Mr. Kulit Vs. Miss Bato

7.2K 157 4
                                    

5

KAPANSIN-PANSIN ang pamamayat ni Ardy. Iyon ang unang rumehistro kay Ark nang samahan niya ang kanyang Tito Danny na salubungin sa airport ang anak nito.  Ayon sa tiyuhin, nagdisisyon daw si Ardy na sa Pilipinas na lang manirahan at tuluyan nang kalimutan ang buhay sa Amerika.
“Balita ko busy ka daw sa pagpapayaman, ah,” biro sa kanya ni Ardy. Mukha namang maayos na ito pagkatapos ng pakikipagdiborsiyo sa ex-wife. Buhay na buhay pa rin ang mga mata ng pinsan niya. Samantalang noong huli silang magkausap ay parang nawalan na ito ng pag-asa sa buhay, partikular sa pag-ibig. “Mukhang sa iyo yata ako dapat magpatulong kung paano ulit magsisimula dito sa ‘Pinas.”
“Ah,  ang totoo si Tito ‘Nong talaga ang makakatulong sa ‘yo pagdating d’yan.”
“You’ll be an asset to the firm, son.”
“Pero Dad, gusto ko din namang magnegosyo tulad nitong pinsan ko.”
Nagpatuloy ang kuwentuhan nila hanggang tanghalian. Sa palagay ni Ark, ang tiyuhin pa rin ang masusunod sa bandang huli.
Ang hindi niya inaasahan ay ang sinabi ni Ardy bago siya umuwi. “Puwede mo ba akong samahan na dalawin ‘yong dati kong nililigawan? Three years din mula nang mawalan kami ng communication. Gusto ko sana kapag nagkita kami ulit, ma-establish ulit ang friendship. Hindi ko alam kung ano ang dating sa kanya no’ng basta na lang ako hindi nagpakita noon. Baka magkailangan kami kung wala akong kasama sa pagdalaw.”
Mukhang naka-move on na kaagad ang pinsan niya. At masaya siya para dito. “Sure. Anytime. Sabihin mo lang sa akin kung kailan.”
Pagkalipas ng tatlong araw ay niyaya nga siya ni Ardy na dalawin ang dati nitong nililigawan.  Laking gulat niya nang huminto ang kanilang sinasakyan sa tapat ng bahay ni Nollet. “Tell me, Ardy. Si Nollet ba ang babaeng sinasabi mo?”
Nagulat dito ito. “Kilala mo si Nollet?”
Kung puwede lang dagukan ang sarili, ginawa na sana ni Ark. Sa loob ng tatlong araw mula nang dumating si Ardy, hindi man lang niya naisip na itanong ang pangalan ng babaeng dating niligawan nito. “Y-yeah. Nakilala ko siya sa office ng daddy mo.”
“Tingnan mo nga naman. But that’s good. Mas matutulungan mo ako na hindi maging awkward ang pagkikita namin uli.”
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Oo nga at napalagay ang loob ni Ardy na hindi magkakaroon ng ilangan ang muling pagkikita nito at ni Nollet, pero siya naman ang hindi mapapalagay. Siya ang masasalang sa awkward na sitwasyon. Lalo pa nga at mag-iisang linggo na siyang hindi nagpapakita kay Nollet mula nang huli silang mag-usap. Hindi kasi niya alam kung paano iha-handle ang ipinagtapat sa kanya ng dalaga.
“Naging babae niya ako.”
Gagawin niya ang lahat makalayo lang sa lugar na iyon. Ngunit huli na ang lahat. Bumukas ang gate ng bahay ni Nollet at ito mismo ang bumungad doon.
Nagulat man ang dalaga na biglang makita roon si Ardy, sa palagay ni Ark ay mas nagulat ito nang makita siyang kasama ng kanyang pinsan. Pagkatapos ng mga priliminaries ay hindi na niya magawang magsalita. Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Mabuti na lang at hindi nauubusan ng kuwento si Ardy.
“Wala naman talaga akong balak magpunta ng States noon. Kaya lang, hindi mo kasi ako sinagot. Tapos tingin ko pa mas gusto mo si Xaniel kaysa sa akin. Kaya sa sama ng loob ko, nagpunta na lang ako sa States at nag-asawa ng puti. Akala ko kasi makakalimutan kita kapag nandoon na ako. Hindi pala. Kaya naging failure ang pagpapakasal ko. I guess, I was still longing for you kahit iba na ang kasama ko. Pero Nollet, nililinaw ko lang, ilang buwan na akong divorced sa naging asawa ko.”
“Marami nang nangyari sa loob ng tatlong taon mula nang huli tayong magkita, Ardy,” malungkot na sabi ni Nollet na nagbaba ng tingin.
Nang muling mag-angat ito ng mga mata, sandaling kay Ark tumutok ang mga mata nito. Resignation ang nakita niya roon. At parang may pumitik sa dibdib niya.
“Nagkaroon din ako ng... ng karelasyon. Minahal ko siya nang sobra-sobra. At dahil sa kanya, alam kong h-hindi ko na magagawa na magmahal pa uli.”
“Huwag mong sabihin ‘yan,” tutol ni Ardy. “Makakalimutan mo rin siya. Magmamahal ka pa ulit. Nandito pa ako, o.”
Nagtawanan silang tatlo. Pero ang tawa niya at ni Nollet, hubad sa saya.
Nasundan pa ang pagdalaw ni Ardy kay Nollet. Pero hindi na siya nito isinama. Medyo na-insecure siya sa pinsan. Mabuti pa ito, pinapayagan ni Nollet na dumalaw. Samantalang siya pirmi na lang na ipinagtatabuyan kahit noong umpisa pa lang. 
“I’m sorry, Ark. Hindi ko alam na ang dating nililigawan ni Ardy at ang babaeng napupusuan mo ay iisa,” sabi ng Tito Danny niya nang magkita sila.
Nagkibit lang siya ng balikat. “That happens, Tito ‘Nong. Kahit naman manligaw o hindi si Ardy kay Nollet, basted pa rin po ako.”
“At basted na rin si Ardy. Masamang-masama ang loob nang umuwi kagabi. Sinabihan daw siya ni Nollet na tigilan na ang pagdalaw sa bahay dahil tulad noon, wala pa ding aasahan si Ardy. Sinamahan ko na nga lang na uminom kaysa lumabas pa ng bahay.”
Hindi man dapat – nalulungkot siya para sa pinsan – pero nakasilip si Ark ng kaunting pag-asa. Kung tinanggihan na ni Nollet si Ardy, hindi naman siguro masama na siya naman ang sumubok na mapaibig ang dalaga. Ang dapat lang niyang ipag-alala ay kapag nalaman ni Ardy na manliligaw din siya ni Nollet. Baka magalit ito sa kanya.
Sa puntong iyon, bigla niyang naalala ang sinabi sa kanya ni Nanay Enang. Alam mo ba kung ano ang susi para makuha mo ang gusto mo...? Dasal at tiyaga...

ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon