A Second Chance

6K 129 3
                                    

CHAPTER 8

NAKADAMA NG takot si Nollet sa sinabi ni Ark. Hindi niya maaaring itanggi ang posibilidad na sinasabi ng binata. Paano nga kung hindi talaga ito inosente sa naging kaso at hawak pala ito ng supplier ng droga? “Hindi ko puwedeng iparamdam kay Mang Celso na pinagdududahan ko siya.”
“Tama ka,” sagot naman ni Ark. “Pero dapat mo ding pag-ingatan ang sarili mo, ang mga tauhan mo sa shop pati tenants mo.”
Hindi masalungat ni Nollet ang mga sinabi ng binata. Dapat niyang kilalanin na may katwiran din ito. Pero mas malakas ang udyok sa kanya na tulungan nang lubos ang ex-convict alang-alang man lang kay Nanay Enang na itinuring na niyang pangalawang ina. Besides, she was convinced of tha fact that everybody deserves a second chance.

ISANG HAPON, bago lumubog ang araw, naisipan ni Nollet na dalhan ng groceries ang mag-asawang Celso at Enang sa apartment. Kasama niya noon si Angie. Gusto raw nitong pumili mula sa mga bag na tinahi ni Mang Celso.
Malapit na sila sa apartment nang makita niya ang paglabas sa unit ng isang lalaki na marahil kasing edad lang ni Mang Celso. Maayos ang bihis nito pati ang pangangatawan. Binagalan niya ang pagpapatakbo ng kotse nang makita niyang tumawid ang lalaki sa kabilang panig ng kalsada. Sumakay ito sa isang itim na SUV.
“Aba, mukhang yayamanin ang bisita nina Nanay Enang, ah,” sabi ni Angie na nakatingin din pala sa tinitingnan niya.
Hinintay muna niyang makalayo ang SUV bago pausarin ang kotse. Binanggit niya ang lalaking nanggaling doon nang makaharap na niya si Mang Celso.
“Ah, kumpare ko ‘yon,” sagot ng lalaki. “Siya ang unang nagpatuloy sa akin pagkagaling ko sa ‘loob’. Siya din ang hiningan ko ng tulong para mahanap ko si Enang.”
“Bigatin po pala ang kumpare ninyo, Mang Celso,” sabad ni Angie na nagsimula nang pumili mula sa mga shoulder bags na natahi na ng lalaki. “SUV ang wheels.”
“Masikap kasi ang kumpare kong iyon. Saka mabait at matulungin. Parang itong si Nollet din.”
Sa kabila ng mga sinabi ni Mang Celso, hindi maintindihan ni Nollet kung bakit hindi siya mapalagay. “Ano po ba’ng trabaho ng kumpare ninyo?”
“Buy and sell.”
“Ng mga sasakyan po ba?”
“Ng kung ano-ano. Mula sa mga bote’t diyaryo hanggang sa mga appliances.”
Naagaw ang pansin niya nang magsalita si Angie.
“Ito ang bibilhin ko, Ate Nollet,” anito sa hawak na bag. Hanggang sa makaalis sila ni Angie sa apartment ay ayaw pa ring mawala ang kutob niya. Paano kung ang kumpare na iyon ni Mang Celso ang supplier ng droga na dating itinutulak nito?

“AALIS KA?” Hindi maitago ni Nollet ang pangamba sa tono niya nang sabihin ni Ark na may isang linggo itong mawawala. “Saan ka pupunta? Out-of-town ba? Sa abroad?” Kanina lang ay kausap niya si Ivony sa telepono. Nagpapaalam din ang kaibigan niya. Magbabakasyon muna raw ito sa Bataan hanggang sa makapanganak ito. Maselan ang pagbubuntis ng kaibigan niya kaya pinayagan na ng asawa na magbakasyon muna sa poder ng adoptive mother nito. Nalungkot si Nollet na wala na siyang mabibisitang kaibigan kapag kailangan niya ng ngiti at encouragement nito. Baka abutin ng tatlong buwan o higit pa ang pananatili ni Ivony sa probinsiya. Nangako naman ito na madalas siyang ibi-video call para daw makita niya ang progress nito.
Ngumiti si Ark. Bahagya lang pero halatang natuwa ito nang husto. “Sa Bali. Dapat sana magtatalon ako sa tuwa sa reaction mo na ‘yan. Pero alam ko naman, hindi mo ako mami-miss kahit umalis ako. Ganyan ka lang kasi may kinatatakutan ka at kailangan mo ng bodyguard o ng tao na magpoprotekta sa iyo kapag may panganib.” Nagkibit-balikat pa ito. “Okay na rin. Na makita mo ako bilang protector mo. Kahit ayaw mo pa rin sa akin. At least you need me for something.”
Bumuka ang bibig niya para salungatin ang sinasabi nito. Dahil hindi na yata totoo na ayaw pa rin niya dito. Oo nga at unti-unti, namalayan na lang niya na nagiging dependent na siya kay Ark para siya ingatan. Isang protector na nga ang tingin niya rito. Pero kasabay noon ay may iba pa siyang nararamdaman. Parang ayaw na niyang mawala ito sa paningin niya. Higit sa pangangailangan niya kay Ark ay mas ibig niya na siya ang maging pangangailangan para dito. “P-pero...”
“Don’t worry. I’ve got you covered. Kahit wala ako rito, magiging safe ka. Sisiguruhin ko ‘yon.”
Hindi pa rin mapanatag ang kalooban ni Nollet sa sinabi nito. “May bumisita kay Mang Celso sa apartment kahapon,” bigla na lang niyang naibulalas. “Kumpare daw niya. Naka-SUV.”
“Alam ko.”
“Alam mo?” tanong niya, takang-taka.
“I told you, I got you covered. Kahit wala ako, may mga mata na magbabantay sa iyo. Hindi kita puwedeng pabayaan. Sobrang mahalaga ka sa akin, Nollet.”
Napabuntong-hininga si Nollet. “Hindi mo dapat ako pinahahalagahan nang sobra-sobra.”
“Here we go again.” Inilahad nito ang mga kamay na parang napapagod na. “Nollet, aalis ako. Hindi ba puwedeng pabaunan mo naman ako ng ‘Ingat ka’ at ‘Von voyage.’ Kahit ‘yon man lang. Hindi ko na hihingin sa iyo na sabihin mong ‘I’ll miss you’ o ‘I’ll wait for you.’ Kasi baka kahit ako hindi maniwala.”
“Inaaway mo ba ako?”
“Pinapaalalahanan ko lang ang sarili ko. In case na malunod ako sa pag-aalala na nakita ko sa mga mata mo kanina. Kanina na nalaman mong aalis ako. Kasi naman kahit laging butata, asa pa rin ako ng asa.” Mas mahina na ang boses nito sa huling sinabi na para bang sarili lang ang kinakausap nito.
Nollet quash a smile despite herself.
“Huwag mo nang alalahanin ang Kumpareng Dodie ni Mang Celso. Mabait ang taong ‘yon. Matulungin.”
Nanlaki ang mga mata ni Nollet. “Paano mo nalaman ‘yon?”
Parang nahuli sa pang-uumit na nakagat nito ang labi.
“Hindi man lang nasabi sa akin ni Mang Celso ang pangalan ng kumpare niya. Pero ikaw, saan mo nalaman ang tungkol sa taong ‘yon?”
Dalawang kamay ang iminasahe ni Ark sa batok. “I’m sorry, Nollet. Hindi ko nasabi sa iyo na mula nang lumitaw ang Mang Celso na ‘yan, pinasubaybayan ko na siya pati na lahat ng mga taong nakakausap niya. I can’t help it. Hindi kasi ako mapalagay na may access na sa iyo at sa mga tao mo ang isang kagaya niya. Ayokong isa-isahin ang mga possibility.”
“Hindi ako makapaniwala na magagawa mo ‘to,” aniya na napapailing. “Kung sabagay, hindi na nga pala ako dapat magulat. Ilang buwan din kitang naging stalker.”
“Sorry. Huwag ka nang magalit. Ikaw lang naman ang iniisip ko. Kaya kung may magagawa ako para makasiguro na walang mangyayaring masama sa iyo, gagawin ko.”
Ang totoo hindi naman siya galit kay Ark. Naninibago lang siya na ma-invade ang privacy niya. Sa kabilang banda, mas napanatag ang loob niyang malaman na  nakasubaybay ito at pinasusubaybayan din siya sa iba. “Baka hindi na ako makabayad ng utang sa iyo n’yan.”
Napangiti na si Ark. “Hindi naman ako naniningil. Okay nang bayad ‘yong ganito na kinakausap mo na ako at hindi na gaanong pinagtatabuyan.”
Natawa na rin siya. “Grabe ka.”
“I have to go now. Mami-miss kita, Nollet,” paalam nito habang nakatitig na sa mga mata niya. “How I wish na may pabaon kang kiss at tight hug sa akin. But of course, suntok sa buwan ang wish na ‘yon.”
Idinaan na lang niya sa tawa ang sagot. Nahihirapan na siyang tagalan ang titig ng binata. “Von voyage.”
Natawa ito. Inilahad ang mga kamay. “Sabi na nga ba. Sige, ‘bye for now, my sweet. I shall return,” dagdag pang biro nito bago humakbang palayo.
“I’ll wait for you, Ark.”
Nasa labas na ito ng gate ay muli pang napabalik. “What did you just say?”
“Umuwi ka na,” tumatawang utos niya. “Mag-eempake ka pa.”
Napailing ito. “Must you say that to me when I’m about to leave?” Lumapit pa ito nang husto sa kanya dahilan para siya mapaatras.
“Umuwi ka na nga,” sabi niya, tumatawa pa rin.
“Paano ba ako uuwi kung ganyan ka ka-cute tumawa.”
“Ay, grabe sha!
“’Yang cute smile mo plus ‘yong ‘I’ll wait for you’ mo sa akin— definitely isasama ko sa pag-eempake ng mga dadalhin ko.”
Bigla niyang naiiwas ang tingin. Habang tumatagal kasi, nag-i-intensify ang kilig niya na ayaw magpaawat. Alam ni Nollet na kung gusto niyang bumalik sa dating katahimikan ang buhay niya, hindi niya dapat ine-entertain ang mga emosyon na dinadala sa kanya ng mere presence ni Ark.
“Anong pasalubong ba ang gusto mong dalhin ko sa iyo pagbalik ko?”
Umiling siya. “Just be safe.” Nakawala na sa bibig niya ang mga salita bago niya napigilan.
Ang sumunod na ginawa ni Ark ang nagpayanig sa kanya. Kinabig siya nito at ginawaran ng maingat na halik sa pagitan ng mga mata. “Ako dapat ang nagsasabi niyan sa iyo...” anas nito pagkatapos. “Be safe for me, Nollet... Take care.”
Kung hindi pa lumabas doon ang housekeeper na si Ida ay hindi pa kakalas at aalis si Ark.
Nakaramdam agad si Nollet ng lungkot nang wala na roon ang binata. Ngayon pa lang ay nami-miss na niya ang init at pakiramdam ng mayakap nito at madampian ng halik sa kanyang noo. She was beginning to grow fond of him. At hindi muna niya pipigilan ang sarili.

ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon