2
“’NAY ENANG!” Bumubungad pa lang ang kotse ni Nollet sa Flower Town ay nakita na niyang lumabas ng pinto ang matanda. Nakangiti ito at may nakasuksok pang isang white rose sa tainga. Pagbaba niya ng kotse ay yumakap agad ito sa kanya. Gumanti siya ng mahigpit na yakap. “Hmm, ang bangu-bango n’yo po, ah. At nagro-rosy cheeks pa. Daig n’yo po ang lahat ng bulaklak natin dito. Kayo ang pinakamabangong bulaklak dito sa shop.”
Lalong tumingkad ang pagkakangiti ng matanda. “Maraming salamat sa iyo, ‘Ineng. Napakasaya ko sa regalo mong pa-spa sa akin. Ang sabi nina Angie mahal daw ang bayad doon, ah. Nahiya nga ako sa nagmamasahe at nakatulog ako habang hinahagod niya ang mga kasu-kasuan ko.”
Tumawa siya. “Okay lang po na makatulog kayo habang nagpapamasahe, ‘Nay Enang. Gano’n po talaga. Masaya din po ako na nag-enjoy kayo.” May anim na buwan na rin ang nakakaraan mula nang makilala niya si Nanay Enang. Nang malaman niya na wala na itong pamilya at tumitira lang sa ilalim ng tulay, inalok niya ito na sumama na lang sa kanya at siya na ang bahala sa matanda. Pumayag naman ito kahit na hiyang-hiya noong una. At upang makampante ang kalooban nito at hindi na mahiya, ginawa niyang katiwala ito at tagapagluto sa mga tauhan niya sa flower shop. “Dumating na po ba sina Chris?”
“Oo. Pero kaaalis lang uli. Marami tayong deliber na mga bulaklak sa Sta. Ana kaya nagdalawang biyahe sila Chris.”
Pumasok na sila sa loob ng flower shop. Abala pa rin ang kanilang mga tauhan sa flower arrangement. Napansin niya ang isa na ginugupit ang dulo ng tangkay habang nakababad ang mga kamay at ang flower stem sa tubig. Tinapik niya ito at nginitian. Sariwa at matagal ang buhay ng cut flowers nila dahil sa maingat na pangangalaga at pagsunod ng mga tauhan niya sa tips. Ang tips na iyon ang una niyang itinuturo sa mga ito day one pa lang sa Flower Town.
Kumunot naman ang noo niya nang mapansin na may katabing platito na may lamang quartered apples ang isa pang flower arranger. “Dina, nakalimutan mo na ba ang itinuro ko sa iyo noong unang araw mo dito? Hindi ba sabi ko, hindi puwedeng may katabing fresh fruit ang cut flowers natin?”
Napangiwi si Dina sabay dampot ng platito. “Naku, sorry po, Ma’am. Nakalimutan ko lang po. Pero naaalala ko pa po ‘yong sinabi ninyo noon – nagpo-produce ng ethylene gas ang mga sariwang prutas na nagpapaiksi ng buhay ng cut flowers. Nawala lang po talaga sa isip ko. Sorry po. Hindi na mauulit.”
“Huwag nang mauulit.”
“Opo, Ma’am. Hindi na po. Sorry po ulit.”
Nagtungo siya agad sa likod, sa kitchen-cum-dining area at nagbuklat ng kaserola. Natuwa siya na may natira pang ampalaya guisado. Isa iyon sa paborito niyang iniluluto ng matanda. Kumuha siya ng maliit na mangkok, sumandok at sinimulang papakin ang gulay.
“Oo nga pala, nakarating ba sa bahay mo ‘yong mga bulaklak na padala no’ng manliligaw mong taga-city hall?”
Medyo napangiwi si Nollet. Taga-city engineer’s office ang sinasabi nitong manliligaw. “Opo, ‘Nay. Pero naipamigay ko na sa mga kapitbahay.”
“Masigasig manligaw ang lalaking iyon sa iyo. Sa tingin ko seryoso siya. Ineng, baka naman-”
“’Nay, tulad po ng nasabi ko na sa inyo, hindi na po ako makikipag-boyfriend.”
“Bata ka pa, Ineng. Hindi ka pa nga tumutungtong ng trenta. Hindi mo kailangang piliin ang buhay na mag-isa.”
Ngumiti lang siya. Marami nang nangyari para baguhin pa niya ang nabuong pasya para sa sarili. “Hindi naman po ako nag-iisa. Nand’yan po kayo. Alam kong hindi ninyo ako iiwan, ‘Nay.”
