10

7.3K 151 4
                                    

KAAGAD na ipinagbigay-alam ni Celine sa kanyang mga magulang na nobyo na niya si James pagkahatid ng lalaki sa kanya sa kanilang bahay. Masaya ang mga ito para sa kanila.

"Alagaan mo si Celine namin, hijo," sabi ng daddy niya kay James.

"Huwag po kayong mag-alala. Aalagaan ko po siya at iingatan," ani James at tiningnan siya.

Ngumiti siya nang nginitian siya nito. "Kapag sinaktan niya po ako, isusumbong ko kaagad sa inyo, Dad, Mommy," biro niya.

Ngumiti lang ito.

"Isa kami ng daddy mo na gagawa ng paraan upang magkabalikan kayong muli kapag nangyari iyon," sabi ng mommy niya.

Kaagad iyong sinang-ayunan ng daddy niya. "Ayaw naming magkahiwalay kayo. Mula noon, kayo na ang bagay sa isa't isa para sa amin." Tumingin ito kay James. "We saw that someday you would be a good husband to our daughter, hijo."

"Thank you po," masayang pagpapasalamat ni James.

Gusto niyang umiyak sa ipinahayag na iyon ng daddy niya. Noon pa siguro ay si James na ang nagugustuhan ng mga magulang niya para sa kanya pero hinayaan lang siya ng mga ito dahil si Third noon ang mahal niya.

"At Celine, hija, sana ay huwag mo nang palitan si James sa puso mo. Mabait siya. Alam kong hindi ka niya kayang saktan," sabi naman ng mommy niya sa kanya.

Doon na tumulo ang mga luha niya. Hinawakan niya ang kamay ni James. "Mahal na mahal ko po ang lalaking ito, Mommy, Dad."

Humigpit ang paghawak ni James sa kamay niya na parang sinasabi nito na huwag siyang umiyak.

Mayamaya ay dumating si Gwen. Nang ibalita niya na magnobyo na sila ni James ay masayang-masaya ito para sa kanila.

Doon na naghapunan sa kanila si James.


WALANG araw na malungkot para kina James at Celine. Halos araw-araw silang nagkikita at nagdi-date. They were really bound to love each other. They were really fated to love each other.

Nang sinabi nila kina Aaron at Queenie na magkasintahan na sila, tama siyempre ang hula nila na magiging masaya ang mga ito. Sinabi pa ni Aaron na ang susunod nitong isusulat na nobela ay tungkol sa pag-iibigan nila.

"Hindi ka ba nabo-bore kapag kasama ako?" tanong ni James sa nobya niya.

"No," nakangiting turan nito. "Kahit huwag ka nang magsalita, kahit huwag mo na akong kausapin. Basta't nariyan ka lang na nakikita ko, na nasa tabi ko palagi, okay na sa akin iyon."

Ngumiti siya. Hindi lang ang mga labi niya ang nakangiti kundi pati ang puso niya. "I love you."

"At ano sa palagay mo ang isasagot ko?" nakangiting tanong nito. "I love you, too."

"Paano kung pizza na lang ang kaya kong ipakain sa 'yo, mamahalin mo pa rin ba ako?" tanong niya. Nasa isang pizza parlor sila nang hapong iyon. Pagkatapos magsimba nang araw na iyon ng Linggo ay tumungo sila roon.

"Basta ba ikaw ang kasama kong kakain ng pizza," sagot nito.

"Favorite mo lang ang pizza kaya mo nasasabi 'yan."

"Ang totoo niyan, hindi ako kumakain ng pizza hanggang nilibre mo ako noon sa canteen ng eskuwelahan."

"Ha?" Hindi siya makapaniwala.

Once Upon A Time In High School [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon