4
HINDI PA rin makapaniwala si Ark sa nangyayari. Nananaginip ba siya? Pero dalawang beses na niyang kinukurot ang hita niyang katapat ng nakalaylay niyang mga braso at nasasaktan siya. Totoo ang nangyayari. Naghuhubad sa harapan niya si Nollet!
Nakatutok ang mga mata nito sa mga mata niya. Blangko pero parang galit ang ekspresyon sa mukha ng dalaga. Nagpatuloy lang ito sa ginagawa hanggang sa mahubad na lahat ng damit sa katawan nito.
Kung may ipinagpapasalamat man si Ark ng mga sandaling iyon, iyon ay ang bahagya lang na liwanag sa loob ng silid. Nakatulong iyon para hindi bumaba ang tingin niya mula sa mukha nito. The human instinct - his hot-blooded male instinct for that matter - told him to look. To have his fill of the feast before him. Pero pinipigilan siya ng sensitibong parte ng puso niya. Nollet was hurt, and still hurting. Iyon ang ibinubulong ng puso at isip niya kaya ginagawa iyon ng dalaga.
Kung gagawin niya ang inaasahan nito. Kung pagpipistahan ng kanyang mga mata ang kahubaran nito at sasamantalahin niya ang sitwasyon, may pakiramdam siya na tuluyan na siyang mawawalan ng pagkakataon sa susunod para makalapit man lang dito.
Kinailangan ni Ark na hatakin ang lahat ng kanyang natitirang pagtitimpi. Para hindi abutin si Nollet, yapusin ito at gawin dito ang inaasahang gagawin ng isang normal na lalaking tulad niya. Butil-butil ang gumigitiw na pawis sa lahat na yata ng butas ng balat niya. Makailang ulit siyang lumunok dahil sa panunuyo ng lalamunan. Pilit niyang itinataboy ang images na naglalaro sa utak niya habang magkasama sila ni Nollet sa silid at nilalasap ang kaligayahan sa piling ng isa’t isa.
Pero hindi nakatutulong ang dalaga. Lalo na nang lumapit pa ito at ipulupot sa leeg niya ang mga braso nito.
Sunud-sunod na naman ang paglunok ni Ark. “N-Nollet bak-”
Pinatahimik ni Nollet ang sinasabi niya nang idikit nito ang mga labi sa bibig niya.
Holy cow!KANDAHABA ANG leeg ni Nollet sa pagtanaw sa taong naglalakad patungo sa isang itim na Chevrolet Suburban. Pangatlong buwan pa lang niya sa pinapasukang pharmaceutical company, ang EV Laboratories. At iilang araw pa lang niyang nakikita roon ang presidente ng kompanya.
Laking pasasalamat niya at makapasok doon matapos masunog ang dating kompanya na pinapasukan nila ng bestfriend niyang si Ivony. Mabuti na lang at magkasama rin sila ngayon sa EV Lab. Mahirap talagang humanap ng trabaho sa mga panahon na iyon.
Ayon sa nasagap na balita ni Ivony, apat na buwan daw na namalagi sa U.S. ang boss nilang si Enrique Villagracia. Kaya nitong mga huling araw lang nila napagkikita.
Lampas-kuwarenta na ang edad ng kanilang boss. Pero matikas pa rin ito. Mukha lang itong nasa mid-thirties, walang bulges sa tiyan at tagiliran, maitim ang buhok, straight body kung maglakad, at magilas kung kumilos. Higit sa lahat, napakaguwapo ng half-Puerto Rican nilang boss. Hindi nalalayo ang mukha nito sa veteran actor na si Ian Veneracion. Kaya nga unang sight pa lang ni Nollet sa lalaki ay nanginig at kinilig agad ang puso niya. Lihim nga lang. Dahil alam niya na may asawa ito.
Kung sabagay, crush si Sir Enrique ng lahat ng babae sa kanilang kompanya. Hindi na iyon nakapagtataka. Ang nakakatuwa para kay Nollet, parang hindi alam ng boss nila na number one heartthrob ito roon.
“Ay, hot fafa!” bulalas niya nang may biglang sumundot sa tagiliran niya.
Tawa nang tawa ang salarin – si Ivony na sumunod pala sa kanya sa parte ng building na tanaw ang parking area. “Malala na talaga ang love virus na tumama sa iyo. Tsk! Kung alam lang ni Sir Enrique kung gaano kalala, malamang palitan niya agad ang diniborsiyo niyang asawa.”
Lumuwa ang mga mata niya sa sinabi ng kaibigan. “Divorced si Sir Enrique?”
“Yon ang narinig kong usap-usapan ng mga taga-Admin. Kaya daw nagtagal sa U.S. si Sir Enrique dahil nakipagdiborsiyo sa asawa. Grabe daw kasi sa pagiging nagger ang ex-wife ni Sir. Opps! Oras pa ng trabaho nagtsitsismisan tayo rito. Bumalik na tayo sa loob.”
“Pero Ivy, sigurado ka ba talaga na divorced na si Sir Enrique?” pangungulit niya.
“Eh, ‘yon nga ang narinig ko. Malay ko kung totoo. Bukas may departmental meeting daw tayo sa kanya. Tingnan mo ang kamay kung may wedding ring pa. ‘Pag wala na, ibig sabihin no’n totoo nga ang tsismis.”
Nabawasan na ang guilt na nararamdaman ni Nollet. Wala na palang asawa ang lalaking pinapantasya niya.
“Talagang crush mo siya, ano?”
“Hindi ba obvious?”
“Paano na sina Ardy at Xaniel?”
“Anong paano sila? Hindi ko naman sila boyfriends. Lumalabas kami, oo. Pero hanggang doon lang ‘yon. Saka lately, bihira na magpakita si Xaniel.”
“So, si Ardy na lang?”
“Masarap siyang kausap pero ramdam na siguro niya na hindi na lalalim pa sa friendship ang relasyon namin. Ang tiyaga lang kasi ng isang ‘yon.”
“Naku friend, na-fall out of love ka na kay Ardy.”
Tinawanan lang niya si Ivony. “Paano mangyayari ‘yon kung hindi naman ako na-in love sa kanya?”
“Kawawa naman pala si Ardy. Ardy loves Nollet but Nollet loves Sir Enrique.”
“Tse!” tatawa-tawang irap niya sa mapambuskang kaibigan. Pero habang papasok sila sa loob, iniisip niya kung bakit ganoon ka-intense ang nararamdaman niyang pagka-crush kay Sir Enrique.
Kinabukasan, nang mag-meeting sa departamento nila ang kanilang boss ay hindi maialis ni Nollet ang tingin dito. Bahagya na lang niyang naiintindihan ang sinasabi ni Sir Enrique. Tutok na tutok ang mga mata niya sa lalaki habang nagsasalita ito.
“Na-overdose ka na sa pagsilay kay Sir Enrique, oy,” tukso sa kanya ni Ivony nang pabalik na sila sa kanilang workstation. “Bet ko, kasya na sa isang linggo ang silay mo sa kanya.”
“Huu, ganyan ka rin dati kay Prince, eh.”
“Kaya nga po alam na alam ko ang nangyayari sa iyo ngayon.”
“Nollet!”
Sabay silang napalingon ni Ivony pagkarinig sa tumawag sa kanya. Hindi siya makapaniwala. Si Sir Enrique ang tumatawag sa kanya!
Kusang humakbang palapit sa lalaki ang mga paa niya. Sa dami ng mga empleyado roon, hindi niya inaasahan na kilala siya ng kanilang big boss. Namamangha siya sa kaguwapuhan nito habang nakatingin at nakangiti sa kanya. Namamangha rin siya kung bakit siya tinatawag nito. “Y-yes po, Sir?”
“Iyan na ba ang sagot mo sa akin?” Mas lumapad pa ang pagkakangiti nito. “I-invite sana kita na samahan akong mag-coffee break.”
Gosh! Nangyayari ba talaga ‘to?
“Nollet? I’m waiting for confirmation.”
“Yes, Sir Enrique. It’s a yes,” aniyang walang pag-aalinlangan.
BINABASA MO ANG
ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)
RomanceFirst sight pa lang ni Ark kay Nollet, convinced na siya na ito ang kanyang "The One." Kaso lang, convinced din si Nollet na six feet under the ground na ang puso niya. Lalo na sa isang makulit na manliligaw na nagpapanggap na superhero. Hanggang is...