7
“H-HINDI NAMAN po ako tatakas, Sir.” Napapiyok na si Nollet sa puntong iyon habang nakatingala sa patrol police, na lalong humigpit ang hawak sa braso niya at pinipilit na pababain siya. Hindi niya mapigil ang pagtulo ng luha. “K-kaya nga po n-nakikiusap ako na mag-convoy-” namatay sa bibig ang iba pang sasabihin niya nang biglang may SUV na huminto sa unahan ng kanyang kotse.
Lalong kinabahan si Nollet. Baka kasabwat ng pulis ang sakay ng SUV. Pero nakahinga siya nang makilala ang lalaking bumaba ng sasakyan – si Ark.
Nagbigay-galang ito sa pulis. “Ako po si Ark Montecillo. May problema po ba sa girlfriend ko?”
Napasinghap si Nollet. Pero napansin niya na parang biglang nabahala ang pulis. Binitiwan siya nito. Si Ark naman ay nakangiti na. Hmp! Feel na feel ng isang ito na sabihing girlfriend niya ako. Handa na siyang isaboses ang pagtutol nang makarinig siya ng sirena ng pulis.
“Hot car itong dala ng girlfriend mo, bata. Fake ang rehistro ng kotse niya. Puwede siyang makasuhan ng carnapping at makulong ng-”
Tumigil ang isang police mobile sa mismong tapat ng kotse niya. Dalawang pulis ang agad na bumaba mula roon. Ang patrol police ang kinausap ng mga ito sa halip na siya. Nagulat siya na pinosasan ng mga ito ang patrol police at kaagad na binasahan ng Miranda rights. Maagap naman na inagaw ni Ark ang hawak na papeles ng patrol police at ibinalik sa kanya. Nakaawang ang mga labi ni Nollet. Naguguluhan at namamangha siya sa bilis ng mga pangyayari.
“Kayo po ba ang tumawag sa hot line 8888 namin?” tanong kay Ark ng isa sa mga pulis.
“Opo, Sir. Mukhang masama ang balak ng pulis na ‘yan sa girlfriend ko.”
Kinuha ng mga ito ang kanilang mga pangalan matapos ang maiksing interview sa kanya. “Sumunod na lang po kayo sa presinto, Sir, Ma’am. Para po makapagharap kayo ng formal complaint laban sa taong ito.” Isa pang police ang sumakay sa motor ng patrol police at nauna pang pausarin iyon palayo. Sumunod naman dito ang police mobile.
Awang pa rin ang mga labi ni Nollet habang nakasunod ng tingin sa papalayong police car. Nauntag lang siya nang maramdaman na pinisil ni Ark ang balikat niya. “I can still feel your fear. May iba pa bang ginawa sa iyo ang gagong ‘yon?”
“Wala na.” Niyakap niya ang sarili. Nabawasan na ang panginginig niya pero dama pa rin niya ang takot na pinagdaanan. “Mabuti na lang hindi ko siya sinunod no’ng sabihin niya sa akin na bumaba ako nitong kotse.”
Umikot ito at kinatok ang bintana ng passenger door. “Let me in.”
Pinagbuksan niya ito. Malaki ang pasasalamat niya na naroon si Ark. Na dumating ito sa puntong takot na takot siya. Pagkasara ng pinto ay kinuha siya nito at niyakap. Hindi maluwag, hindi rin napakahigpit. Sapat lang para unti-unting kumalma ang pakiramdam niya.
“I’m glad you called me and not somebody else.”
“Ang totoo nga n’yan, hindi ko alam kung kaninong number ang na-tap ko.” Naramdaman niya ang marahang paghagod nito sa ulo niya. Hinayaan niyang umunan ang kanyang ulo sa dibdib nito. Kahit sa pagkakataon lang na iyon ay pagbibigyan niya ang sarili sa masarap na pakiramdam. Sa pakiramdam na iniligtas siya sa panganib ng kanyang tagapagligtas. Na may kakampi siya at may makikinig sa mga sumbong niya. “Nataranta kasi ako. At hindi ko puwedeng ipakita doon sa pulis na may kausap ako sa phone.”
“Just the same, buti na lang at ako ‘yon.”
“Salamat... Maraming salamat sa tulong mo. Kung hindi sa ginawa mo baka kung ano na’ng nagyari sa akin.”
“Kung may nangyaring masama sa iyo, baka kung ano na rin ang nangyari sa akin. Baka makapatay ako ng tao.” Humigpit ang yakap nito.
Saka lang naisip ni Nollet na nagpapayakap siya sa tao na laging lumalapit sa kanya pero pirmi niyang itinataboy. Kumukuha siya ng lakas at comfort sa lalaking pilit niyang pinalalayo sa kanyang buhay. At sa nangyari ngayon, dapat siyang mahiya rito. Taboy siya nang taboy pero dito rin pala siya hihingi ng tulong sa panahon na ginigipit siya ng pagkakataon. Kumilos siya para kumalas sa pagkakayakap ni Ark. Kahit ayaw pa sana niya. Hindi siya puwedeng mawili sa ganitong eksena. Mabuti na lang at binitiwan siya ni Ark.
“Ako na lang ang magda-drive. Pagkatapos ng nangyari, hindi ka dapat magmaneho pa ng sasakyan. Kailangan mong magpahinga.”
“No. Kaya ko na ang sarili ko.” At kung nagkataon na hindi pa niya kaya ang sarili, hindi rin siya papayag na ipagmaneho nito. “Mas lalong hindi natin puwedeng iwan ang kotse mo rito. Ayos lang kung ma-tow ng MMDA. Pero paano kung ma-carnap? Kaya bumalik ka na sa kotse mo. Susundan na lang kita. Malapit lang naman ang police station dito.”
Hindi kumilos si Ark. “We can still stay here. Sasamahan kita. Hanggang sa mawala ang takot mo. Hindi naman natin kailangang magmadali.”
“Mas mabilis tayong makaalis sa lugar na ito mas mabuti. Gusto ko na talagang makaalis dito.” Ilan pang pagdidiskusyon ang lumipas bago niya napapayag si Ark na bumaba. Pero hindi ito pumayag na siya ang susunod sa SUV nito. Nag-convoy sila hanggang sa presinto pero siya ang pinauna nito habang nakasunod ang sasakyan nito sa likuran ng kotse niya.
BINABASA MO ANG
ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)
RomantikFirst sight pa lang ni Ark kay Nollet, convinced na siya na ito ang kanyang "The One." Kaso lang, convinced din si Nollet na six feet under the ground na ang puso niya. Lalo na sa isang makulit na manliligaw na nagpapanggap na superhero. Hanggang is...