“Pero hindi habang panahon na nandirito ako, Ineng.”
Pumasok sa kitchen ang kaherang si Angie. “Ate Nollet, may naghahanap po sa inyo sa counter.”
“Sino?”
“Hindi ko po kilala. Pero ang sabi po kung puwedeng makausap ang may-ari. Importante lang daw po.”
Minsan may mga walk-in supplier at client na kumakausap sa kanya. Normal lang iyon. At least, hindi ang makulit na manliligaw na taga San Juan city engineer’s office ang nasa labas.
Nakilala agad ni Nollet ang lalaking naghahanap sa kanya. Ito ang taong malakas ang loob na nagpakilala noong isang linggo habang nasa opisina siya ni Atty. Ponce – si Ark Montecillo. Dumalaw na rin ito sa bahay niya. Hindi niya alam kung saan nito nakuha ang address niya dahil itinatanggi ni Atty. Ponce na ito ang nagbigay niyon kay Ark. Tahasan niyang tinanggihan ang pakikipagkaibigan nito.
Guwapo ang binata. Attractive ngumiti. Matikas ang pangangatawan. Nasisiguro niya na darating ang panahon na manliligaw ito sa kanya. Kaya nasa kanya ang lahat ng dahilan para mag-alala. Pero bakit nga ba siya mag-aalala? Wala naman siyang ibang kailangang gawin kungdi ang tanggihan ito gaya ng ginagawa niya sa iba pa na nauna rito.
BINUKSAN NI Ark ang selyo ng mamahaling alak na regalo nina Bendi at Jobert noong huling kaarawan niya. Black Label. Hindi siya talaga mahilig sa alak at kung minsan, napipilitan lang siyang uminom kapag may okasyon at kasama ng mga kaibigan. Hindi naman matatawag na health buff siya. Pero hangga’t maaari, sinisikap niyang maging health-conscious para mapanatili ang malusog na pangangatawan.
Pero ng mga oras na iyon, nararamdaman niya ang pangangailangang uminom. Inuudyukan siya ng pangangailangang gisingin ang sarili at pagsabihan na: Hindi mo kailangan ang Nollet na iyon. Maraming babae na mas magaganda pa sa kanya – mga babaeng gagawin ang lahat pansinin mo lang. Bakit mo ipagsisiksikan ang sarili mo sa kanya? Kung ayaw ka niyang kaibigan, kung ayaw niya sa iyo, di huwag. Kalimutan mo na siya. Hindi mo siya kawalan. Baka nga kung tutuusin, ikaw pa ang kawalan niya. Dahil sigurado ka sa sarili mo na kung sakaling magiging kayo, ibibigay mo ang isandaang porsiyento ng sarili mo sa kanya. Hindi alam ng Nollet na iyon kung ano ang pinakawalan niya. Meanwhile, marami namang babae sa paligid mo. All you have to do is look and they will do anything just to win your love and affection.
Kaya lang, iyon nga mismo ang problema ni Ark. Hindi ang ibang babae ang gusto niya. Si Nollet lang. Si Nollet na ni ayaw makita ang anino niya. Hindi niya talaga makalimutan ang mga sinabi nito sa kanya kanina.
“Hay naku, Ark, ikaw na naman. Bakit ba ayaw mo akong tantanan?”
“Hindi naman siguro masama na maging magkaibigan tayo,” sagot niya sa hindi ngumingiting si Nollet nang labasin siya nito sa counter ng Flower Town. Hindi niya maunawaan sa sarili kung bakit kahit sinusungitan siya nito, gusto pa rin niya itong tingnan at kausapin. Gusto niya na lagi lang nasa malapit kung saan man ito naroroon. May kakaibang hatak sa kanya ang babae. Buhay na buhay ang pakiramdam niya kapag nakikita ito.
“Alam ko. Pero hindi nga kita gustong maging kaibigan.”
“Pero bakit? Mabait naman ako. Matulungin akong kaibigan. Kapag kailangan mo ang tulong ko, anytime, tatakbo ako sa iyo para ka tulungan. Gaya nga ng sinasabi doon sa kanta. You’ve got a friend in me,” pagbibiro pa niya hoping na mapangiti man lang ito.
Pero imbes na mapangiti ay lalong sumimangot si Nollet. “Basta ayokong maging kaibigan ka, lalo na kung sosobra pa do’n. Dahil gano’n naman talaga kayong mga lalaki. Sa una, kunwari, gustong makipagkaibigan. Pero siyempre hindi kayo makukuntento ng gano’n lang. Kapag naging kaibigan na ang babae, liligawan ninyo. ‘Yon ngang iba hindi na nanliligaw. Pinakikiramdaman na lang kung naa-attract na sa kanila ang babae. Kapag sigurado na sila, duma-da moves na lang basta. Para nga naman kapag nakahanap na sila ng iba, madali nang kumalas. Basta na lang iiwan ang babae. Kasi wala namang commitment na nangyari.”
“Woah! Haba ng hugot. Parang plot na ng isang low grade movie ‘yon, ah.”
“’Ayan, mahabang oras na ang naibigay ko sa iyo. Siguro naman okay na ‘yon. Huwag mo nang ipilit na maging magkaibigan tayo. Huwag ka na ulit pupunta dito. Isipin mo na lang na meron talagang tao na off ang pakiramdam sa isang tao. Nangyayari naman talaga ‘yon. Kasi gano’n ako sa iyo.”
“Bakit naman ‘off’ ang pakiramdam mo sa akin?” banat niya agad. Hindi niya mapalalampas ang nasilip na pagkakataon. “Wala naman akong nagawang masama sa iyo. Unless na pinipilit mo lang ang sarili mo na umiwas sa akin kasi may something na nararamdaman ka when I’m around. At ‘yang pag-iwas mo, defense mechanism mo lang siguro. Attracted ka din sa akin, aminin mo na. Kung ako sa iyo, magpakatotoo ka na lang. Huwag mo nang i-deny ‘yang nararamdaman mo.” Ngumiti siya rito habang nakatutok ang mga mata niya sa mga mata ni Nollet.
Nagdugtong ang mga kilay ni Nollet at naging matalim ang mga mata. “Lalo mo lang akong binigyan ng dahilan para hindi makipagkaibigan sa iyo. Isipin mo na kung ano ang gusto mong isipin. Basta huwag mo na lang akong lalapitan kahit kailan. Excuse me, pero inuubos mo ang oras ko. Marami pa akong gagawin.” Walang lingon-likod na iniwan na siya ng babae.
Inisang lagok ni Ark ang natitirang laman ng wine glass. Napagiwi siya sa pagguhit ng matapang na likido sa kanyang lalamunan. Isa lang ang nasisiguro niya pagkatapos ng pag-uusap nila kanina ni Nollet – hindi niya ito maaaring basta na lang kalimutan.
PAGKAALIS NI Nollet sa magarbong musoleo na pinaggalingan nito ay lumapit kaagad doon si Ark. Sarado na ang gate pero masisilip ang loob mula sa grills sa labas. May ikalawang palapag ang musoleo. Sa palagay niya ay may tulugan doon. Hindi nga lang makita liban sa papaikot na hagdan sa loob. Ang malaking puntod ay gawa sa itim na granite slab at napakakintab. Sa harapan noon nakalagay ang dalawang malalaking flower bouquet na dala kanina ni Nollet.
Mula nang tanggihan ng babae ang pakikipagkaibigan niya ay hinanap na niya ang lahat ng paraan para makalapit dito.
Pero bigo siya. Matatag ang disisyon ni Nollet na hindi siya i-accomodate sa buhay nito kahit bilang isang kaibigan lang.
Hindi matanggap ni Ark na tinanggihan siya ni Nollet. Wala pang babae na nambasted sa kanya. Lahat ng niligawan niya noon ay napasagot niya. Pero bigo siya kay Nollet. At hindi pa man siya nanliligaw. Nakikipagkaibigan pa lang siya.
Dahil doon, lalong nabuhay ang curiosity ni Ark. Hindi siya mapalagay. Parang biglang nagkaroon ng unsolved mystery sa parehong pagkatao nila. Hindi siya makausad. Parang na-stuck na lang siya sa pagtatanong ng: Ano ba talaga ang dahilan ni Nollet para hindi tanggapin ang pakikipagkaibigan niya? Ano ba ang dahilan bakit mailap ito sa mga lalaki?
Iyon ang nagtulak sa kanya para alamin ang lahat ng maaari niyang malaman tungkol kay Nollet. Kaya kahit hindi siya komportable, naging stalker siya ng babae. Sinusundan niya ito kahit saan magpunta. Inaalam niya ang lahat ng impormasyong makakalap niya na may kinalaman sa babae. Pero hindi siya nagpapakita. Hindi siya nagpapahalata na nakasunod siya sa bawat lakad nito.
Kaya humantong siya sa harap ng musoleo ng kinaroroonang memorial park. Dahil nanggaling doon si Nollet. Nararamdaman niya na may kahit katiting na bagay doon na magdaragdag sa kakaunting nalalaman niya tungkol sa dalaga.
Binasa ni Ark ang lapida sa harapan ng nitso. Enrique Villagracia. Fourty-six years old ito, ayon sa date ng kapanganakan at date ng kamatayan. Bata pa kung tutuusin. Huhulaan niya, kung hindi cancer ay malamang na stroke ang ikinamatay nito. Posible rin na komplikasyon na dala ng sakit na diabetes. Ganoon naman kadalasan ang sakit ng mga tao ngayon. Dahil na rin sa lifestyle, sa lumalalang polusyon at mga nakalalasong kemikal sa mga ipinuprosesong pagkain.
Pero kaanu-ano nga kaya ni Nollet ang namayapang lalaki sa musoleo?
“Sir, may hinahanap po kayo?”
Napakislot si Ark sa nagsalita sa kanyang likuran. Isang lalaking marahil ay lampas-singkuwenta ang nakita niya. May hawak itong susi. “Ahm, eh, n-nagagandahan lang po ako sa musoleo na ito kaya napatingin ako.”
Ngumiti ang lalaki. “Talaga pong ginastusan nang malaki ito ng amo ko.” Sinusian na nito ang mga kandado ng gate na bakal.
Hindi mapapalampas ni Ark ang pagkakataon na usisain ito. “Eh Manong, ‘yon po bang babae na nanggaling diyan kanina ang amo ninyo?”
Itinigil ng lalaki ang ginagawa at tiningnan siya. “Maganda, maputi, blondie at kulot ang buhok?”
“Opo.”
Ngumisi ito. “Ah, alam ko na, Sir. Hindi ka interesado dito sa musoleo kungdi kay Ma’am.”
Napangiti na rin siya sabay hagod ng batok. Sa hitsura ng lalaki, maging ito man ay nagagandahan din kay Nollet.
“Maganda naman talaga si Ma’am Nollet. Batang-bata pa. Pero sa pagkakakilala ko sa kanya, wala na siyang interes sa mga lalaki. Magsasayang ka lang ng pagod, Sir. Kumbaga sa mga lalaking namamanata noong panahon ni Hesukristo, isa na siyang babaeng eunoko ngayon.”
“Ano pong ibig n’yong sabihin, Manong?”
“’Yon na nga. For life nang magiging single si Ma’am Nollet.”
Tumututol ang lahat ng cells niya sa puso sa pahayag nito. “Pero bakit po?”
Nagkibit-balikat lang ito. At sa palagay ni Ark, kahit itaktak niya ang lalaki, hindi niya makukuha ang sagot na gusto niyang makuha. “Kaanu-ano po ba ng amo ninyo ang taong nakalibing dito?” tanong na lang niya. Disidido siya na malaman ang mas marami pang detalye sa buhay ni Nollet.
“Hindi ko rin alam. Tinanong ko na dati ‘yong isang nagtatrabaho sa flower shop niya pero hindi sinabi sa akin. Tapos no’ng kinulit ko, ang sabi basta daw kamag-anak. Pero duda ko, naging mag-jowa sila ng taong nakalibing dito.”
Umawang ang mga labi niya. Kung totoo ang sinasabi ng kausap tungkol kay Nollet at sa lalaking nakalibing doon, lumilitaw na napakalaki ng agwat ng edad ng mga ito. “Hindi naman po siguro. Bata pa ang amo ninyo at may edad na ang nakalibing d’yan.”
“Palagay ko lang naman ‘yon. Bahala ka kung paniniwalaan mo o hindi.”
Malisyoso ang pagkakangisi ng bantay. At hindi niya gustong paniwalaan ang palagay nito.
BINABASA MO ANG
ARK My Love My Hero 388 (COMPLETED)
Lãng mạnFirst sight pa lang ni Ark kay Nollet, convinced na siya na ito ang kanyang "The One." Kaso lang, convinced din si Nollet na six feet under the ground na ang puso niya. Lalo na sa isang makulit na manliligaw na nagpapanggap na superhero. Hanggang is...