programa sa TV ang dahilan ng paglapit mo.”
May ilang sandali muna na nakatingin lang dito ang magandang babae bago muling magsalita. “May mga anak po ba kayo, ‘Nay?”
“Dati,” sagot ng matanda na biglang lumamlam ang mga mata. “Dalawa sila. Parehong lalaki.”
“Dati po?”
“Oo. Wala na kasi sila. ‘Yong isa, katorse pa lang nang mapag-tripan ng mga adik. Trenta’y sais na saksak ang ikinamatay niya. ‘Yong bunso ko naman, bente dos anyos na  nang masagasaan ng trak  sa ibabaw ng tulay na tinitirhan namin ngayon.  Naubos sa kanya lahat ng ipon namin. Pero hindi pa rin nasalba ng mga doktor.”
“I’m sorry po, ‘Nay.” Nagbuntong-hininga ang magandang babae. “Kung hindi po ninyo mamasamain, puwede ko po ba kayong ihatid pag-alis natin dito?”
Pinagmasdan ng matanda ang mas batang babae. “Bakit mo ginagawa sa akin ito, Ineng?”
“Gusto ko lang pong gawin.”
“Bakit nga?” Sa palagay ni Ark ay hindi pa rin nawawala ang pagdududa sa matandang babae.
“Kasi po kanina, nang makita ko kayo, naramdaman ko sa sarili ko na gusto ko kayong makasamang mag-merienda.” May lumapit na fast food service crew sa mga ito at ibinigay ang supot na take out. “Para po sana ito inyo ng pamilya ninyo, ‘Nay. Hindi ko po kasi alam na...”
“Kinaaawaan mo ba ako, Ineng, kaya mo ginagawa ito?”
Hindi kaagad nakasagot ang mas batang babae. “Siguro po, kasama na ‘yon sa dahilan ko. Pero mas lamang po doon ‘yong masayang pakiramdam na makatulong at makapagbigay ng konting saya sa inyo.”
“Tatakbo ka ba sa pulitika?”
Tumawa ang mas batang babae. “Malayung-malayo po ‘yan sa isip ko.”
Napangiti na rin ang matanda. “Napakabuti mong tao. Sana gantimpalaan ka ng Diyos sa ginagawa mo.”
Pagak na tumawa ang magadang babae. “Hindi po yata ako makaka-agree sa sinabi ninyo. Kung makikilala lang po ninyo ako at malalaman ninyo ang pagkatao ko, hindi po n’yo sasabihin ‘yan.”
Natigilan ang matandang babae. “Hindi ka naman sangkot sa drugs, Ineng?”
Tumawa na naman ang magandang babae. “Huwag po kayong mag-alala. Hindi po.”
Gustung-gusto na ni Ark na tumayo para lapitan ang magandang babae at makipagkilala rito. Pero pinangungunahan siya ng hiya. Paano kung matakot ito at akalain na stalker siya o may masamang intensiyon dito? Kahit sa kanya mangyari na may taong lalapit para makikipagkilala, baka isipin niyang scammer o member ng Budol-Budol Gang.
Isip siya nang isip kung paano makakapagsimula ng koneksiyon sa magandang babae. Pero wala siyang maisip na sa palagay niya ay mas epektibo at hindi magmumukhang gasgas lang na linya para makaporma sa babae.
Sa huli, nagpasya si Ark na lapitan na lang ang babae at makipagkilala. Pero bago niya magawa ang balak ay tumayo na ang mga ito at lumabas ng pinto.
“Wait!” tawag niya sa magandang babae. Pero hindi siya narinig nito. At sa palagay niya, sa buong duration ng pananatili nito sa kainan ay hindi man lang siya napansin o natapunan ng tingin. Bakit hindi ito katulad ng ibang babae na laging nakaalerto ang radar sa mga lalaking nagpapapansin? Taken na ba ito? Huwag naman po sana, Lord.
Napatakbo na siya palabas para habulin ang mga ito. Pero biglang humarang sa daraanan niya ang sumulpot na dalawa niyang kaibigan na parehong software developer. 
“What’s the rush, dude?” tapik ni Bendi  sa balikat niya. “Maaga pa. Balik ka muna.”
“Promise, hindi kami magpapalibre,” nakangising sabi naman ni Jobert na pinigilan  siya sa kabilang balikat.
Pilit siyang kumawala kina Bendi at Jobert para habulin ang babae. Pero lalo siyang hinarang at pinigilan ng mga ito.
“Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Bendi. “Bakit para kang sinasapian?”
“May hinahabol nga ako. Ano ba kayo?” Asar na asar siya sa dalawa.
“Chick, dude?” nakakalokong tanong ni Jobert.
Nanlaki ang mga mata ni Bendi. “’Di nga, dude. At last, nagkakagusto ka na sa babae?”
Walang nagawa si Ark kungdi tanawin na lang ang pag-alis ng isang modelong BMW convertible sakay ang matanda at ang magandang babae. Nanlulumong napahagod na lang siya sa kulot na buhok. Saan pa niya hahanapin ang magadang babae sa kung ilang milyong tao sa Metro Manila?

http://www.phr.com.ph/

http://www.booklat.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon