Chapter Eleven

784 17 0
                                    

Ten Years Ago

NAGMAMADALING pumasok sa bahay ang siyam na taong si Tinee para ipakita sa kanyang ina ang medal na nakuha niya sa Math Quiz Bee nila. Gold Medal lang naman ang nakuha niya kaya tuwang-tuwa siya.

"Christine, dahan-dahan at baka madapa ka." tawag sa kanya ni Yaya Izza. Bigla na lang itong sumulpot mula sa kung saan.

Tumigil naman siya sa pagtakbo at hinarap ang matanda. "Yaya, naka-gold medal ako sa quiz bee." masayang anunsiyo niya. "Ipapakita ko po 'to kay mommy. Nasaan po siya?" excited siya dahil siguradong matutuwa ang mommy niya sa kanya.

"Hindi pa naman siya bumababa simula kanina, hija. Puntahan mo na lang sa kuwarto niya." sagot nito.

"Thank you, Yaya." aniya bago nagmamadaling umakyat sa ikalawang palapag. Nasa kanang dulo ang kuwarto ng kanyang ina at doon agad siya tumakbo sa halip na pumunta sa kuwarto niya.

Kumatok siya ng tatlong beses at sinubukang pihitin ang seradura ngunit naka-lock iyon. "Mommy." tawag niya sa ina. Muli siyang kumatok sa pinto.

"Go away! I don't want to talk to you, evil witch!" sigaw ng boses ng kanyang ina mula sa loob.

Kulang ang salitang nagulat sa naramdaman niya dahil sa sinabi ng ina. Sino ang sinasabihan nitong evil witch? "Mommy, ako po 'to. Buksan n'yo po ang pinto, may ipapakita ako sa'yo." pamimilit niya. Ano ang problema ng mommy niya? Bakit parang mainit ang ulo nito? Hindi kaya may umaway dito kaya ito nagkakaganoon?

"Umalis ka sabing bata ka. Ayokong makita ang pagmumukha mo. Pumasok ka sa kuwarto mo at huwag kang lalabas hangga't hindi ko sinasabi dahil kung hindi, malilintikan ka sa'kin." malakas na sigaw nito.

Sa pagkakataong iyon ay hindi na makagalaw si Tinee sa kinatatayuan niya. Natigil din bigla ang pagkatok niya sa pintuan ng silid nito. Alam ng mommy niya na siya ang kumakatok, bakit nito sinasabi ang mga ganoon? Bakit mainit ang ulo ng nito dahil sa kanya? May ginawa ba siyang hindi maganda para magalit ito?

Hindi ganoon ang mommy niya. Palagi siya nitong kinakausap ng maayos kapag may hindi ito gusto sa mga ginawa niya. Maayos siya nitong pinagsasabihan kapag may mali siyang ginawa. Kahit noong mamatay ang kanyang ama tatlong taon na ang nakararaan ay hindi siya nito pinabayaan. Silang dalawa lang ang naging magkakampi bukod kay Yaya Izza at sa matalik niyang kaibigang si Tana kaya bakit bigla na lang itong sisigaw ng ganoon at pinaaalis pa siya?

Nanikip ang dibdib niya. Something is definitely wrong with her mother. Kung ano man ang dahilan ng pagkakaganoon nito ay tatanungin niya paglabas nito ng silid. Siguradong may mabigat na dahilan ang kanyang ina para uminit ng ganoon ang ulo nito. Marahil ay siya lang ang napagbuntunan nito at siguradong hindi nito sinasadya ang masigawan siya.

Mahal siya ng mommy niya, sigurado siya doon at walang makakapagpabago niyon. Kahit kailan.

HAPUNAN na nang muling lumabas ng silid si Tinee. Nag-alangan pa siya kung muli niyang pupuntahan ang ina sa silid nito o hihintayin na lang ito sa dining hall para sabay silang mag-hapunan ngunit hindi na pala niya kailangang gawin iyon dahil nasa harap na ng hapag ang kanyang ina, umiinom ng alak. Hindi man lang nito pinapansin ang mga pagkain sa harap nito.

Agad siyang tumakbo palapit dito. "Mommy..." tawag niya sa pansin nito.

Matalim ang tingin nito nang balingan siya. "Hindi ba't sinabi ko sa'yo na huwag kang lalabas ng kuwarto mo hangga't hindi ko sinasabi? Bakit ba ang tigas ng ulo mo?" bulyaw nito sa kanya.

Maybe this time (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon