Forget The Woman

9.9K 210 0
                                    

1

“KUMUSTA NAMAN daw po si Ardy, Tito ‘Nong? Uuwi po ba siya kaagad dito? Puwede naman siyang mag-work na lang sa firm ninyo, di po ba?” Inilipat ni Ark ang hawak na cordless phone sa kabilang tainga at iniligpit ang folder na dinala roon ng department secretary. Hapon na noon. Tapos na ang working hours pero hindi pa siya nakakaalis ng opisina. Kausap niya sa telepono ang tiyuhing si Atty. Danilo Ponce, pinsang buo ng mommy niya at ninong din niya. Ibinalita ng tiyuhin na divorced na sa asawang Amerikana ang panganay na anak nito.
“Hindi ko pa alam kung ano na ang plano ngayon ng pinsan mo.” Sa LA na nakabase si Ardy mula nang maging girlfriend na si Lois. Dalawang taon na roon ang pinsan niya dahil nagsama muna ito at ang Amerikanang si Lois bago nagpakasal. “Ang alam ko lang, kailangan niya ng moral support namin ng mommy niya. Sana Ark, matulungan mo rin ang pinsan mo. Sana makapag-email ka man lang sa kanya. Or if it’s not too much to ask, sana tawagan mo siya nang madalas. Or communicate with him through Internet or whatever it is you call it these days.”
“Okay po, Tito ‘Nong. I’ll chat with him when he’s on line. ‘Try kong tawagan siya mamaya.”
Dinig ni Ark ang pagbubuntong-hininga ng tiyuhin sa kabilang linya. “Hindi ko alam kung bakit napakamalas sa pag-ibig ng pinsan mong ‘yan. ‘Yong babaeng talagang nagustuhan niya noon at matagal na niligawan, binasted naman siya. Ang akala ko nga naka-settle na siya kay Lois. Natutuwa na sana kami ng asawa ko. Pero ‘eto, wala pang isang taon silang nakakasal, naghiwalay na.”
Natatandaan ni Ark ang pangyayaring iyon. Matagal na niligawan ni Ardy ang babaeng sinasabi ng tiyuhin niya. Pero hindi rin napasagot.
Guwapo naman sana ang pinsan niya. Sa pagkakaalam niya, noong lumalaki pa lang sila, maraming babae ang nagkakagusto rito. May pagkapihikan nga lang si Ardy. At nang magmahal na ng babae, minalas naman na hindi nito naging girlfriend.
“Parang kapareho ka rin ng pinsan mo,” komento ng tiyuhin. “Pihikan sa babae. Sabi ng mama mo sa akin, matagal ka na raw walang girlfriend pero maraming chicks.”
Natawa siya. Nakitawa na rin ang tiyuhin. Pero alam ni Ark na nag-aalala ito nang husto kay Ardy. Walang kamag-anak ang mga ito sa LA. Knowing his cousin, malamang na nilulunod na nito ngayon ang sarili sa alak.
Bago matapos ang araw na iyon ay tinawagan niya si Ardy. Kinumpirma nito ang ibinalita ng tiyuhin. Ayos lang daw ito. Kaya raw nito ang sarili. Hindi pa raw nito alam kung ano ang magiging final decision. Pinag-iisipan pa raw nito ang mga options.
Pagkatapos nilang mag-usap, napansin ni Ark na may nagbago sa kanyang pinsan. Hindi lang ang lungkot nito ang naramdaman niya. Pakiramdam niya, nawalan na ng pag-asa sa buhay si Ardy. Dahil nang mag-usisa siya, ang isinagot lang ay nawalan na raw ito ng faith sa love relationship. Sa palagay raw nito ay ninety percent ng boy-girl relationship ay nauuwi sa hiwalayan. Kaya bakit pa raw ito susubok kung sa dulo ay mauuwi rin sa wala.

SAMPUNG ARAW matapos na makausap ni Ark ang Ninong Danny niya, isang hapon ay nakiusap ito na daanan niya sa opisina. May biglaan daw na lakad ang bunsong anak ng tiyuhin at hiniram ang gamit nitong SUV pati na ang driver.
Pinagkape pa siya ng sekretarya nito habang hinihintay niya na matapos ang huling meeting ng tiyuhin. Pagbukas ng pinto ng conference room, nang makita ang isa sa mga taong lumabas doon ay muntik na niyang maibuga ang iniinom na kape. Dahil hinding-hindi niya makakalimutan ang mukha ng babaeng isa sa mga ka-meeting ng Ninong Danny niya –  ang babae na lagi niyang naiisip at madalas dumalaw sa panaginip niya, mula pa noong unang makita niya sa labas ng fastfood restaurant may ilang buwan na ang nakakalipas.
Wala sa sariling naibaba ni Ark sa coffee table ang tasa ng iniinom na kape. Dati na niyang napalampas ang pagkakataon na makilala ang babae. Hindi na iyon mangyayari ngayon. 
Nilapitan niya ang babae. His eyes fixed on her unwaveringly. Ni hindi niya magawang kumurap sa takot na bigla na lang itong maglaho sa paningin niya. “Hi, I’m Arkhiel Montecillo. But friends call me Ark. Nakita na kita dati. A few months ago. Sa labas ng Hypermart. At pagkatapos, nagkatabi pa tayo ng table sa Sam’s ng kasama mong matanda,” pakilala niya, todo-ngiti na parang wala nang bukas. “May I know your name, please?” Malakas ang loob niya dahil kung mapapahiya siya, tiyak na backup niya ang tiyuhin. Ito ang mag-aayos ng awkward na sitwasyon kung sakali.
Nakatunganga lang kay Ark ang babae sa halip na abutin ang kamay na iniaabot niya. Parang hindi nito naiintindihan ang kanyang sinasabi. Hindi niya ito masisisi. Under normal circumstances, walang lalaki na basta na lang lalapit para magpapakilala ng sarili sa isang babae. Afterall, wala naman sila sa isang party o sa isang social gathering. At hindi rin niya gagawin ang ganoon. Liban lang sa pagkakataong iyon. Alam niya na sa ginawa, nagmukha siyang over eager na makilala ang babae. But a chance is a chance. And at that very minute, there is no way he would pass up on this one.  
Noon tumikhim ang kanyang napapangiting tiyuhin.  “Ahm, Miss Avila, pasensiya ka na rito sa pamangkin ko. Siguro labis lang na nagandahan sa iyo.”
Nagtawanan ang dalawa pang kasama ng mga ito, isang babaeng nakasalamin at isang may edad na lalaki. Ang magandang babae naman ay parang hindi pa rin malaman kung mapapangiti o mapapangiwi. Parang biglang naglaho ang self-confidence nito. Malayung-malayo ang ekspresyon ng mukha nito ngayon sa nakita niyang sigla at confidence nito noon.
“Ark, this is Miss Nollet Avila, client ng firm. Miss Avila, si Ark. Huwag kang mag-alala, he’s clean. He’s not into drugs. That, I can vouch.” Nagtawanan uli ang grupo.
Noon lang unti-unting nakadama ng hiya si Ark. Noon lang niya naisip na may iba pa silang kasama. Naihagod na lang niya sa batok ang kamay na hindi pa rin inabot ng babae.
“Napahanga lang agad siguro sa iyo itong pamangkin ko.”
Tipid na ngiti ang iginanti sa kanya ng babae. “Hi,” simpleng sagot lang nito bago muling bumaling sa tiyuhin niya. “Attorney, tutuloy na po kami.” Nagpasalamat ito sa Tito Danny niya, tinanguan siya at lumakad na palabas ng opisina.
Nag-panic si Ark. Hindi maaaring basta na lang makalayo ang babaeng ilang buwan din niyang inasam na makita uli. Hindi dapat mawala ulit ang kanyang ‘The One.’ Humakbang siya para sumunod pero pinigilan siya ng Tito Danny niya.
“Ark, kung talagang interesado ka kay Miss Avila, ako na lang ang magse-setup ng next meeting ninyo. You might ruin your chance if you’ll push yourself to her now,” nakangising sabi ng tiyuhin.
Napangiti at napahagod uli sa batok si Ark. “Tinamaan ako, Tito ‘Nong.”
“Halata nga. Pero, son, kung ako sa iyo kakalimutan ko na lang siya.”
“Ho?” Tutol ang bawat kaliit-liitang parte ng brain cells niya sa sinabi ng tiyuhin. “Bakit naman po?”
Nagbuntong-hininga ito at ipinamulsa ang mga kamay. “Alam mong hindi ko puwedeng sabihin. Lalabag ako sa ethics ng lawyer-client relationship. Pero para sa ikabubuti mo, Ark, kalimutan mo na lang siya.”

ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon