I Need A Hero

5.9K 143 0
                                    

6

NAPATITIG SI Ark kay Nollet. Parang pumakla ang ekspresyon ng mukha ng binata. “Paano ‘yong... sa inyo ni-”
Divorced na sila nang makilala ko si Enrique. Pero hindi iyon ang isinagot ni Nollet. “Normal lang na masuklam ang isang babae sa mga babaeng nakarelasyon ng asawa niya.” Isipin na nito ang kahit na ano. Baka-sakali na layuan na siya ng lalaking ito. “At ayoko nang pag-usapan ang tungkol doon.”
Ngumiti na si Ark. Parang hindi naman ito apektado ng mga sinabi niya. O sadya lang na magaling itong magtago ng saloobin? “Bakit nga pala ang dami-dami mong gino-grocery? Di ba kayo lang ng housekeeper mo sa bahay?”
Napanatag si Nollet na trivial na bagay na ang binuksang paksa nito. “Hindi naman ito para sa amin ni Ida. Para ito sa Flower Town. Ako ang naggo-grocery para sa kanila kasi marami nang trabaho doon si Nanay Enang. At gusto ko talaga na gawin ito.”
“Hmm, that’s nice.”
Duda si Nollet kung bakit kakaiba ang ngiti ng binata. “Ano na naman ang ibig sabihin ng ngiti na ‘yan?”
“Ah, wala. Wala lang.”
Pero hindi siya naniniwala. May palagay siya na involve siya sa dahilan ng kakaibang ngiti nito. Kung minsan, para itong bata na gustong makipaglaro. May ilang beses na rin niyang nakita ang intense na Ark. Lalo na kapag nagpipilit ito na payagan niyang manligaw.
“Bakit hindi ‘yong malaki ang bilhin mo?” tanong nito nang ilagay niya sa cart ang isang one-liter plastic bottle ng mantika. “Para hindi ka laging bumibili.”
“Mabigat, eh.”
“Nandito naman ako, o. Anong ginagawa ng mga muscles na ito?” Nag-flex pa ito ng biceps.
“Ah, nagyayabang ka, gano’n?”
“Konte. Pero alam ko naman, hindi ka nai-impress sa muscles lang.” Ibinalik nito ang maliit na bote ng mantika at pinalitan ng isang plastic gallon na limang litro ang laman. “Siguro ‘yon ang dahilan kaya sa simula pa lang, gusto kitang maging kaibigan. I want to surround myself with good people. Gusto ko ng mga tao na sensitive at may puso para sa iba.”
“Teka lang. Hindi ka nga dumidiga pero pauulanan mo naman ako ng papuri. Tigilan mo na ‘yan. Hindi nakakatuwa.”
“Bakit ba? Sa ‘yon ang views ko sa ‘yo, eh. Bakit mo ba ako pipigilan? Mas lalo ka naman sigurong magagalit kung sasabihin ko na masungit ka. That you tend to deter the people who adore you, particularly men. Na exaggerated na ‘yong efforts mo na palayuin ako sa buhay mo.”
Nagulat si Nollet sa mga sinabi ng binata. Medyo napahiya. Ganoon na nga ba siya ngayon? Hindi siya dating ganoon. Maayos dati ang pakikitungo niya sa lahat ng tao kahit sa mga lalaking nagkakagusto sa kanya. “Alam mo ba kung paanong naging kami ni Enrique?”
“Mas interesado ako kung nasaan ang mga magulang mo. Kung may mga kapatid ka ba. Kung bakit ka nag-iisa ngayon.”
“Siguro may mga kapatid ako. Ewan ko. Iniwan kami ng daddy ko noong forteen years old ako. Mula noon, hindi na siya nagpakita. Sigurado ako na may iba nang pamiya ‘yon. At ang mommy ko naman, namatay siya two years ago. Heart attack.”
Natigil ito sa pagtutulak ng grocery cart at napatanga sa kanya. “I’m sorry...”
Nagkibit lang siya ng balikat. Maraming buwan na iniyakan niya nang husto ang pagkamatay ng ina. Pero isang umaga, bumangon siya at sinabi sa sarili na: “Magpapatalo ka ba sa buhay dahil lang wala na ang mommy mo?” Simula noon, pinilit niyang maging matatag. Pinilit niyang iwaksi ang lungkot at mag-focus sa kung ano pa at sino ang mga natira sa kanya.
“At mula noon, mag-isa ka na lang?”
“I had Enrique, remember?”
Nagbaling ito ng mukha at itinuro ang item na nasa shelf. “Oyster souce, kailangan mo?”
Muntik na siyang mapabulalas na naman ng tawa. Hindi na kailangang tanungin si Ark. Halatang nagseselos ito sa alaala ni Enrique. But how I wish na malaman mo ang buong kuwento. “Oo, kailangan ko nga ng isa.”

ISANG KAMAY lang ang ibinigay ni Nollet kay Sir Enrique nang nasa gitna na sila ng dance floor. Isang function room sa Fairmont Makati ang pinagdalhan nito sa kanya. Pero hindi ordinaryong function room. Dahil nakagayak ang malawak na silid. May mga colorful baloons and ribbons at flower decor sa paligid. Mayroon ding isang round table na pandalawahan sa pinakagitna ng bulwagan. Nasa ibabaw ng trolley na katabi noon ang isang bote ng champagne at ang mga pagkain na natatakpan ng stainless steel cover.
Kung hindi lang wala pang isang linggo mula nang sagutin niya ang panliligaw ni Sir Enrique, iisipin ni Nollet na marriage proposal na ang magaganap sa ekstraordinaryong pagkakaayos ng lugar. Pero sa kabila noon, nagkaroon siya ng antisipasyon. Paano nga kung ganoon?
Kinuha rin ni Sir Enrique ang isa pang kamay ni Nollet at pinagsalikop ang mga palad niya sa batok  nito. At pagkatapos ay naramdaman niyang humapit ang mga palad nito sa kanyang baywang. Napadikit ang dibdib niya sa katawan nito. Naramdaman niya sa mukha ang buga ng mainit at mabango nitong hininga. Namalayan niya kaagad ang sagitsit ng malakuryenteng puwersa na mabilis na kumalat sa mga nerve endings niya.
Parang hihimatayin si Nollet sa magkakahalong pananabik, aprehensiyon, takot at tuwa na makulong sa yakap ni Sir Enriqueang lalaking pinakagusto niya na makasama. Isang panaginip ang nangyayari ng mga sandaling iyon. Na narito ito at kayakap niya habang nagsasayaw sila. Lomolobo ang puso niya sa labis na kaligayahan. It was as if they were dancing to eternity.
Ngayon lang niya naisip, kaya pala hindi niya maibigay ang commitment sa alinman kina Ardy at Xaniel noon, si Sir Enrique pala ang magiging true love niya.
“I’m falling, Nollet...” anas sa kanya ni Sir Enrique habang nakatitig sa mga mata niya. Lalo itong naging guwapo sa pagkakangiti. “I’m helplessly falling in love with you...”
Nakailang tumbling at headbang yata ang puso niya na panay ang kabog sa loob ng kanyang dibdib. Mahal din siya nito! Hindi na ‘I like you’ ang sinasabi gaya noong simulan nito ang panliligaw. At hindi lang pala siya niligawan nito dahil alam na may gusto siya. Pareho nga talaga sila ng nararamdaman. Umaapaw sa tuwa ang buong pagkatao ni Nollet. Nilulunod ang buong katawan niya ng masarap na kilabot lalo na nang dampian ng halik ni Sir Enrique ang mga labi niya.
Nasabik siya na laliman nito ang halik. Pero hindi nito ginawa. Muli siyang binulungan nito sa halip. “I want you... Be mine now. Please?”
“Yes...” sagot niya na walang pagdadalawang-isip.
Sa puntong iyon, muli na naman siyang hinalikan ni Sir Enrique. Mas matagal. Mas nanunukso.  Pinasasabik siya.
Ang init-init ng pakiramdam ni Nollet lalo pa at sumasabay sa halik ni Sir Enrique ang mararahang pisil at paghimas ng mga palad nito sa kanyang baywang.
Nang kumalas ito, akbayan siya at giyahan palabas ng hall tungo sa isa pang silid ay inaasahan na niya ang susunod na mangyayari.
Walang takot, walang pag-aalala na isinuko ni Nollet kay Sir Enrique ang sarili.

KINAKABAHANG itinigil ni Nollet ang dalang kotse sa gilid ng kalsada. Hindi niya alam kung anong traffic violation ang nagawa niya para siya i-flag down ng naka-motor na patrol police. Naroon siya sa kahabaan ng E. Rodriguez Avenue nang makarinig siya ng silbato. Bigla na lang lumitaw ang naka-motor na pulis mula sa kung saan. Gabi pa naman. Wala siyang kasama. Oo nga pala. Sa araw man o sa gabi, nagta-travel siya nang walang kasama dahil mag-isa lang siya sa buhay. Kung bakit napakasaklap ng katotohanan nang mga oras na iyon.
Bago buksan ang bintana ng kotse ay hinagilap muna niya ang smart phone at mabilis na dumutdot ng pangalan sa contacts. Mabuti na lang at naitatago ng kulot na buhok niya ang Blue Tooth headset. May sumagot agad sa kabilang linya pagkatapos lang ng unang ring. “Hello, Nollet?”
“Good evening po, Sir,” magalang na bati niya sa pulis na kumatok sa kanyang bintana. Matangkad ito at mukhang umaapaw sa confidence. “May problema po ba?”
“Hello, Nollet?” ulit ng nasa kabilang linya. Boses-lalaki iyon. “Nasaan ka? Anong sinasabi mong problema?”
“Good evening, Miss,” bati rin ng nakangiting patrol police. Medyo nakatagilid ito kaya hindi niya mabasa ang name plate sa kanang dibdib nito. “BMW convertible. Hot car itong dala mo, ah.”
“Sa akin po ang kotseng ito,” defensive na sagot niya. Pabilis nang pabilis ang tibok ng dibdib niya ngayong magkausap na sila ng pulis. Nararamdaman niyang may kakaiba. Wala siyang violation at ang sinasabi lang nito ay hot car ang sasakyan niya. Nagkataon pa naman na bahagyang liwanag lang ang nakakarating doon mula sa di-kalayuang lamppost. Kaya hinayaan niyang buhay ang kanyang headlight. “Kompleto po ako sa papeles.”
“Nollet, sabihin mo sa akin ang location mo. Pupuntahan kita,” sabi ng nasa kabilang linya.
“Ibigay mo pala sa akin ang papeles mo,” sabi naman ng pulis na walang kamalay-malay na may kausap siya sa phone
Gumala ang mga mata niya sa paligid. “E. Rodriguez Avenue. Oasis Building.”
“May sinasabi ka, Miss?” tanong ng pulis.
“Ahm, a-ang sabi ko, sandali lang po, Sir. Kukunin ko,” aniya. Mabuti na lang at hindi na nagtanong pa ang nasa kabilang linya. Binuksan niya ang glove compartment at kinuha ang photo copy ng rehistro ng kotse. Inilabas din niya ang kanyang driver’s license at iniabot sa pulis.
Nilentehan ng pulis ang mga papeles na iniabot ni Nollet. Hindi niya alam kung bakit napakatagal nitong binabasa ang rehistro ng sasakyan niya. Inip na inip na siya habang kabado pa rin. At hindi pa rin niya makita ang name plate nito.
Hindi na nagsalita pa ang kausap niya sa phone. Pero nakabukas pa rin ang kanilang mga linya. Naririnig niya ang mahinang ingay ng kalsada mula sa phone ng tinawagan niya na sa palagay niya ay naka-on ang loud speaker.
“Nakatimbre sa istasyon namin ang plate number nitong dala mo, Miss. Hot car ang kotseng ito.”
“Pero Sir, nabasa n’yo naman po ang rehistrong binigay ko. Akin po talaga ang kotseng ito. Nakapangalan po sa akin.”
“Pasensiyahan tayo, Miss. Sumusunod lang ako sa order sa amin ni Hepe. Na hulihin ang lahat ng sasakyan na suspected carnap vehicle. Kaya kukunin ko sa iyo itong ID at  rehistro mo for verification. At puwede mo na ding iwan itong kotse mo dito.”
“Ho?” Nakaamoy na si Nollet ng hindi maganda. Hindi niya alam kung paano niya lulusutan ang pulis. Pero hindi lulusot sa kanya ang modus nito. “Sir, hindi ko po puwedeng iwan sa inyo ang kotse ko. Saka paano po ako uuwi?”
“Problema mo na ‘yon, Miss. Kung sana hindi ka nagdadala ng carnap na kotse, hindi ka magkakaproblema ngayon. Sige, bumaba ka na.”
Nagngingitngit si Nollet sa galit sa abusadong pulis pero wala siyang ibang option kundi ang pakiusapan ito. “Eh, Sir, makikiusap na lang po ako. Baka po puwedeng mag-convoy na lang tayo hanggang sa police station. Doon na lang po ako bababa para safe naman po ako. Gabi na po kasi.”
Nagbago ang timpla ng pulis. Sumungit ang mukha nito. “Aba, Miss, hindi kita puwedeng pagbigyan. Ikaw ang offender dito, baka nakakalimutan mo. At kung hindi ka susunod sa sinasabi ko, puwede kitang kasuhan ng resisting an arresting police officer. Kaya kung ako sa iyo bumaba ka na lang.”
“Eh, Sir, please naman po. Maawa naman po kayo.”
“Miss, hindi ako puwedeng maghintay dito habang-panahon. Bumaba ka na!” Hinawakan nito nang mahigpit ang braso niya at pilit siyang pinababa.
Takot na takot si Nollet. Hindi niya mapigilan ang panginginig. Nakatakda ba siyang mapahamak sa kamay ng pulis na ito? Ito na ba ang katapusan niya? Diyos ko, tulungan N’yo po ako, please.

ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon