"BILLIE Anne, what can you say about the pictures? Did you talk to Ron?"
Hindi tumugon si Belle sa tanong na iyon ng isang reporter na nakasunod sa kanya habang naglalakad siya nang mabilis. Panay ang kislapan ng flash ng mga camera. Mabuti na lang at suot niya ang kanyang shades.
Hawak ang cell phone at purse ay ginamit niya ang kamay upang isangga sa kanyang mukha. Sa ganoong paraan ay maipararating niyang hindi siya sasagot sa ano mang tanong.
Lalo niyang binilisan ang paglalakad nang matanaw niya ang assistant niyang si Grace na malapit sa main entrance. Nakatayo ito sa tabi ng sasakyan at hinihintay siya.
"Billie Anne, just one question," pangungulit pa ng reporter.
Mabilis siyang lumulan sa sasakyan nang pagbuksan siya ni Grace ng pinto. Pagkatapos ay sumunod na rin agad ito sa loob.
"They won't stop," sabi ni Grace nang nasa biyahe na sila patungo sa opisina ng agency na humahawak sa kanya.
Hindi siya sumagot. Dahil ang totoo ay hindi niya alam ang nararamdaman. She felt devastated. Magulong-magulo ang isip niya kaya kailangan niyang makausap ang manager niya, ang kanyang ina.
"Tumawag ang mommy mo. Ang sabi ko, papunta na tayo. Belle?" untag ni Grace sa kanya.
Kilala sa larangan ng pagtugtog ng violin si Belinda Antoinette Bryne bilang "Billie Anne." Pero para sa mga taong malalapit sa kanya, siya si "Belle."
Ang kanyang amang si Billy Bryne ay isang Italyanong violinist at classical music composer. Nagkakilala ang kanyang mga magulang sa London kung saan nag-aral ng Fashion Design ang kanyang ina. Noon naman ay nasa school of music ang kanyang ama.
Sa Pilipinas siya ipinanganak ngunit sa London siya lumaki. Ngunit nang magsimula siyang tumugtog ng violin tulad ng kanyang ama ay lumipat sila sa New York.
Namana ni Belle ang talento ng kanyang ama. Limang taon siya nang matuto siyang tumugtog ng violin. Walong taong gulang siya nang una siyang sumali sa kompetisyon at nanalo. Kumuha siya ng special course at natapos niya iyon sa loob lamang ng ilang buwan.
Labintatlong taong gulang siya nang makapasok siya sa Royal College of Music. Sumikat siya sa pagtugtog ng violin, mapa-classical man o modern pop.
At ngayong beinte-kuwatro anyos na siya, ilang recording albums na ang na-release niya at ilang concerts niya sa buong mundo ang dinumog ng mga tao.
Napabuntong-hininga si Belle. "What's my schedule?"
"W-wala. Ipina-cancel lahat ng mommy mo," sagot ni Grace.
Tinanggal niya ang kanyang shades at napatingin dito.
"Papunta na rin daw sa agency si Ma'am Jessie," pagbabalita pa nito sa kanya. Ang tinutukoy nito ay ang Amerikanang road manager niya.
Nag-iwas siya ng tingin. Magbabago marahil ang buhay niya sa susunod na labinlimang minuto pagdating niya sa agency. Marahil ay iyon na ang katapusan ni Billie Anne, ang isang superstar.
Tumunog ang message alert tone ng cell phone ni Grace. Binasa nito ang mensahe saka tumingin sa kanya. "Hindi pa raw magbibigay ng statement si Sir Ron."
Napaungol siya at napasandal sa upuan. Pakiramdam niya ay biglang sumakit ang ulo niya dahil sa mga nangyayari. Kung hindi siya nagpadala sa kapusukan ay maayos pa sana ang buhay niya.
Isang linggo nang laman ng telebisyon, peryodiko, at social networking sites ang eskandalong kinasasangkutan ni Belle. Kumalat ang mga larawan niya kasama ang movie producer na si Ron Owens. The pictures showed some steamy moments of them hugging, nibbling, and kissing each other. At ang video naman ay kuha habang hawak ni Ron ang kamay niya at papasakay sila sa Ferrari nito. Malayo ang kuha ng video at mabilis iyong kumalat sa video sharing sites. Umabot pa nang halos isang milyon ang views niyon sa loob lamang ng dalawang araw. At bumaha rin ng maaanghang na komento laban sa kanila ni Ron. Some called her a whore, a flirt, a bitch, and even a mistress.