NAKANGITI si James habang tumutugtog ng piano. Kumakanta ang Dream Boys sa tabi niya. Hindi sumipot ang singer na dapat na kakanta sa okasyong iyon kaya naisip niya kaagad ang grupo.
May contact number siya ni Rainheart kaya ito ang kaagad na tinawagan niya. Mabuti na lamang at hindi abala ang grupo nito. At mabuti na lang, nakanta na ng mga ito ang awiting kakantahin sa okasyon na iyon.
Araw iyon ng kasal nina Aaron at Queenie. "This I Promise You" ang wedding song ng mga ito.
Biglaan at walang practice ang Dream Boys pero maganda pa rin ang kinalabasan ng pagkanta ng mga ito. Salamat na lang at nakanta na nga ng mga ito ang kantang iyon.
"Congrats, guys. You did well," puri niya sa mga ito pagkatapos ng kanta.
"Thank you, Sir James," halos sabay-sabay na pagpapasalamat ng mga ito.
Almost star-studded ang kasal nina Aaron at Queenie. May ilang kilalang artista na dumalo at naging godparents ang ilan sa mga ito. Kilala ang mga iyon ni Aaron dahil naging cast ang mga iyon sa TV show at pelikula kung saan scriptwriter ito.
At siyempre, walang kasalan sa mundo na hindi masaya. A wedding should be happy—even if it's simple or grand.
Bigla na lang pumasok sa isip niya kung ano ang magiging kasal niya balang araw. Church wedding na lang din siguro. Pero paano siya ikakasal kung wala naman siyang bride? He thought about Celine. Papayag kaya itong maging bride niya?
At nang napatingin ang mga mata niya sa entrance ng simbahan ay nakita niya ang babaeng iniisip niya.
Si Celine!
HINANAP ni Celine si James nang pumasok siya sa simbahan. Noong nakausap niya ito noong isang araw ay sinabi nito na ikakasal ang mga kaibigan nito nang araw na iyon sa simbahang pinuntahan niya.
Hindi niya ipinangako rito na pupunta siya sa kasalan pero kaninang umaga paggising niya ay hindi siya nagdalawang-isip na pupunta roon. Pinilit niya si Gwen na samahan siya pero importanteng-importante ang gagawin nito sa opisina ng lending company ng daddy niya.
Ilang linggo nang nakauwi na ang mga magulang niya mula sa Guam. Silang dalawa ni Gwen ang nagsundo sa mga ito sa airport. Masaya ang mommy at daddy niya pagkakita sa kanya. Alam niyang kung gaano niya ka-miss ng mga ito ay ganoon din siya ka-miss ang mga ito. Nagpasya siyang hindi na babalik sa Amerika dahil sa kompanya na ng daddy niya siya magtatrabaho. Lalo pang naging masaya ang mga ito.
Gusto niya sanang makita na tumutugtog si James dahil sabi nito ay ito ang tutugtog ng wedding song pero mukhang tapos na itong tumugtog dahil nagsesermon na ang pari.
Nakita niya si James na nakaupo sa harap ng piano. Katabi nito ang isang grupo ng mga kabataan. Nakangiti si James sa kanya kaya ngumiti rin siya. Kinawayan siya nito at sumenyas ito na tumungo siya sa kinaroroonan nito. Ngumiti lang siya at sumenyas na teka lang.
Marami namang tao sa simbahan kaya hindi siya napapansin. Dahan-dahan siyang tumungo sa kinaroroonan ni James.
"Hello," kaswal na bati niya rito nang makarating doon.
"Hi. Late ka na, ah." Pinaupo siya nito sa bakanteng upuan.
Nakangiting tumalima siya.
"Sir James, ang ganda ni Ma'am Celine ngayon, ano?" sabad ng isang binata.
Sinaway ito ni James. "Estudyante ko, si Rainheart," pagpapakilala nito ng binata sa kanya. "Naikuwento kita sa mga estudyante ko."
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]
Teen Fiction"I know my heart won't learn to love anymore because it will only beat for one person. And that person is standing in front of me now. It's you." Lihim nang iniibig ni James si Celine mula pa noong nasa high school sila. Dahil likas na mahiyain at t...