NAPATIGIL si Celine sa paglalakad nang makapasok siya sa auditorium ng eskuwelahan. Kasabay niyon ang pamimilog ng mga mata niya sa nakita. Ang binatilyong tumutugtog ng piano na nakausap niya sa music room noong isang linggo ay muli niyang nakita ngayon. And he was performing on the stage. Ito ang tumutugtog ng instrumental para sa contestant ng school nila sa vocal solo.
Hindi siya makapaniwala. Malinaw na malinaw ang mga mata niya kaya kahit sa hindi-kalayuan ay kitang-kita niya ang itsura ng binatilyo. Siguradung-sigurado siya na ito ang nakita at nakausap niya sa music room.
Sabi nito ay ayaw nitong sumikat. Hindi ba nito alam na sa ginawa nitong iyon ay posibleng sisikat ito sa buong school? Napangiti na lang siya.
Kanina pa nag-umpisa ang literary-musical contest, alam niya. Nasa musical part na kasi ng contest. Tinanghali kasi siya ng gising. Hinayaan lang siya ni Gwen dahil daw wala namang klase at kahapon pa natapos ang cheering contest. Mabuti na lang at naabutan pa nila ang pagkanta ng kanilang contestant. At masaya siya na makita na tumutugtog ang binatilyong iyon.
"Ano'ng nginingiti-ngiti mo riyan? Kilala mo ba 'yan?" bulong ni Gwen na nasa tabi niya.
"Ha? Sino? Si Lizzy? Oo naman. Singer natin 'yan," turan niya na alam namang ang binatilyo ang tinutukoy ng kaibigan niya.
"Ano ka ba? Hindi siya. 'Yong tumutugtog. Hindi ba sa kanya ka nakatingin?"
"H-hindi, 'no," tanggi niya. "I don't know him. Alam mo namang si Third ang crush ko." Crush na crush niya ang basketball player na si Third kaya masayang-masaya siya sa tuwing nakikita at nakakausap ito. Noong isang linggo ay kaka-interview lang niya rito para sa schoolpaper tungkol sa mga gagawing preparation ng team nito para sa championship round na nangyari na kahapon. Sports columnist siya sa kanilang monthly-published schoolpaper.
Napangiti si Gwen sa sinabi niya. "Hindi ko naman sinabi na crush mo 'yong tumutugtog ng piano."
Napatingin siya kay Gwen. Makahulugan ang tinging ipinukol nito sa kanya.
"Tara na nga!" Hinila siya nito at naghanap sila ng bakanteng mga upuan.
Nakangiti pa rin siya habang nakatingin sa tumutugtog na binatilyo nang makaupo sila ni Gwen. Bahala na ang kaibigan niya sa iisipin nito. Humahanga naman talaga siya sa binatilyo. Hangang-hanga siya sa galing nitong tumugtog ng piano.
Pagkatapos ng performance ay sinundan pa rin niya ng tingin ang binatilyo hanggang sa nawala ito sa paningin niya nang tumungo ito sa backstage. Nag-uumpisa nang kumanta ang sunod na contestant nang makita niya ang binatilyo na naglalakad sa gilid ng auditorium. Hindi niya alam kung naghahanap ito ng bakanteng upuan para umupo at manood o lalabas ito ng auditorium. Nang makita niyang malapit na ito sa exit door ay hindi niya maintindihan kung bakit naisip niyang sundan ito.
"Gwen, maiwan muna kita rito, ha?" aniya sa abala sa panonood niyang kaibigan.
"Bakit? Saan ka pupunta?"
Hindi niya ito sinagot. Sa halip ay tumayo siya at mabilis na naglakad patungo sa exit door.
Hinawakan niya sa braso ang binatilyo nang mahabol niya ito. "Teka," aniya.
Tumigil ito sa paglalakad at nilingon siya. Namilog ang mga mata nito pagkakita sa kanya. "B-bakit?"
"Ako ito, 'yong kausap mo sa music room no'ng isang linggo. Remember?"
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]
Teen Fiction"I know my heart won't learn to love anymore because it will only beat for one person. And that person is standing in front of me now. It's you." Lihim nang iniibig ni James si Celine mula pa noong nasa high school sila. Dahil likas na mahiyain at t...