3
“AYOKONG MA-TRACE ni Monina na tumatanggap ako sa iyo ng pera.”
Iniliyad pa ni Ark ang sarili para mas marinig pa ang pag-uusap nina Nollet at ng isang babae na marahil ay mas matanda rito. Nakatalikod siya sa dalawa pero malapit ang sofa na unuupuan niya sa inuupuan ng mga ito. Naroon siya sa Shangri-La Plaza. Gaya ng ginagawa niya nitong mga huling araw, sinundan na naman niya si Nollet.
“Pero Rida, mas magiging convenient sa inyo ng anak mo kung mag-o-open ka ng account. Kahit ATM account,” dinig niya na sagot ni Nollet. “Para dedeposituhan ko na lang ‘yon ng pera kada buwan. Mas less ang chance na malaman ni Monina na nagkikita tayo at tumatanggap ka sa akin ng pera.”
“Hindi,” pagtutol ng babae. “Mas gusto ko na ang ganito. Aabutan mo na lang ako ng cash para sa pangangailangan namin ni EJ. Makita man ni Monina na magkasama tayo, hindi niya iisipin na kumukuha ako sa iyo ng sustento. Kung susundin ko ang sinasabi mo, puwede niyang ma-trace ang account ko. Alam mo naman ang isang ‘yon, maraming koneksiyon. Ayoko nang maulit ang panggugulo niya sa akin noon. Ayoko na ng magulong buhay. Tutal naman patay na si Enrique. Pare-pareho na lang sana tayong manahimik.”
Kuha na ni Ark. At natuwa siya sa narinig. Hindi pala si Nollet ang karelasyon ng lalaking nakalibing sa musoleo kungdi ang kausap nitong babae.
“Pero paano na si EJ? May karapatan din-”
“Alam ko,” agaw ng babae sa sinasabi ni Nollet. “Pero hindi sa ngayon. Hindi pa. Pero maraming salamat sa mga tulong mo. Kahit hindi mo katungkulan na tulungan kami ng anak ko, tinutulungan mo kami.”
“Dapat lang naman na tulungan ko kayo. Kung nabuksan lang noon ang isip ni Enrique tungkol kay EJ, sana higit pa dito ang natatanggap ninyong mag-ina.”
“Kasalanan ko rin naman kasi. Pasalamat na lang ako na malawak ang pag-iisip mo tungkol sa mga nangyari. ” May pait sa tinig ng babae. “Anyway, maraming salamat ulit dito. Ite-text na lang kita ulit kung saan tayo magkikita sa susunod.”
Hindi makakilos si Ark sa kinauupuan nang maramdaman niya na tumayo na mula sa sofa ang dalawang babae. Kahit na kaya niyang lusutan kay Nollet sakaling makita nito na naroon siya at nakikinig sa mga ito, nag-aalala pa rin siya. Ayaw na niyang madagdagan ang ikaka-bad trip ng babae sa kanya.
Nakahinga siya nang lumakad nang palayo ang mga ito palabas ng mall.
Tumayo na rin si Ark para muling sundan si Nollet. Habang nagtatagal, lalo siyang nagiging interesado sa babae.
Inayos niya ang suot na shades habang papalabas ng hotel patungo sa kinapaparadahan ng kanyang kotse. May pagmamadali pero maingat ang kilos niya. Ayaw niyang maramdaman ni Nollet na sinusundan niya ito. Hindi niya inihihiwalay ang tingin sa black BMW convertible na sinasakyan ni Nollet. Ngunit bago pa man sila makalabas ng parking area ay binilisan ng babae ang pagpapatakbo. At pagkatapos ay ibinalagbag nito ang kotse sa daraanan niya.
Maagap na nakapagpreno si Ark bago pa niya mabangga ang nakaharang na sasakyan. Naihilamos niya ang palad sa mukha. Hindi niya alam kung paano lulusutan ang sitwasyong ito. May mga pagkakataon talaga na nabubulaga ang isang tao ng mga pangyayari na hindi nito alam kung paano pakikitunguhan. At kahit gaano pa kahirap ang nasuotang sitwasyon, hindi niya magagawang atrasan. Kaya walang ibang dapat gawin kungdi ang bumaba at kausapin si Nollet.
“Hanggang kailan mo ba talaga ako pepestehin?!” galit na bungad ng babae pag-ahon nito sa sasakyan. “Baka akala mo hindi ko alam ang ginagawa mong pagsunud-sunod sa akin? Kahit saan ako magpunta, sa memorial park, sa supermarket, sa simbahan, pati dito sa mall nakasunod ka. Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha?”
“Alam mo na ‘yon,” kalmado lang na sagot niya. Naninimbang din siya dahil alam niyang galit na talaga si Nollet. Namumula ang mukha nito hindi lang dahil sa makeup kungdi dahil mukhang fed up na ito. “Gusto ko lang talaga na maging kaibigan mo. Gusto ko na makapasok sa buhay mo.”
“Ang kulit mo rin talaga, ano? Sinabi ko na ngang ayokong makipagkaibigan sa iyo, nagpipilit ka pa rin.”
“Huwag mo naman kasi akong pagsarhan. Mabuti naman ang intensiyon ko. Alam kong makulit ako. Pero gano’n talaga ako. Hindi basta sumusuko. Ipinaglalaban ang karapatan. Maayos naman akong nakikiusap sa iyo. Hindi ba puwedeng pagbigyan mo ako? Kahit trial lang. Ikaw ang magbigay ng time kung ilang months mo akong papayagan na maging kaibigan mo muna.”
Nawala nga ang busangot na mukha ni Nollet pero pumalit naman ang tawang mapakla. “Muna. Sinasabi na nga ba doon din mauuwi ‘yon eh. So may ulterior motive ka nga kaya ka nakikipagkaibigan sa akin?”
Nahagod niya ang batok. “Ang masasabi ko lang, marunong naman akong tumanggap ng pagkatalo. Pero wala akong balak sumuko habang hindi pa ako natatalo. Hindi ako aayaw. Magpapatuloy pa rin akong kulit-kulitin ka, Nollet. Because I know I have something good to offer. At hanggang hindi mo napapatunayan na mabuti ang iniaalok ko, asahan mo na lagi pa rin akong magpapakita sa iyo.”
Umiling-iling lang ito kasabay ng isa uling tawang mapakla. Pagkatapos ay sumakay na ito sa kotse at humarurot palabas ng parking area.
Naiwan si Ark na nakatunganga sa papalayong sasakyan.
BINABASA MO ANG
ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)
RomanceFirst sight pa lang ni Ark kay Nollet, convinced na siya na ito ang kanyang "The One." Kaso lang, convinced din si Nollet na six feet under the ground na ang puso niya. Lalo na sa isang makulit na manliligaw na nagpapanggap na superhero. Hanggang is...