One

7.4K 147 4
                                    


PANAY ang tingin ni Elaiza sa bintana nila nang gabing iyon. She was waiting for her brother. Ang tagal naman nila, traffic siguro...

"Ma, hindi ba nag-text si Kuya? Bakit ang tagal niyang dumating?" aniya sa ina niya na naroon sa kusina at naghahanda ng hapunan nila.

"Darating na 'yon, bakit ba naiinip ka na d'yan? May ipinabili ka ba sa kanya?" tanong ng kanyang ina.

"Wala po," wika na lamang niya. Muli niyang itinuon ang kanyang mga mata sa bintana.

Hindi naman talaga ang Kuya niya ang inaabangan niya, kundi si Russell. Nakaugalian na kasi ng binata na doon kumain sa kanila ng hapunan every Saturday night. Hindi na siya makapaghintay na muli itong makita.

Pareho ng engineer ang kapatid niya at si Russell. Nasa iisang opisina lang din ang mga ito. Siya naman ay ilang buwan na lamang ang gugugulin sa kolehiyo bago siya maka-graduate sa kurso niyang Tourism.

For so many years, si Russell lamang ang naging sentro ng kanyang mga mata. Ng kanyang puso. Kinalimutan na nga niya ang pagkakaroon ng mga crush dahil dito. He was that special for her. Mula noong birthday niya hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang nararamdaman niya rito. Mas lalo pa ngang lumalala.

Masaya naman siya ngayon na malapit sila ni Russell sa isa't isa. Kahit alam niyang para lamang siyang baby sister para rito. Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang marinig ang tunog ng kotse. It was her brother's car. Napangiti siya at pasimpleng inayos ang nakalugay niyang hanggang beywang na buhok.

Nagdiwang ang puso niya nang makitang kasama ng kapatid niya si Russell. Dalawang kotse pala ang naroon sa labas. Mayamaya lamang ay naroon na ang mga ito sa loob ng bahay.

"Good evening, Tita," bati ni Russell sa ina niya.

"Good evening din, hijo. Halina kayo, handa na ang hapunan. Alam kong pagod at gutom na kayo," anang ina niya.

"Hi, Rus," nakangiting bati niya rito at agad na umabrisyete sa braso ng binata. She didn't like addressing him with 'Kuya'. Kahit noon pa man ay pinagsasabihan na siya ng kanyang kapatid tungkol doon, hindi na rin siya nakinig. Hanggang sa nasanay na lang ang mga ito sa kanya.

Napailing na lamang ang Kuya niya, siya naman ay natawa na lamang ng mahina. Nang nasa mesa na sila ay magkatabi sila ni Russell. Nang tawagin na ng ina niya ang kanyang Papa ay nagsimula na sila sa pagkain.

Panay ang kuwentuhan ng apat sa harap niya, siya naman ay isinisingit talaga ang sarili sa pakikipag-usap kay Russell. Halos ganoon lamang ang nangyayari kapag nandoon ang binata sa kanila. He was like a member of their family. Mag-isa na lamang kasi ito sa buhay dahil sa maaga itong naulila sa mga magulang, bago pa lamang niya ito makilala ay wala na itong nagisnang ina at ama. Ang tiyahin lang nito ang nagpapaaral dito noon. Ngayon naman ay mag-isa na nga itong namumuhay sa condo nito.

Pagkatapos nilang kumain ay agad niyang hinila sa sala ang binata upang manood ng paborito niyang pelikula na kasalukuyang ipinapalabas sa HBO.

"How was your day?" tanong nito nang makaupo na sila.

Ang ina niya ay tinutulungan ang kasambahay nila sa kusina. Ang kapatid naman niya ay umakyat sa kuwarto nito upang magbihis.

"Okay lang, hanggang ten ng umaga lang naman kanina ang klase namin," aniya rito. "Ikaw? Napagod ka ba? Ang dami niyo sigurong ginawa."

Narinig kasi niya sa Kuya Exel niya na may bagong project ang mga itong sinisimulan.

"Medyo, pero okay lang, nasanay na 'ko," nakangiting wika sa kanya ng binata.

Ang Sinisinta Ni Elai (PHR 2013 - Unedited) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon