NAGTAKA si Celine dahil kung kailan gustong-gusto na niyang kausapin si Third ay saka naman ito hindi nagpapakita sa kanya. Nakapagtataka lang talaga dahil kapag may gusto ito ay hindi ito tumitigil hangga't hindi nito nakukuha iyon. Ayaw naman niyang siya ang unang gagawa ng hakbang para makausap ito.
Naisip niyang baka abala ito sa pagpapractice sa basketball o malamang sa mga babae nito. Pero sabi nga ni Gwen ay hindi na ito nakipagrelasyon mula noong umalis siya.
Naisip niya si Gwen. Napapadalas yata ang pag-uwi nito ng gabi na nitong mga nakaraang araw. Oo at gabi nga ito umuuwi pero hindi iyon lumalagpas sa alas-siyete. Alam niyang may hindi na naman ito kinukuwento sa kanya.
Sabi ng mga magulang niya, walang masama kung may idini-date si Gwen. May tiwala ang daddy at mommy niya sa kanila ni Gwen at hindi nakakalimot ang mga ito na paalalahanan sila palagi sa lahat ng bagay. They were really the best parents in the whole wide world.
Nang gabing iyon ay inabangan niya ito. Kakausapin niya ito. May itatanong siya rito. Gabi na naman ito dumating.
"Alam ko na ang itatanong mo sa akin," sabi ni Gwen sa kanya nang nasa kuwarto na sila nito.
"Alam mo na?"
Ngumiti ito. "Nahihiya kasi akong magsabi sa 'yo."
"Mukhang alam ko rin kung ano ang sasabihin mo. And that would be the answer to my question," nakangiting wika niya. Kahit na hindi pa nito sabihin iyon ay nahuhulaan na niya kung ano iyon. At ang hula niyang iyon ay alam niyang totoo.
Bahagyang yumuko ito, tila nahihiya.
"Huwag kang mahiya, Gwen. Ano ka ba?" nangingiting wika niya. "So, kailan pa?"
"Last week."
Niyakap niya ito. Kaagad din naman itong gumanti. "I'm so happy for you, Gwen." Kumalas siya rito kapagkuwan. "Siguro tama ang ang inisip ko noon na hindi ako ang babaeng makapagpapabago sa kanya. Ikaw lang pala, Gwen."
"Sinabi rin niya sa 'kin 'yan. Hindi ako makapaniwala, Celine. This is really a dream come true. Sana nga ay tuluy-tuloy na ang pagbabago niya."
"I'm sure tuluy-tuloy na 'yan." Masaya siya, hindi dahil hindi na siya mahal ni Third at malaya na siya mula sa lalaki kundi dahil masaya na ang kaibigan niya at natupad na nito ang matagal na nitong pinapangarap.
"Hindi ko alam, Celine. Kung sa masaya ay masayang-masaya ako. Pero natatakot ako. Baka lokohin lang din niya ako."
"Huwag kang mag-alala. Pagsasabihan ko siya kapag nagkausap kami."
"Pinapasabi pala niya na gusto ka niyang makausap. Makikipagkita ka raw ba sa kanya kung makikiusap siya sa 'yo?"
Tumango siya.
TUMUNGO si Celine sa condo unit ni James upang personal na ibalik dito ang librong hiniram niya rito. Ilang araw rin sa kanya ang librong iyon na sinulat ni Aaron. Nagtatrabaho na kasi siya sa kompanya ng daddy niya bilang supervisor kaya medyo natagalan bago niya natapos basahin.
Galing siya sa kompanya. Napagpasyahan niyang dumaan sa unit ni James pagkagaling sa trabaho kaya dinala niya ang libro bago umalis sa bahay.
Hindi nito alam na pupunta siya kaya nagpasalamat siya na nandoon ito. Mukhang kagigising lang nito nang pagbuksan siya nito. Nakapolo ito na bukas ang ilang butones at naka-slacks pa ito, magulo ang buhok at walang sapin ang mga paa. Mukhang nakatulog ito nang hindi nakakapagbihis. Namangha na naman siya rito dahil guwapo pa rin ito kahit sa ganoong ayos pero hindi niya ipinahalata iyon.
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]
Teen Fiction"I know my heart won't learn to love anymore because it will only beat for one person. And that person is standing in front of me now. It's you." Lihim nang iniibig ni James si Celine mula pa noong nasa high school sila. Dahil likas na mahiyain at t...